INT. PENTAGON FOUNTAIN, TEATRO UMA – NIGHT
Dahan-dahang maglalakad sina Eriol at Sapphire palabas ng clothes store. Sisilip. Tatakbo. Sisilip. Tatakbo. Hanggang sa makarating sila sa fountain sa gitna.
Nakayuko silang maglalakad sa gilid ng fountain. Mauuna si Eriol.
ERIOL: Tatakbo ako do'n.
Ituturo ni Eriol ang hallway papuntang entrance.
ERIOL: Kung nando'n pa rin 'yong . . . ewan . . . ako na bahala. Basta tumakbo ka. Okey?
SAPPHIRE: O-okay. Pero please, hangga't maaari—
ERIOL: Akong bahala sa 'yo.
Maiiyak ulit si Sapphire.
ERIOL: Iyakin.
SAPPHIRE: Lagi mo 'kong inaaway. Pero ngayon . . .
Pupunasan ni Sapphire ang mga luha niya.
SAPPHIRE: Basta, ingat ka, okey?
Ngingiti si Sapphire kay Eriol. Mauuna si Eriol na tatakbo mula sa fountain papunta sa umpisa ng isa sa mga hallway papuntang entrance. Makikinig si Eriol nang maigi bago ibabalik ang paningin. Maglilip-synch at sesenyas siya kay Sapphire ng wala.
Makikinig siya ulit. Katahimikan. Saka siya sesenyas kay Sapphire para pumunta sa kanya.
Lights.
Kukurap ang mga ilaw sa fountain. Tatayo si Sapphire. May gagalaw sa may peripheral view niya kaya mapapatingin siya.
Camera.
Lalapag ang kanyang paningin sa tubig. Masisilaw siya ng isang spotlight, at pagdilat niya, makikita niya ang repleksiyon niyang walang ulo.
SAPPHIRE: Eriol—
Action.
Sa susunod niyang apak, lalabas ang dalawang sunog na kamay mula sa tubig at sasakalin si Sapphire hanggang sa maihulog siya sa fountain. Sisigaw si Sapphire. Aalingawngaw ito sa buong teatro.
Tatakbo si Eriol papuntang fountain, ngunit pagdating niya, tuluyan nang nawala si Sapphire sa kanyang paningin. Isang pagliyab lang ang naabutan niya, na hindi niya rin alam kung saan galing. Aligaga siyang papasok sa fountain sa isip-isip na malalim ito, ngunit magugulat siya nang hindi pa lalagpas sa kanyang binti ang tubig.
ERIOL: Sapphire! Sapphire!
Susubukan niyang paghampas-hampasin ang sahig gamit ang walis na hawak niya.
Magpupula ang tubig.
May mararamdaman siya sa likod ng hita niya. Paglingon niya, palutang-lutang na ang katawan ni Sapphire na walang ulo.
Masusuka si Eriol sa tubig. Magmamadali siyang aalis sa fountain at tatakbo sana papuntang entrance nang marinig niya ang angil ng nilalang na narinig nila kanina. Babalik siya papunta sa fountain, titingin sa walong hallway, at magdedesisyon na bumalik sa clothes store.
Pagdating niya, makakasalubong niya ang janitor, nakangiti, kalong-kalong ang bag ni Niana at suot-suot sa tainga ang ball pen ni Echo.
JANITOR: Na sa 'yo ba ang walis at dustpan ko, iho?
Sisigaw si Eriol, tatakbo pabalik sa fountain, at papasok ulit sa ibang hallway na papunta sa gift store.
BINABASA MO ANG
Last Full Show
HorrorKasabihan na ang huwag nang gagala bago mag-graduation kundi may mangyayaring masama. Pero para sa graduating members ng theater club sa San Juan Senior High School, haka-haka lang ito. Magpapasya silang manood sa Teatro Uma, isang di-kasikatang pa...