Act 2 Scene 13

278 36 30
                                    

EXT. UMA ROAD – NIGHT

Bubuksan ni Lucille ang gate at hihinga nang malalim nang parehas silang kumakanta ng berso ng "Bohemian Rhapsody." Pupulutin naman ni Argon ang helmet na nasa kalsada—na binigay niya kay "Lucille," o kung sino man 'yon—at tititigan.


ARGON: Di ako makapaniwala na parehas tayong minaligno ngayong gabi.

LUCILLE: Please, ayoko na pag-usapan. 'Wag mo na 'ko takutin.

ARGON: Ano bang nangyari?


Kukuhanin ni Lucille ang helmet at magmamadaling isuot.


LUCILLE: Do'n na tayo magkuwentuhan kasi baka . . . please, tara na.


Sasakay sila pareho sa motor at tutungo sa may Uma Road. Titigil sila sa isang waiting shed kung saan tanaw-tanaw ang Teatro Uma. Uupo si Lucille at tatanggalin ang helmet habang papatayin naman ni Argon ang makina ng motor.


LUCILLE: No'ng magka-vid call tayo, may babae talaga. Nakasuot pa ng uniform natin. Akala ko nga no'ng una magkasama kayo ni Diana, e.

ARGON: Ha, ba't kami magkasama?

LUCILLE: Akala ko nga lang! Pero biglang papalapit, pero hindi ko nakita 'yong mukha. Tapos sobrang fucked up kasi naghihintay si Ria sa may gate. Napatakbo ako paloob ng bahay. Sobrang what the hell.

ARGON: Ngayon ko lang yata narinig na nag-"fuck" ka.


Matatawa si Argon. Papaluin naman ni Lucille ang braso niya.


LUCILLE: Seryoso ako rito, e!


Maglalabas si Argon ng maliliit na pack ng mani at biskuwit mula sa bag niya at ibibigay kay Lucille. Ngingiti si Argon at mapapatingin sa Teatro Uma mula sa malayo.


ARGON: Sorry, pamburol pa 'yong pagkaing nadala ko.

LUCILLE: Huy, 'wag ka ngang magsabi ng ganyan. Every food is a blessing.


Titingnan ni Argon ang orasan—mag-a-alas diyes na ng gabi—saka ibabalik ang paningin sa teatro habang susubo ng biskuwit.


LUCILLE: Ikaw, ano bang nangyari?

ARGON: No'ng unang beses na pumunta ako sa inyo, nakita kita sa labas. Pramis. Binigay ko pa nga 'yong helmet.

LUCILLE: Pero di ba, nakita mong nasa semento?

ARGON: Ayun nga. Pero sigurado talaga ako. Nakasakay ka na nga . . . pero nagulat ako no'ng bigla kang tumawag.

LUCILLE: Eeeeek! Kinikilabutan ako, o!


Ipapakita ni Lucille ang braso niya kung saan nakataas ang kanyang mga balahibo. Pagkatapos, bubuksan niya ang isang maliit na pack ng mani.


LUCILLE: Hindi pa nga ako naniniwala sa multo, pero parang ngayon, oo na.

ARGON: Tingin ko hindi 'yon gagawin ng multo—kung totoo man sila. 'Yong paglalaruan ang tao? Iba gagawa—

Last Full ShowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon