Chapter 38

772 32 1
                                        

"Good morning, Jen. Wake up."

Ganoon na siguro kalala ang pangungulila ko kay Lisa para marinig ko ang boses niya sa ganito kaaga. Nagtakip lang ako ng kumot at bumalik sa pagtulog. Maaga pa, napagod ako sa biyahe.

Napagod sa biyahe?!

Kaagad akong bumangon.

"Anong ginagawa ko rito?!"

Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Bukod sa iba ang suot kong damit wala naman akong nararamdamang kakaiba.

"Hindi ka naman nalasing pero bakit wala kang maalala?" sarkastikong wika ni Lisa.

"Puwede ba, ha, Lisa? Hindi ako nakikipagbiruan."

"Hindi rin ako. Lumabas ka na, mag-a-almusal na tayo," sabi niya bago lumabas ng kuwarto.

Utusera.

Nag-ayos lang din ako ng sarili at lumabas na ako. Nadatngan ko siyang nakaupo na at nakalagay na rin sa mesa ang mga niluto niyang pagkain. Ngayon ko lang din napagmasdan ang kabuoan ng bahay. Tama lang ang laki nito. Mga gawa sa kahoy ang halos lahat ng makikita sa loob ng bahay. Mula sa mga mesa maging hanggang sa mga upuan. Tipikal na kagamitang makikita sa mga bahay sa isla o sa bukid na may pagka-elegante.

Tumayo siya at humila ng upuan para sa akin.

"Kain na tayo," sabi ni Lisa bago bumalik sa upuan niya at ipinaglagay ako ng pagkain sa pinggan.

"Hindi ka ba pinapakain ng bago mo at ganyan ka kapayat?" dagdag nito.

Anong bago? Sino bang may bago?

"Uuwi na ba tayo after nito?" tanong ko bago ako nag-umpisang kumain.

Na-miss ko 'to.

"Dito muna tayo," seryoso niyang tugon.

"Abduction 'to Lisa, ha."

Alam kong mabuting tao si Lisa at hindi naman niya ako siguro gagawan ng masama?

"Kailan ka aalis?" pag-iiba niya sa usapan.

"After ng kasal ni Chae," sagot ko.

"Hindi ka na aalis."

"Anong hindi aalis?" nakakunot kong tanong.

"Dito ka na. Dito ka lang."

"Lisa, kung anumang trip mo sa buhay please lang 'wag mo na akong idamay."

Napikon yata. Hindi na siya nagsalita tumayo lang siya at iniwan akong mag-isa. Gutom ako at wala akong nagawa kundi ang ipagpatuloy ang pagkain kahit halos wala na akong gana.

Nilinis ko lang din ang mga pinagkainan namin at lumabas na ako ng bahay. Gusto ko ring libutin ang buong isla. Tsaka ko na lang siguro kakausapin si Lisa kapag seryoso na siyang makipag-usap. Hindi naman siguro kami magtatagal dito.

Nagsuot lang ako ng tsinelas at lumabas na ako. Maaga pa at ramdam na ramdam ang lamig na dala ng hanging amihan. Puting-puti at pinong-pino ang buhangin dito. Kalmado rin ang dagat. Ang sarap sigurong maligo rito. Natanaw ko si Lisa sa may hindi kalayuan. Bitbit niya ang tsinelas niya habang dinadama ang paghalik ng buhangin sa kanyang talampakan. Kapansin-pansin din ang lungkot sa mga mata niya.

May bumabagabag ba sa iyo?
Kung hindi lang sana tayo naghiwalay baka nandito lang din tayo sa isla, nagpapahinga.

Habang papalapit siya nang papalapit sa akin unti-unting lumalakas ang kabog ng dibdib ko. Ganito pa rin pala kalala ang epekto niya sa akin. Hinahabol ko na ang paghinga ko. Wala naman akong hika pero hinahapo ako. Hindi ko namalayang nasa harapan ko na pala siya.

"Bakit ka lumabas?" tanong niya habang nakatitig sa mga mata ko.

Hindi ko alam pero bigla akong nailang. Nagbaba ako ng tingin at hindi na nagsalita. Tumalikod na lang ako ngunit mabilis niyang nahawakan ang kamay ko. Parang may kuryenteng dumaloy rito at direktang tumama sa dibdib ko. Sana lang ay mahina ang pandinig ni Lisa para hindi niya marinig ang tibok nito.

