Last day with her. Gusto ko na lamang matulog. Ayaw kong makita ang pag-alis niya. Nakahanda na ang mga gamit niya, wala na sa closet namin. Lahat nasa maleta na.
Handang-handa ka na talagang iwan ako.
Maaga siyang gumising para ipagluto ako. At maaga rin niya akong ginising.
"Wake up, Nini."
"5 mins Lili," tipid kong tugon.
Ninakawan niya ako ng halik bago lumabas ng kuwarto. Ilang minuto pa at sumunod na rin ako sa kanya. Humila ako ng upuan at pinanuod ko lang siya habang nagluluto.
Kinuha ko ang phone ko para kuhanan siya ng retrato. Napangiti ako nang mapakla. Parang hinahati sa milyong piraso ang puso ko.
Lumingon siya sa akin at saka ngumiti.
"Mabilis na lang 'to, sandali na lang ha."
Inilagay niya sa mesa ang mga pagkaing niluto niya. At ipinaglagay niya rin ako sa pinggan. Bibitayin na yata ako ngayong araw, halos punuin na niya ang pinggan ko sa rami ng inilagay niyang pagkain.
"Wag na 'wag kang magpapagutom ha?"
Nag-umpisa na kaming kumain at halos nakatitig lang siya sa akin.
"Tititigan mo na lang ba ako?"
"Sorry. Kinakabisado ko lang ang mukha mo. Ayaw kong makalimutan ko ito kapag hindi na kita araw-araw na nakikita."
Parang pinipiga ang puso ko.
"Hindi mo 'to makakalimutan, iisang mukha pa rin naman ang tititigan mo sa mga susunod na araw."
Parang may bumara sa lalamunan ko na nagpapahirap sa akin sa paghinga. Pagkatao lang naman ang mag-iiba, pero ang mukha? Iisa.
Sana hindi ka malito sa tuwing titingin ka sa kanya.
Naging awkward ang paligid dahilan para magmadali kami sa pagkain.
"Puwede bang 'wag ka na lang pumasok ngayon?"
Bakas ang lungkot sa boses niya.
"Hindi puwede, maraming pending na trabaho."
Hindi ko alam kung bakit gano'n ang naging tugon ko kahit wala naman talaga akong balak pumasok ngayon.
"Okay, ihahatid kita."
Naghanda na rin ako sa pagpasok pagkatapos naming kumain. Pakiramdam ko araw-araw akong lutang. Ayaw kong masyadong magsasalita. Gustong-gusto ko siyang nakikita pero ayaw ko siyang nakakausap. Pakiramdam ko bibigay ako anumang oras na sabihin niyang hindi na siya aalis, na kung pipigilan ko siya ay pipiliin niyang manatili, na ako ang pinipili niya.
"Seat belt, Nini."
Hindi ako kumikilos sa pagkakaupo ko kaya siya na ang nagkabit ng seat belt ko. Ito na ang huling beses na gagawin niya 'to. Gusto ko lang maramdaman na nag-aalala pa rin siya sa 'kin.
"Puwede bang sabay tayong mag-lunch mamaya? Puntahan kita sa office mo ha."
Hindi pa ako tumugon.
Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ko at hinalikan ito.
"Mahal kita palagi," sabi niya bago nag-umpisang magmaneho.
Gusto kong lumabas ng sasakyan at sumigaw. Gusto kong ilabas ang lahat ng sakit na nararamdaman ko. Gusto ko siyang tugunin pero hindi ko magawa. Wala akong magawa.
Hanggang makarating sa parking ay hindi niya pa rin binibitiwan ang kamay ko. Umaagwat lang siya paminsan-minsan kapag magpapalit ng gear.
"Babalik ako mamayang tanghali a," tinapunan niya ako nang matamis na ngiti.
Hindi pa rin ako kumikibo.
"Hatid kita sa taas?"
Bumaba siya at binuksan ang pinto. Doon pa lamang akong bumaba. Hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko na para bang dito nakasalalay ang paghinga niya.
Nagpaalam na rin siya pagkahatid niya sa akin sa office ko. Gusto ko siyang pigilan pero katulad dati, wala akong ginawa. Hindi ko ginawa.
Nagpakasubsob lang ako sa trabaho habang hinihintay ang pagdating ni Lisa.
Last lunch break, I guess?
Bumukas ang pinto ng office ko at iniluwa noon si Lisa. May dala-dala siyang bulaklak, daisies.
Ano bang okasyon?
"Hi," tipid niyang turan bago lumapit sa akin at ibinigay ang bulaklak na hawak-hawak niya.
"You ready?"
Saan? Sa pag-alis mo? Hindi. Hinding-hindi ako magiging handa.
"Where to go?"
"Sekreto," nakangisi niyang turan.
"Undertime ka na ha."
Hinawakan niya ako sa kamay at dali-daling lumabas ng office.
Nakatingin lang ako sa kanya habang hawak-hawak niya ang kamay ko.
Pakiusap, 'wag na 'wag mo akong bibitawan.
Hindi ito ang oras para matulog. Hinding-hindi ako matutulog kahit gaano pa kahaba ang biyahe. Huling araw na para makasama ko siya.
"Nini.."
"Tinulugan mo na naman ako," natatawa niyang turan.
Guess what? Nah. Nevermind.
"Sorry," tugon ko.
"Hindi naman mahaba ang biyahe pero nakatulog ka pa rin." Napakamot na lamang siya sa ulo habang natatawa.
"Anong ginagawa natin dito?"
Lunch pero sa kapehan?
Hinila niya akong papasok sa loob. Walang tao rito maliban sa aming dalawa.
"Dito tayo unang nagkita. Naaalala mo?"
Tumingin ako sa paligid. Napalitan na ang painting at black and white na larawan. Wala na rin ang dalawang kamay na magkahawak. Colored and candid pictures ang mga nakasabit sa dingding. Makulay, matingkad, at lahat nang 'yon ay pawang mga mukha ko. May nakangiti, nakatalikod, nakasimangot, nagluluto, kumakain, natutulog. Larawang kuha sa isla, sa office, sa sasakyan niya, sa condo. Para itong mini gallery na lahat ay mukha ko.
Hindi ko namamalayang umiiyak na pala. Hindi ko alam kung dahil ba sa saya o dahil sa lungkot.
Ano nang gagawin ko sa buhay ko pagkaalis mo, ha Lisa? Paano na ako mabubuhay sa mga susunod na araw? Paano ako magpapatuloy? Hindi mo ba nakikita kung gaano ako kasaya kapag kasama ka? Kung gaano ako kasaya sa iyo? Ipaglaban mo naman ako sa sarili kong mga takot. Sagipin mo ako mula sa pagkalunod.
Dalawang mainit na braso ang yumakap sa akin mula sa likuran.
"Happy anniversary, Nini. Malaya ka na."

BINABASA MO ANG
Uncover [COMPLETED]
FanfictionAt sa puntong inaakala mong natagpuan mo na ang pag-ibig na matagal mo nang hinahanap, biglang darating ang pagkakataong hindi mo inaasahan. Nakahanda ka bang makipaglaban o magpaparaya na lamang?