INT. TEATRO UMA – DAY
Magigising si Lucille dahil yuyugyugin siya ng kanyang ina. Agad-agad siyang hindi mapapakali at mamawis ang kanyang mga palad.
LUCILLE: Ma, bakit wala tayo sa school?
LUCILLE'S MOM: Nag-iba ng venue, 'nak.
Titingnan ni Lucille ang paligid habang inaalalayan siya upang makaupo sa kanyang wheelchair. Makakaramdam siya ng matinding kaba—hindi niya alam kung bakit. Itatapik-tapik niya ang kanyang mga paa, at mapapatingin sa kanyang kaliwa at kanan.
Maririnig niya ulit ang mga boses.
LUCILLE: Ma, Pa, ayoko na rito.
LUCILLE'S DAD: Ha? Anak, graduation n'yo 'to.
LUCILLE: Pa! Ayoko nga!
Magugulat ang kanyang mga magulang dahil sisigaw si Lucille, tila takot na takot. Hindi muna sila papasok. Kukunin ng kanyang ina ang cell phone, tila may kakausapin.
LUCILLE'S DAD: Anak, kalma, okey? Hinga . . . buga.
Hihinga nang malalim si Lucille. Makikita niyang ibababa ng kanyang ina ang cell phone na kaninang hawak at mapapatingin sa kanyang ama.
LUCILLE'S DAD: Anong sabi?
LUCILLE'S MOM: Puwede siguro na papasok na lang tayo kapag si Lucille na ang aawardan. Pero kung ayaw ni Lucille . . .
Titingin silang dalawa kay Lucille, parehong may mga nangangambang mata para sa kanilang anak. Luluhod pa ang kanyang ina upang magiging magkasinglebel ang kanilang mga mata.
LUCILLE'S MOM: Okay ba 'yon, anak?
At dahil makikita niya ang lungkot sa mata ng kanyang ina't ama, mapapabuntonghininga siya.
LUCILLE: Opo, puwede.
LUCILLE'S DAD: Sa sasakyan na lang tayo maghintay.
LUCILLE'S MOM: Order na lang tayo ng pagkain.
Mapapangiti si Lucille dahil sa suporta ng kanyang mga magulang. Isasakay nila ulit si Lucille sa loob ng sasakyan habang tatawag ang kanyang ama sa cell phone upang mag-order ng pagkain. Bubuksan naman ng kanyang ina ang maliit na screen para may mapanood sila habang hinihintay.
Mapapasandal si Lucille sa bintana. Mapapapikit.
Lucille.
Didilat.
LUCILLE: Ma, pakigising na lang po ako.
LUCILLE'S MOM: Inaantok ka?
LUCILLE: Opo.
Ang hindi nila alam, kukunin ni Lucille ang gamot na pampatulog at iinumin.
Labinlimang minuto pagkatapos, makararamdam si Lucille ng antok. Sasandal siya sa bintana, mapapapikit, at unti-unting hihina ang mga boses na kanyang naririnig.
BINABASA MO ANG
Last Full Show
TerrorKasabihan na ang huwag nang gagala bago mag-graduation kundi may mangyayaring masama. Pero para sa graduating members ng theater club sa San Juan Senior High School, haka-haka lang ito. Magpapasya silang manood sa Teatro Uma, isang di-kasikatang pa...