Chapter 34

780 32 2
                                        

"J-jen, hayaan mo sana akong magpaliwanag," nagsusumamong wika ni Chae.

Ngayon lang ulit kami nagkita pagkatapos ng insidente sa Japan. Wala akong lakas ng loob na harapin siya. Natatakot akong makapagbitaw ng mga salitang pagsisisihan ko sa huli. Mahal ko siya, kung bakit mas doble ang sakit na nararamdaman ko 'yon ay dahil pakiramdam ko pinagtrayduran niya ako. Sa lahat ng tao rito sa mundo bakit pati siya?

"You have 20 minutes to talk." Hindi ko siya magawang tingnan.

"Sana hindi ka lang nakikinig, sana subukan mo ring unawain."

"Alam mo kung gaano ako kamaunawain, Chae. Kilala mo ako. Ikaw yata ang hindi ko na kilala," punong-puno ng hinanakit kong wika.

Pinili naming mag-usap dito sa condo. Wala na si Lisa. At kung dumating kami sa puntong magkasumbatan, magkaiyakan, magkasakitan magagawa namin 'yon nang malaya rito.

Tumikhim muna siya bago nag-umpisang magsalita.

"Nasa bakasyon kami nina mommy sa isa naming private island. Minsan lang magkaroon ng bakasyon si dad kaya sinulit na namin. Noong huling araw namin sa isla, naghanap kami ni Alice ng seashells. Hindi namin napansin na napalayo na pala kami hanggang sa may matanaw kaming malaking bulto. Natakot kaming lumapit. Nagpasya siya na hayaan na lang ito. Pero parang may humila sa akin. Bata pa lang ako at curious sa maraming bagay. Lumapit pa rin ako at nagulat akong isang bata ito na nakasuot ng life jacket. Tumakbo ang kapatid ko pabalik sa rest house upang humingi ng saklolo habang naiwan akong nagbabantay sa kanya. At bilang doctor naman si mommy hindi na namin kinailangan pang dalahin siya sa hospital. Halos ilang araw din siyang walang malay. Binabantayan lang namin siya hanggang sa nagising siya. Lisa ang unang pangalang binanggit niya."

Hindi ko man ginusto pero kusang nanikip ang dibdib ko. Parang pinipiga ito, pinipilas. Napupunit.

"Pagkatapos noon, hindi na namin siya nakausap. Palagi lang siyang tulala at umiiyak. Iniuwi namin siya sa New Zealand para doon magpagaling. Nangako sina mommy na hahanpin namin ang family niya kapag may naaalala na siya at kapag magaling na siya. May mga gabing magigising kami sa paghiyaw niya dahil sa pagsakit ng ulo. Sinubukan namin siya i-enroll sa school ko pero ayaw niya sa maraming tao at doon kita unang nakilala."

"Kasabay mo siyang lumaki, Chae pero ni minsan hindi mo man lang naipagtapat sa akin. Ilang taon mo siyang itinago na sa akin, sa amin."

"Hindi ko sinasadya, Jen. Noong nakita kita kaagad kitang niyakap. Akala ko ikaw siya."

Natatandaan kong nakasalubong ko siya sa front gate ng school at bigla na lang niya akong niyakap. Itinulak ko pa nga siya noon.

"Nakita ko kung paano siya nahirapan, Jen. Kung gaano siya na-trauma. Hindi ko alam kung sinong kakampi o kaaway. Trust me, no'ng nalaman kong kapatid mo siya gustong-gusto ko na siyang ibalik sa inyo.

Napataas ang kilay ko sa kanyang tinuran. Kaaway? Kami?

"Chae!"

"Patapusin mo muna ako."

"Walang nakakaalam kahit sino. Kahit si Jisoo. Recent niya lang nalaman. Kahit siya pinaghinalaan ko rin. Lahat kayo, kahit si Lisa."

"Bakit pati siya?"

"Ilang taon bago bumalik ang mga alaala niya at naikuwento niya ang lahat. Si Lisa, si Jisoo. Kung paano sila nagkakilala. Hinanap ko sila, kung sino sila. At hindi ko rin inaasahang mai-inlove ako kay Jisoo. Sa maniwala ka at sa hindi, noong nakita ko si Lisa ang gusto ko lang gawin ay ang itakas ka sa kanya. Ayaw kong masaktan ka, inisip kong baka kaya ka lang siya pinili ay dahil iniisip niyang ikaw si Jen-jen. At 'yon din ang dahilan ng pag-alis ko. Kitang-kita ko kung gaano mo siya kamahal."

Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako.

"Jen," umakto siyang lalapit sa akin pero mabilis ko siyang pinigilan.

"Diyan ka lang. Okay lang ako."

Kaagad kong pinahid ang mga traydor kong luha.

Bumalik siya sa pagkakaupo.

"Bakit na sa 'yo ang singsing?"

"Aling singsing?" Halata ang pagkagulat sa mukha niya.

Inilabas ko ang singsing na palagi kong dala-dala. Wala na itong silbi ngayon.

"Nakita ko 'yan sa bag ni Jisoo. Akala ko magpo-propose na siya sa akin. Balak ko nang aminin sa kanya ang lahat. Pero hindi ko inaasahan ang pagdating nina mommy. Alam ko marami kang tanong nang mga oras na 'yon at pagtakas ang naging sagot ko. Sorry, Jen. Mali ako na akala ko masasagip kita sa sakit. Hindi maitutuwid ng pagkakamali ang isa pang pagkakamali."

Hinawakan niya ang kamay ko.

"Walang halong pagpapanggap lahat ng pinakita ko, Jen. Mahal kita at mahal ko rin ang kapatid mo. Mahal ko kayong pareho at ang nais ko lang ay ma-protektahan kayo sa kahit anong paraan. Hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung sinong gumawa sa kanila nang ganito. Kung sinong nagtangka sa buhay nila."

Hindi ko na nagawang tanggalin pa ang pagkakahawak niya sa kamay ko.

"At 'yung cctv. Ako ang magpabura noon. Hindi ko alam kung bakit nagpunta si Jisoo sa condo ni Lisa noong gabing may nagtangka sa buhay niya. Ayaw kong pagsuspetyahan mo siya kaya ko binura. Inamin niya na rin sa akin ang lahat. Akala niya wala na si Rubyjane. Nagpunta siya kay Lisa para ibalita ito. Pero nadatngan niyang nagpapambuno si Lisa at ang isang lalaki na hindi pa rin namin nakikilala hanggang ngayon."

All this time magkakilala pala si Lisa at si Jisoo pero nagawa nilang magpanggap na hindi magkakilala. Lalong lumalim ang hinanakit ko sa kanila.

"Noong halos hindi na kami nag-uusap ni Jisoo lagi pala silang nasa bar ni Lisa. Nagpapakalango sa alak. Hindi nila matanggap na wala na si Rubyjane. Na wala na ang matagal na nilang hinahanap."

"Anong ibig mong sabihing matagal nang hinahanap?"

"Alam ni Lisa na hindi ka si Jen-jen. Noong gabing nalasing sila ni Suelgi, 'yon ang gabing ibinalita ni Jisoo na wala na si Rj. Sinabi na ni Jisoo ang lahat pagkatapos naming umalis nang walang paalam."

Masyadong maraming rebelasyon na parang gusto ko na lamang himatayin. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ba ang mga susunod niyang aaminin.

"Wag mong iisipin na hindi ka mahal ni Lisa."

"Hindi niya ako mahal. Hindi niya ako minahal, buong pagsasama namin inisip niya ako ang kapatid ko. Ako ang nawawala niyang Jen-jen."

Hindi ko na napigilan pa. Pumipiyok na ako at garalgal na ang boses habang nagsasalita.

Napakasakit palang bigkasin na hindi naman niya ako minahal. Na sa tuwing tinititigan niya ako ibang tao ang iniisip niya. Na sa tuwing sinasabi niyang mahal na mahal niya ako si Jen-jen ang nasa isip niya at hindi ako.

Lumapit sa 'kin si Chae at niyakap ako.

"Ito ang iniiwasan ko kaya ako umalis."

Umiyak lang ako nang umiyak hanggang sa kusa na akong napagod.

"W-wala na siya, Chae. Umalis na siya. Hinayaan ko siyang iwan ako. Ipinagtulakan ko siya."

Nagsisinok na ako kaiiyak pero ayaw ko pa ring tumigil. Buong linggo ko siyang hindi kinibo kahit isang linggo lang naman ang hinihingi niya para makasama ako.

"Hahanapin natin siya, 'wag kang mag-alala."

Saan kita hahanapin Lisa?

Uncover [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon