Chapter 13

1.1K 44 1
                                    

Isang linggong hindi nagparamdam si Lisa. Ni anino niya hindi ko man lang nakita. Kahit simpleng pangungumusta or chat wala siyang ginawa. Hindi ko nga alam kung buhay pa ba siya at humihinga. Halos buong linggo akong hindi mapalagay kaiisip sa kanya. Nagpakasubsob na lamang ako sa trabaho para hindi siya sumagi sa isip ko pero walang epekto.

Sa tuwing tumutunog ang cellphone ko umaasa akong si Lisa ito pero katulad ng dati bigo pa rin ako. Sinubukan kong magpunta sa condo niya pero wala siya. Ang sabi ng receptionist huling beses pa raw niya itong nakita noong magkasama kami. Parang hindi nga rin daw ito umuwi pagkatapos. Nag-aalala na ako. Sinubukan ko siyang tawagan pero unattended naman. Para siyang bula na basta na lamang nawala. Gusto kong itanong kina Mommy Linda, baka kasi umuwi muna siya sa Thailand pero nahihiya akong magtanong. Ayaw kong iisipin nilang hindi pa kami nag-uumpisa, nag-aaway na kaagad kami. Hanggat maaari ayaw ko silang ma-disappoint.

Linggo ngayon at naisipan kong dumalaw sa condo ni Lisa. Magbabakasakali akong baka narito na siya. Ngumiti ako sa receptionist bago pumasok sa elevator. Kilala na rin naman niya ako. Hindi na siya magtataka kung saan ako pupunta. Pero mukha siyang kabado. Hindi ganoon kaaliwalas ang mukha niya hindi katulad noong unang beses na nagtungo ako rito. Hindi niya tinugon ang ngiti ko, bagkus ay tumungo siya na para bang nagbibigay babala.

Ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon at pumasok na ako sa elevator. Kumakanta-kanta pa ako para mabawasan ang pagkainip ko. Masyadong mataas ang 27th floor at nakakainip ang maghintay.

Papalabas na ako ng elevator nang may mabangga ako. Naka-cap siya at naka-hood. Pakiramdam ko'y nagmamadali siya. Hindi ko na nakita ang hitsura ng mukha niya dahil kaagad siyang yumuko.

Naglakad ako papunta sa pintuan ng condo ni Lisa. Hindi na ako nag-abala pang kumatok. Pinindot ko na lang ang code at kaagad akong pumasok.

Patay ang ilaw rito. Walang bakas na nandito na si Lisa. Hinanap ko ang switch ng ilaw at tumambad ang nakahandusay na katawan ni Lisa.

Tumakbo akong papalapit sa kanya. Tinapik-tapik ko siya. Kahit katal ang kamay ay nagawa ko pa ring tawagan si Chae para makapagpadala ng ambulansya rito.

"Lisa, Lisa," paulit-ulit ko siyang tinatawag pero hindi siya tumutugon. May dugo siya sa kaliwang bahagi ng noo. Mukhang may matigas na bagay na ipinukpok sa kanya. May sugat din ang labi niya at putok ang kanang kilay.

Sinong gumawa sa 'yo nito?

Ilang minuto pa'y dumating na ang medical team at ibinaba si Lisa para madala na sa hospital. Magdamag ko siyang binantayan. Hindi ako umaalis sa tabi niya. Isang linggo siyang nawala tapos ganito pa ang nangyari sa kanya? Hindi ko yata mapapatawad ang sarili ko.

"Jen, matulog ka na muna," sabi ni Chae.

Mabuti na lamang at sumunod na si Chae rito. Kahit papaano ay may nakakasama ako. Hindi ko na rin sinabi sa parents ni Lisa. Ako na muna ang bahalang magbantay sa kanya hanggang sa gumaling na siya. Hindi rin naman siguro ito matatagalan.

"Ayos lang ako, Chae," tugon ko hinawakan ko ang kamay ni Lisa at marahang pinisil ito.

"Wake up, Lili."

Sabi ng doctor magigising naman daw agad si Lisa pero mag-uumaga na ulit hindi pa rin siya nagigising.

"Uwi ka na, Chae, baka hinahanap ka na ni Jisoo."

"Wala rin naman siya sa bahay. Kahapon pa siyang hindi umuuwi may tatapusin lang daw siyang trabaho. Medyo matagal na rin daw kasing pending iyon," sabi ni Chae at naupo siya sa tabi ko.

Naalala ko noong unang beses kong nakilala si Jisoo. Bigla na lamang niya akong niyakap at iyak siya nang iyak. Tinawag pa nga niya akong Jen-jen. Ganoon ba talaga ka-common ang mukha ko para mapagkamalang ibang tao? May naalala lang daw siya noong nakita niya ako. Kababata niya raw na matagal na niyang hindi nakikita. Na-miss niya lang daw siguro ito. Madalas din siyang dumadalaw sa bahay kahit hindi kasama si Chae. Nanunuod lang kami ng Pokemon. Paborito niya raw kasi si Pikachu. Minsan nama'y frozen o di kaya'y Tom and Jerry. Ang wirdo lang dahil umiiyak siya habang tumatawa. Sobrang saya niya lang daw talaga at nakilala niya ako.

Hindi talaga taga rito sa Manila si Jisoo. Maaga siyang naulila sa magulang. Sa probinsya siya lumaki kasama ng lolo at lola niya. Lumipat lang sila rito noong nag-college na siya. At may hinahanap din daw kasi siyang kababata. Nag-alok ako ng tulong sa kanya pero mariin niya itong tinanggihan. Wala naman akong nagawa. Hindi siya ma-kuwentong tao. Lalo na sa personal niyang buhay, tahimik lang siya. Kaya hindi ko alam kung paano sila nagkakasundo ni Chae. Daig pa kasi nitong si Chae ang nakalunok ng megaphone kapag nagsasalita. Kulang na lamang makabasag ng eardrum. Mabuti na lamang at maganda ang boses niya. Kung nagkataong hindi, baka wala nang kumakausap sa kanya.

"Jennie,"

"Ha?"

"Kanina pa kitang tinatawag pero parang hindi mo ako naririnig,"

"Sorry, may iniisip lang ako."

"Umuwi ka na muna kaya? Ako na ang bahala kay Lisa," sabi ni Chae.

Hindi ko naman puwedeng iwan si Lisa rito. Tiwala ako kay Chae pero mas gusto kong ako ang magbantay sa kanya.

"Tatawagan agad kita kapag nagising na siya,"

"Okay lang ako Chae. Ikaw na muna ang bahala sa office, hindi na muna ako papasok. Kapag nagtanong si Dad sabihin mo may inaasikaso lang ako," nginitian ko siya para maging kampante na siya. Alam ko kasing hindi rin siya matatahimik.

"Okay, sige. Aalis na ako ha. 'Wag mo nang isipin ang trabaho. Ako na ang bahala," yumakap siya sa akin at nagpaalam na rin para umuwi.

Pinagmasdan ko si Lisa, may benda na ang ulo niya at nagamot na rin ang mga sugat niya. Nagkaroon din pala siya ng bali sa balikat. Sino kayang may gawa nito? Marami bang may lihim na galit kay Lisa?

Marahan kong hinaplos ang pisngi niya.

Gumising ka na ha? Pangako, hindi ko na pipigilan ang nararamdaman ko. Magiging honest na ako sa sarili ko at sa 'yo.

Hindi ko namamalayang umiiyak na pala ako. Ganito na pala kalalim ang pagka-attached ko kay Lisa. Attachement nga lang ba 'to o higit pa? Sana magising na siya para hindi na ako nalilito. Gusto ko nang maging sigurado.

Uncover [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon