"Hindi ka pa rin ba uuwi, apo? Tumawag na ang mommy mo, tinatanong kung nandito ka raw o kung dumalaw ka rito."
Hanggang ngayon nawawala pa rin si Lisa at hindi ko pa rin nasasabi kay Lola na nawawala siya. Hindi ko alam kung anong magandang paraan ng pagsasabi. Hindi ako makahanap ng tamang pagkakataon.
"Ano pong sabi niyo, La?"
Itinigil niya ang pananahi at saka bumaling sa akin.
"Ang sabi ko nakabalik ka na sa New Zealand. Dumaan ka lang noong nakaraang linggo upang magpaalam."
"Thank you, La."
Tumango lang siya bago bumalik sa pananahi. Sa dalawang linggong pananatili ko rito napansin kong pananahi na ang libangan ni lola. At gano'n din ang paghahalaman. May maliit siyang hardin sa likod-bahay kung saan may nakatayong maliit na kubo. Wala pa iyon noong huling beses na nagpunta ako rito. Pahingahan siguro ni lola. Minsan ko na rin siyang tinanong kung para saan pa ba ang kubong iyon, tambakan lang daw ng mga lumang gamit, pero kung titingnang mabuti mukha namang hindi siya tambakan. Halatang malinis kahit sa labas mo lang titingnan.
"Hindi ka ba naiinip dito?"
"Hindi pa naman po."
Lumapit ako kay lola, sandali siyang tumigil sa pananahi. Naupo ako sa tabi niya at bahagya kong inihilig ang aking ulo sa kanyang balikat.
"Ang tagal mong nawala, apo. Natagpuan mo na ba ang hinahanap mo?"
Hinaplos-haplos ni lola ang buhok ko. Miss na miss ko na ang buong pamilya ko. Marami akong mga desisyon na buhay na labis kong pinagsisisihan. Kung sana'y mas naging matalino at maingat ako sa pagde-desisyon hindi sana hahantong sa ganito. Pero sabi nga nila, hindi natin kontrolado ang lahat ng bagay. Gayon pa man, sana'y hindi pa huli ang lahat.
"Hindi po. Lalo lang akong nawala, naligaw."
"Hindi mo man lang ako dinalaw, kahit man lang sana si Lisa. Kung alam mo lang palagi siyang dumadalaw rito, baka raw bumalik ka na."
Kung alam niyo lang din po lola maraming beses kong pinigilan ang sarili kong bumalik kay Lisa. Maraming gabi nalulunod ako sa sarili kong mga luha. Maraming beses akong nagpalit ng punda at unan. Kung alam niyo lang sana kung gaano ako nangulila, kung alam niya lang sana.
"Paborito mo raw ang kaldereta?"
Tumango lang ako bilang tugon.
"Hanggang ngayon hindi ko pa rin nakakabisa ang kalderetang gusto ni Lisa. Minsan dadalawin niya lang ako rito at ipipilit na ipagluto ko siya ng kaldereta. Naiinis na nga ako sa batang 'yon e, tinuturuan kong magluto, ayaw naman. Gusto niya raw na siya ang ipinagluluto." Tumawa nang napakla si lola.
"Miss na miss ko na siya, hindi na niya ako dinadalaw."
Parang may bumara sa lalamunan ko. Umagwat ako kay lola at saka yumakap sa kanya.
"Miss na miss ko na rin siya, La."
"Sshhh." Hinaplos niya ang likod ko. Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako. Masyadong mabigat ang mga nangyari nitong mga nakaraang araw.
Hindi na natuloy ang kasal ni Chaeng. Hindi ko rin alam kung bakit. Nabanggit lang ni lola noong tumawag si mommy. Nag-off rin ako ng phone. Hindi nila ako pwedeng matagpuan hanggat hindi ko nahahanap si Lisa o hanggat hindi nasasagot ang nga tanong ko.
"Magpapahangin lang po ako," paalam ko may Lola. Gusto ko munang lumanghap ng sariwang hangin baka gagaan ang pakiramdam ko kahit papaano.
"Wag kang masyadong lalayo ha."
"Opo."
Lumabas ako ng bahay at naglakad-lakad. Maganda sigurong mamahinga sa kubo. Hindi ko pa rin naman nakikita ang loob nito. Panay dingding na gawa sa plywood lang ang makikita mula sa labas.
Isa-isa ko ring pinagmasdan ang mga halaman at bulaklak na inaalagaan ni lola. Napakalungkot sigurong mamuhay nang mag-isa. Kumuha ako ng tubig at diniligan ko ito. Medyo nanunuyo na rin ang lupang pinagtatamnan nito. Ang ipinagtataka ko, lagi namang narito sa likod-bahay si lola. Walang umagang hindi siya nagtutungo rito. Minsan pa nga'y may dala siyang almusal. Dito niya raw gustong mag-agahan kaya imposibleng makakalimutan niyang diligan ang mga ito.
Matapos kong diligan ang mga halaman ay minabuti kong maglakad patungong kubo. Susubukan ko ring linisan ito nang sa gayon ay maaaring makapagpahinga si lola dito sa mga araw na gusto niya. Babawasan ko siguro ng mga tambak na gamit. Malaki ang kuwarto sa itaas, sapat na siguro para sa ilang gamit na ililipat ko mula rito. Pinihit ko ang door knob subalit nakakandado ito. Sa ibang araw na lang siguro ako papasok dito. Tumalikod na ako upang bumalik sa loob nang bahay nang makarinig ako ng mahinang boses. Marahan akong kumatok.
"May tao ba riyan?"
Idinikit ko ang tainga ako sa may pinto. Walang sumasagot ngunit bigla na lamang may kung anong bagay na nabasag.
Hindi ko alam ang gagawin, nakakandado ito. Dali-dali akong bumalik sa loob ng bahay upang hiramin ang susi kay lola.
Wala si lola. Iniwan ko lang siya rito a. Paulit-ulit ko siyang tinawag ngunit walang sumasagot. Napilitan akong hanapin ang susi. Nagtungo ako sa kwarto si lola. Sigurado akong dito niya lang 'yon ilalagay. Bukas ang pinto ng kuwarto ni lola. Sa pagkakaalam ko, hindi niya iniiwang bukas ito. Papasok pa lamang ako sa loob nang mapansin ko ang susi sa sahig. Kahit nagguguluhan ay mabilis ko itong dinampot at bumalik ako sa likod-bahay.
Habang binubuksan ko ang pinto ay palakas nang palakas ang tibok ng puso ko. Nanlalamig din ang mga kamay ko sa kaba. Mabuti na lamang at tamang susi ang nakita ko. Nahulog siguro ito ni lola. Marahan kong itinulak ang pinto.
Bumungad ang katawan ng isang babae habang nakaupo at nakagapos sa upuan. May saklob itong maliit na itim na supot sa ulo. Dali-dali akong lumapit sa kanya at tinanggal ito.
"Lisa?!"
•••
Update ako kapag umabot na tayo ng 1K votes. ;)
BINABASA MO ANG
Uncover [COMPLETED]
FanficAt sa puntong inaakala mong natagpuan mo na ang pag-ibig na matagal mo nang hinahanap, biglang darating ang pagkakataong hindi mo inaasahan. Nakahanda ka bang makipaglaban o magpaparaya na lamang?