Chapter 40

886 31 3
                                    

"Nasaan si Lisa?"

Kahit umiikot ang paligid ay sinubukan ko pa ring bumangon. Bahagya siyang lumapit para alalayan ako.

"Mabuti at gising ka na." Bakas ang pag-aalala sa boses at mukha niya.

"Bakit ka nandito?" Hindi ko siya magawang tingnan nang deretso. Hindi ko na yata talaga siya matatakasan pa.

"Nasaan si Lisa?" ulit ko.

"Jen..."

Naging mas malungkot ang mukha niya.

"Please lang, Rubyjane, Jen-jen, o kung sino ka man, ilabas mo na si Lisa." Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako. Naramdaman ko na lang ang pagyakap niya.

"Sshh. Tumahan ka na, please."

"Gusto ko munang mapag-isa."

Kaagad siyang lumabas at naiwan akong nakatulala. Masyadong mabilis ang mga pangyayari. Hindi ko alam kung paano kami nagkahiwalay ni Lisa.

Pauwi na dapat kami nang matanaw ni Lisa ang paparating na tugboat. Kaagad niya akong hinila sa likuran ng bahay. Doon pa lamang kinabahan na ako.

"Lis." Hindi ko sinasadyang mapahawak sa laylayan ng damit niya.

"Shh."

Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko.

"Dito ka lang 'wag kang aalis dito ha. May kukuhanin lang ako sa loob."

Lumingon siya bago tuluyang binitiwan ang kamay ko.

"Mahal na mahal kita, Jennie."

Ilang sandali pa'y nakarinig ako ng palitan ng malalakas na putok. At iyon ang huling beses na naalala ko bago ako magising sa hospital na 'to.

"Jen, anak."

Hindi ko namalayang dumating na pala si Mommy. Lumapit siya sa akin at bahagyang yumakap.

"M-mommy." Doon pa lamang ako bumigay.

Hindi siya nagsasalita, hinayaan niya lang akong umiyak sa balikat niya. Pakiramdam ko ngayon ko lang naiiyak lahat ng lungkot ko simula nang umalis ako. Mula sa pangungulila ko sa magulang ko hanggang kay Lisa. Akala ko okay na ako. Akala ko kaya kong takasan at talikuran ang lahat, na pagkatapos niyon ay muling babalik sa normal ang buhay ko, bago ko makilala si Lisa, bago ako nahulog at nagmahal. Nagkamali ako.

Bumitaw ako sa pagkakayakap at saka naupo si mommy sa gilid ng kama ko.

"Wala ang dad mo, magkasama sila ni Ed. Hindi pa rin sila tumitigil sa paghahanap kay Lisa. Ano bang nangyari, Jen?"

Hindi ko rin alam kung anong dapat kong isagot.

Itinakas ako ni Lisa? Itinago? Ayaw kong iisipin niyang may ginawa kaming masama o nagtaksil siya.

"Mom, wala po kaming ginagawang masama ni Lisa," depensa ko.

"Alam ko, anak. Alam ko. Ang ipinagtataka ko lang paanong nawala si Lisa?"

"Paano rin po ba ako nakarating dito?"

"Tumawag lang ang hospital na nandito ka raw. Dinala ka raw ng isang matandang lalaki at umalis na rin kaagad pagka-admit mo."

Kung hindi ako nagkakamali, walang ibang nakakaalam ng resthouse ni Lisa. Paanong may mga nakarating na ibang tao roon?

"Sabi ng nurse nagmamadali rin daw siyang umalis. Hindi na rin daw niya ipinagamot pa ang tinamo niyang sugat."

"Sugat?"

"Sugatan din daw ang nagdala sa 'yo rito."

Kung tama ang iniisip ko, si Tatang iyon. 'Yung bangkerong naghatid sa amin sa isla.

Ilang sandali pa'y may dumating na nurse para i-check ang lagay ko. Wala naman akong ibang natamo maliban sa ilang galos at pasa sa katawan.

"Sa bahay ka na muna uuwi, Jen," sabi ni mommy bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Alam kong sinadya niya iyon para hindi na ako makatanggi pa. Hindi ko na siya talaga maiiwasan pa.

***

Pagkarating sa kuwarto ay kaagad akong nahiga sa kama at dinama ang lamig ng kobre nito. Ang tagal ko rin palang hindi umuwi rito. Hindi ko na maalala ang huling beses na natulog ako rito. Para akong namamahay sa sarili kong bahay. Hindi muna siguro ako lalabas ng kuwarto. Hindi pa ako handa.

Kailan ka ba magiging handa?

Hindi ko alam.

Duwag.

Palaging nagtatalo ang isip ko sa mga bagay na kinatatakutan ko. Kung hindi siguro ako tumakas noon, kung hinarap ko lang siguro ang mga takot ko, baka wala ako sa ganitong sitwasyon. Baka masaya ako ngayon. Baka masaya kami ni Lisa ngayon.

Nakarinig ako ng mahinang pagkatok. Hindi ko alam kung babangon ba ako para pagbuksan ito o magpapanggap na natutulog.

"Jennie, anak," pagtawag ni mommy.

Doon pa lamang ako nakahinga nang maluwag.

Bumangon ako at saka binuksan ang pinto ng kuwarto. Kaagad pumasok si mommy at dere-deretsong naupo sa gilid ng kama.

"Hindi ka pa ba bababa? Hinihintay ka na nila. Sabay-sabay na tayong maghapunan. Dumating na rin ang dad mo."

Halos kadarating lang natin, mommy. Hindi ba puwedeng magpahinga na muna ako?

Marahan kong isinarado ang pinto bago naupo sa tabi niya.

Hinawakan niya ang kamay ko at saka niya ako niyakap.

"Wag ka nang masyadong mag-isip. Huhupa rin ang lahat. Halika na."

Bumitaw siya sa pagkakayakap at inakay akong palabas ng kuwarto.

Hindi na talaga kita matatakasan pa.

Nakaupo na sila at ako na lang talaga ang hinihintay nila. Humila ako ng upuan sa tabi ni daddy at doon naupo. Humila naman si mommy ng upuan sa tabi ni Rubyjane. Magkakaharap kaming apat at hindi ko alam kung paano kikilos nang malaya.

"Hindi pa rin tumitigil ang mga pulis sa paghahanap kay Lisa," wika ni daddy.

Hindi ko sinasadyang mapatingin sa kapatid ko at ganoon din siya sa akin. Ako ang unang sumuko at nagbaba ng tingin. Napasin siguro iyon ni mommy kaya ipinaglagay niya na lang ako ng pagkain sa pinggan bago tinapunan ng tipid na ngiti.

Halos walang nagsasalita sa hapag. Ramdam na ramdam ang bigat ng paligid. Mabilis akong natapos kumain at nagpaalam na rin ako para bumalik sa kuwarto. Pakiramdam ko nasasakal ako. Hindi ako makahinga nang maayos habang kasama ko sila. Ang bigat-bigat ng dibdib ko na para bang may mabigat na bagay na nakadagan dito.

"Jen," tawag ni dad.

"Magpapahinga na po ako."

Hindi na ako lumingon at dere-deretsong umakyat pabalik sa kuwarto.

Pinihit ko ang doorknob at saka pumasok sa loob ng kuwarto. Aktong isasara ko na ang pinto nang may pumigil dito.

"Jennie." Malamig ang boses niya habang seryosong nakatingin sa akin. Gumanti ako ng titig at hindi ko mabasa ang emosyon niya.

Iisang-iisa pala talaga ang mukha nating dalawa.

"Puwede ba tayong mag-usap?"

Puwede ba akong tumanggi?

"Please, para kay Lisa."

Bahagya niyang itinulak ang pinto at saka pumasok sa loob.

"Hindi siya tumigil na mahalin ka."

Uncover [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon