TANGHALI na pero parehong nanatili sa ibabaw ng kama sina Tasia at Chad. Parehong dilat ang mga mata at nakatingin sa puting kisame, may unan sa pagitan nila at nakailalim ang mga hubad nilang katawan sa ilalim ng manipis na kumot.
Hindi nakatingin si Tasia sa katabi dahil nahihiya pa rin siya sa nangyari sa pagitan nila ng binata. At kahit na alam niya na tirik na tirik na ang araw sa labas ng tinutuluyan nila ay ayaw pa rin niyang maniwala na isinuko na niya ang bataan sa lalaki.
Wala sa loob na nakagat ni Tasia ang labi niya nang maalala kung paano siya gumanti ng halik sa binata kanina lang at kung paano niya nagawang laruin ang itinatago nito sa loob ng shorts na ngayon ay nagtatago rin sa kaparehong kumot na nagtatago sa kahubaran niya.
Ano ba'ng nangyari? Paano nangyari? Ah! Kastigo niya sa sarili.
Mayamaya pa ay naramdaman niyang lumundo ang kamang kinahihigaan niya ngunit hindi naman niya nakitang tumayo ang binata kaya saglit siyang lumingon dito, subalit sa ginawa niya ay nagsalubong ang mga mata nila ni Chad na nakatingin pala sa kanya. Tumagilid lang ito ng higa para tingnan siya.
"Tasia..." tawag ni Chad sa kanya.
Hindi kumibo ang dalaga at muling tumingin sa kisame.
"I actually expected it, that I am your first," Chad said smoothly.
"Masaya ka na niyan?" may bakas ng galit na sabi niya.
"Yes, I am happy," he answered.
Binalingan ni Tasia ang binata. Naniningkit ang mga matang tinitigan niya ang mga mata nito. "At bakit? Dahil ikaw ang nakauna sa isang 'manang' na tinatawag mo?" maaskad niyang tanong.
Muling gumalaw si Chad sa pagkakahiga at iyon ay para lumapit sa kanya, binalewala ang unang nasa pagitan nila at inilagay lang iyon sa ulunan nito. Napakalapit ng mukha ng binata sa mukha niya kung kaya naman naiiwas na lang niya ang mukha subalit maagap ang mga kamay ni Chad at kaagad na hinawakan ang likod ng ulo niya para hindi siya makalayo.
At dahil doon ay halos nakayakap na rin ito sa kanya. Wala siyang magawa kundi ang salubungin ang mga mata nitong tila maraming naisa ipahiwatig sa kanya.
"Masaya ako kasi ako ang nakauna sa'yo. Masaya ako kasi may karapatan na ako sa'yo ngayon. Hindi mo na ako puwedeng basta layasan na lang bigla," sabi ng binata sa maawtoridad ngunit malamyos na tinig.
Natigilan si Tasia. Kailan ba siya huling nakarinig ng boses ng lalaki nang tulad ng kay Chad? Malamibing si Jude sa kanya pero hindi niya kailanman naringgan ng ganoong lambing ang boses ng dating nobyo. Kung iisipin nga niya ay hindi siya nilambing ng lalaki na umabot sila sa puntong isusuko niya ang sarili...liban kay Chad.
Si Chad na walang ibang ginawa kundi ang lumandi. Si Chad na palagi niyang nakikitang kasama ng mga sexy at magagandang babae. Si Chad na tinatawag siyang manang. At si Chad na nilalandi rin siya ngayon─ay mali, hindi lang pala siya nito nilandi, ninakaw rin nito nang harapan ang pinakaiingatan niyang pagkababae.
"Ano ba talagang gusto mo sa'kin?" biglang tanong niya.
"Manhid ka ba?" balik-tanong sa kanya ni Chad. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Hindi mo ba nararamdaman ang intensyon ko sa'yo?"
"Ano'ng intensyon? Ang isahan ako? Hindi ba dapat umaalis ka na ngayon sa apartment ko at umiiwas ka na sa'kin ngayon dahil nakuha mo na ang kailangan mo?" galit na niyang tanong.
Kahit nakakaramdam ng galit si Tasia nang mga oras na iyon at nararamdaman na niya ang pananakit ng mga mata sa pagpipigil niyang huwag umiyak sa harap ng binata ay nakita pa rin niya ang biglang pagbalatay ng sakit at galit sa mukha ni Chad.

BINABASA MO ANG
COLD STEEL
Roman d'amourTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...