INT. MAIN THEATER, TEATRO UMA – NIGHT
Ilang gapang mula sa pasukan sa sikretong daanan sa clothes store, makakakita si Evon ng isang espasyo na tama lang para tayuan ng isang tao. Doon ay may hagdan na nakakabit sa pader kaya susubukan niya itong akyatin. Pagdating niya sa ituktok, sasalubong sa kanya isang makitid na daanan na kailangan niyang gapangan.
EVON: Ano, hindi talaga susunod 'yong mga 'yon?
Magbubuntonghininga si Evon at mapapakagat ng labi bago mag-uumpisang gumapang.
EVON: Takte.
Kalagitnaan ng kanyang paggapang, makakarinig siya ng isang pagsara ng pinto—o ng pinasukan niya kanina. Titigil si Evon at lilingon.
EVON: 'Rol? Saph?
Katahimikan.
At ang susunod niyang maririnig ay ang mabilis na mga yapak—o paggapang—na tila nagmamadaling pumunta sa kanya. Tila susugod.
Mabilis na kikilos si Evon, di alintana na gumasgas na ang balat at masaktan na ang tuhod at siko sa kagagapang. Kagat-kagat niya ang kanyang labi, pinagpapawisan. Naiiyak, napapadasal.
Papalapit nang papalapit ang mga yapak.
Makakarating si Evon sa isang maliit na pinto, at saktong mabubuksan niya ito at makakalabas. Ang huli niyang maririnig ay di kalayuang mga yabag sa ginapangan niyang daan.
Mapapamura si Evon sa pagitan ng kanyang paghinga.
Paglingon niya, nasa loob na siya ng ticket booth. Walang tao.
Sisilip si Evon sa bintana. Walang ring tao.
Lalabas siya nang dahan-dahan, gagawin ang sign of the cross, at mabilis na tatakbo papaloob ng sinehan. Pagtingin niya sa napakalaking screen, makikita niyang nag-uusap sina Renelyn at Aman, parang may binubuksang padlock.
Tahimik at nakayuko siyang aakyat sa dulo ng teatro, pabalik sa puwesto kung sa'n siya umupo no'ng una. Magtatago siya harap ng kanyang upuan. Ilalabas niya ang cell phone niya at magte-text kina Argon at Lucille: WAG NA KAYO SUMUNOD. DUMIRETSO KAYO SA PULIS! DALIAN NINYO! MAY MALI SA UMA! Pagkalabas na pagkalabas ng isang signal bar, pipindutin niya ang send.
Sumunod siyang magtatayp ng text para sa nanay niya: MA, TAWAG KA TULONG! DITO AKO SA UMA! MAY MALI RITO! Ngunit hindi ito magse-send.
EVON: Putang ina . . . putang ina . . . mag-send ka . . .
Ngunit biglang didilim, tila may humaharang sa ilaw ng screen ng teatro. Pag-angat niya, makikita niyang nakaluhod na ang babaeng staff na nasa booth sa upuan sa harap niya, kinakain ang naiwan niyang popcorn kanina.
Sisigaw si Evon at ibabato ang bag niya sa mukha ng staff. Hawak-hawak ang kanyang cell phone, tatakbo siya pababa ng teatro. Sa pagmamadali, madadapa pa siya at gugulong pababa ng hagdan.
Pagtingin niya sa itaas, ang babalandra sa kanyang eksena sa pinapalabas ay ang sarili niyang nakatingin sa screen.
Mabilis siyang tatayo at patakbong aalis sa teatro. Ngunit mula sa kanyang kaliwa, sasalubong sa kanya ang staff mula sa projection room. Mapipilitan si Evon na gumawi sa kanan, ngunit makikita niya na paikot lang ang daan at walang ibang bababaan—at aakyatan—kundi ang escalator . . . at elevator.
Makikita rin niya mula sa malayo na mabilis na naglalakad ang kaninang staff na nagpunit ng kanilang ticket mula sa kanan.
EVON: Fuck!
Gawa ng mga limitadong pagpipilian, mapipilitan siyang pindutin ang downarrow ng elevator habang mabilis na papunta ang mga staff papunta sa kanya.
BINABASA MO ANG
Last Full Show
HorrorKasabihan na ang huwag nang gagala bago mag-graduation kundi may mangyayaring masama. Pero para sa graduating members ng theater club sa San Juan Senior High School, haka-haka lang ito. Magpapasya silang manood sa Teatro Uma, isang di-kasikatang pa...