"Gusto mong maligo? Malinaw ang tubig, malamig," pagyayaya niya.

"Wala akong damit."

"Maraming damit sa loob," tipid niyang tugon habang nakangiti.

Hindi pa rin ganoon katotoo ang ngiti niya.

"Hindi ka na ba takot sa tubig?"

"Hindi na."

Hindi niya pa rin binibitiwan ang kamay ko. Marahan niya akong hinala papunta sa dagat. Malamig ang hampas ng maliliit na alon na tumatama sa mga paa ko.

"Hubarin mo ang tsinelas mo," sabi ni Lisa.

Bumitaw ako sa pagkakahawak niya at hinubad ang tsinelas ko pagkatapos ay ubod ng lakas ko itong ibinato sa tabihan.

Hindi nga makakapaglakad nang maayos kapag naka-tsinelas. Tama lang siguro walang sapin sa paa. Wala namang bato rito na makakasugat sa mga paa ko.

Muli niyang hinawakan ang mga kamay ko. Hindi ko alam kung luha ba 'yung nakita ko na kaagad din naman niyang pinahiran. Baka natalsikan lang ng tubig-dagat.

"Na-miss kong hawakan ang mga kamay mo. Matagal-tagal na rin pala," malungkot niyang turan.

Hindi ko alam kung anong isasagot, kung paano magre-react.

"Ang gaspang pa rin ng kamay mo," biro ko na nakapagpatawa naman sa kanya.

"Syempre masipag ako e," pagyayabang niya.

Parang nawala ang tensyon sa paligid.

"Mayabang ka pa rin," pang-aasar ko.

"Syempre, may maipagmamayabang naman ako e."

"Hindi ka ba giniginaw?"

"Ha?" nagtataka niyang turan.

"Ang hangin mo," sagot ko bago ko siya binuhusan ng tubig sa mukha.

"A, ganito pala ang gusto mo ha."

Gumanti siya, sumalok siya ng tubig gamit lamang ang pinagdikit niyang palad at saka ibinuhos sa akin.

Nagbasaan kami hanggang sa kusa na rin kaming tumigil dahil sa pagod.

"Balik na tayo sa loob, baka mababad na tayo at magka-sipon ka pa."

Umahon na rin kami at nagbanlaw.

Habang nagpapatuyo ng buhok ay lumapit sa akin si Lisa. Kinuha niya ang tuwalya at ubod ng gaang pinahiran ang basa kong buhok.

Hindi ko maiwasang hindi siya titigan. Wala namang nagbago sa hitsura niya. Gustong-gusto ko pa rin ang mga mata niya.

"Baka matunaw ako," pigil ang ngiti niyang turan.

"Ano ka, ice cream?"

Hindi siya sumagot at ipinagpatuloy niya na lang ang pagtutuyo sa buhok ko.

"Dito na lang tayo." Itinigil niya ang pagtutuyo at naupo sa tabi ko bago hinawakan ang mga kamay ko.

"Miss na miss kita. Akala ko hindi na kita makikita."

Hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam ang dapat maging tugon. Oo, walang nagbago sa nararamdaman ko ngunit iba na ang sitwasyon namin ngayon. Nandiyan na ang kapatid ko, ang tunay niyang mahal. Alam kong halos iisa ang mukha namin pero magkaiba pa rin kami ng pagkatao.

"Lisa---"

"Jennie, please pakinggan mo muna ako. Kung kailangan kitang ikulong dito gagawin ko, 'wag mo lang ulit akong iwan.

Nakaramdam ako ng takot.

"Hindi tayo aalis dito hangga't hindi mo ako binibigyan ng pagkakataong patunayan ang sarili ko sa 'yo. Kahit isang linggo lang, Jennie. Isang linggo lang."

"Bumalik ako para kay Chae, Lisa. Hindi para sa 'yo."

Gusto kong pagsisihan ang sinabi ko ngunit huli na. Basta na lamang niya ako tinalikuran.

Maniwala ka, gustong-gusto kong bumalik sa 'yo pero palagi ko pa ring pipiliin ang tama kapalit man niyon ang kaligayahan ko. Hindi ako maaaring magkamali, maging pagkakamali. Huli na para sa ating dalawa. Paulit-ulit akong magpaparaya, ito ang aking tadhana.

Uncover [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon