Chapter 19

1.1K 47 0
                                        

"Jen-jen?!" Niyakap niya ako na para bang ilang libong taon niya akong hinihintay na makita. Gumanti ako ng yakap. Hindi pamilyar ang yakap na iyon. Hindi ko maramdaman na nayakap ko na siya noon.

"Pasok ka, dali,dali," hinila niya ako papasok sa loob.

Lumang-luma na ang bahay, bakas na marami nang unos itong pinagdaanan. Gawa pa sa capiz ang bintana nito at puro gawa sa kahoy ang mga kagamitan.

"Jen-jen, miss na miss na kita. Nagtatampo ako sa iyo, ang tagal-tagal mo na akong hindi dinadalaw. Akala ko nga nakalimutan mo na ako. Pagkatapos ninyong magbakasyon sa isla hindi niyo na ako binalikan. Kayo talagang mga bata kayo, oo," naupo siya sa upuang gawa sa narra habang nanatiling nakahawak sa kamay ko.

Hindi ako makapagsalita. Naguguluhan ako, hindi ko maintindihan ang mga ikinikilos niya. Para bang kilalang-kilala niya ako kahit unang beses ko pa lang naman siyang nakita.

Naupo ako sa tabi niya.

"Sandali lamang, Jen-jen," tumayo siya at nagtungo sa kusina.

Pag balik niya'y may dala siyang ice cream. Paano niya nalamang paborito ko ito?

Kinuha niya ang dala niyang baso at nilagyan niya ako rito. Keso, keso ang flavor nito.

"Alam mo ba? Paboritong-paborito mo ito," ngumiti siya bago iniabot sa akin ang isang baso ng ice cream.

Napilitan akong kainin ito. Katulad na katulad ng ice cream na kinain namin sa plaza.

"May kasama ka ba? Si Yatot? Si Daga?"

Tawa siya nang tawa na parang may iniisip siyang senaryo. Hindi pa rin ako nagsasalita. Pinakikiramdaman ko at iniisip ang mga sinasabi niya. Nakakapagtakang wala man lang akong matandaan. Naaksidente ba ako? Nagkaroon ng amnesia?

"Oh, bakit hindi ka nagsasalita?" naging malungkot ang tono ng pananalita niya.

"Na-miss ko lang po kayo at hindi po ako makapaniwalang nakita ko na kayo," tugon ko.

"Ako rin, hindi ako makapaniwala. Mabuti na lamang at binisita mo na ako. Mababaliw na ako rito e. Tapos itong daddy mo pilit akong dinadala sa hospital para magpa-check-up, wala naman akong sakit. Ang kulit-kulit, linggo-linggo na lang akong dinalaw rito," kunot niyang turan.

Si daddy? Ang alam ko madalang silang magtungo rito lalo pa nga't abala siya sa trabaho.

"May sakit po kayo?"

Hindi ako patatahimikin ng isip ko. Alam kong maraming lihim sa pagkatao ko na nagtatago rito at gusto kong malaman iyon.

Wala sa intensyon kong magpunta rito. Gusto ko lang lumayo sa Maynila, pansamantala. Gusto ko lang lumayo kay Lisa.

"Wala akong sakit, pero itong daddy mo gusto akong paniwalain sa isang kasinungalingan. Mabuti na lamang at nagpunta ka rito. Mapapatunayan ko nang wala nga akong sakit," sabi niya bago muling tumayo para kuhanin ang luma niyang telepono.

"Wag po!" Napasigaw ako.

Alam ko na ang sunod niyang gagawin. Tatawagan niya si Daddy para ipaalam na nandito ako.

"Ano ka ba naman, Jen-jen. Ginulat mo ako," ibinaba niya nag telepono at binalikan ako.

"Ayaw ko po sanang malaman nina daddy na nagpunta ako rito. Gusto ko po sanang i-sekreto na lang muna natin 'to," pakikiusap ko.

"Oo naman, Jen-jen, katulad ng dati," sagot niya bago umaktong isini-zipper ang labi.

Napangiti naman ako sa ginawa niyang iyon.

"Dito ka muna ha, nandyan na yata si Tatang," tumayo siya at nagpaalam.

Pinagmasdan ko ang kabahayan. Hindi ganoon ka-laki ang bahay. Napakasimple nito. Mas maraming gawa sa kahoy kaysa bato. Malalaman mong matanda na ang nakatira rito. Maraming mga lumang retrato na nakasabit sa dingding.

Uncover [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon