A/N: Watch out for the revelations!
TAHIMIK na nagmamasid si Chad sa labas ng mansyon ng mga Soriano. Alas onse na ng gabi at pagkagaling niya sa La Paraiso ay doon siya dumeretso para mabilis niyang matapos ang misyon.
Nagbabakasakali ang binata na sa oras na iyon ay makita na niya ang hinahanap niya.
Nagkukubli si Chad sa puno dalawang bahay ang layo sa mansyon ng mga Soriano dahil nag˗iingat siyang mapansin siya ng ilang kalalakihang armado na nasa labas ng mansyon. Iyon din ang mga kalalakihang nakikita niya sa tuwing pumupunta siya roon.
"I need to see that woman as soon as possible," aniyang sa sarili iyon sinasabi. Naglakad si Chad papunta sa kotse niyang nakaparada sa hindi kalayuan upang hindi iyon maging kapansin˗pansin. Pumasok siya sa loob ng kotse at kinuha ang brown envelop kung saan naroon ang larawan ng babaeng hinahanap niya. Pinagmasdan niya iyong mabuti dahil sa palagay niya ay nakita niya na iyon noon.
Habang pinagmamasdan ni Chad ang babaeng nasa larawan ay may alaalang pumasok sa isipan niya. Mayamaya pa ay nagdilim ang mukha ni Chad.
"Mas lalo ko siyang dapat mahanap ngayon," nagtatagis ang mga bagang na sabi niya. Humigpit ang hawak niya sa larawan ng babae at nalukot niya iyon. Pagak pa siyang natawa kasabay nang pagtulo ng isang patak ng luha mula sa kanyang mga mata. Umahon ang lahat ng galit sa dibdib ni Chad nang mga oras na iyon. "Napakagaling ng pagkakataon," binitiwan niya ang larawan, "sinong mag˗aakalang ex˗girlfriend ka pala ng kaibigan ko."
Lumabas ng kotse si Chad. Sa baywang niya sa ilalim ng suot niyang jacket ay naroon at nakatago ang kanyang lisensyadong baril. Mula sa labas ng kotse ay nagmasid siya sa labas ng mga kabahayan. Mayamaya pa ay tumuon ang mga mata niya sa mansyon ng mga Soriano. Para sa kanya nang mga oras na iyon, napakaliit ng mundo. May mga taong hindi natin inaakalang nakapaligid lang pala sa atin. Nasa atin na lang kung haharapin ba natin sila o tatalikuran. At para kay Chad, nakadepende ang sagot sa kung sino sila sa buhay ng mga tao.
At sa oras na iyon ay walang balak tumalikod si Chad. Gusto niyang harapin ang taong iyon na may malaking pagkakautang sa kanya. Kailangan niya ng sagot. Kailangan niya ng hustisya.
Madilim ang mukhang pinagmasdan niya ang mga taong nagbabantay sa labas ng mansyon. "Pasensyahan na lang, pero hindi ako papayag na kayo ang maunang makakuha sa kanya." Naisip niya si Jude na nag˗aalala sa babaeng ipinahahanap sa kanya. "Pasensya na rin Jude, pero hindi ko siya kaagad na dadalhin sa'yo. Hindi pa muna dahil kailangan naming magtuos na dalawa."
At pagkatapos, suot ang itim niyang jacket at pantalon, itim na sombrero at itim na mask para hindi makita ang kanyang mukha ay dahan˗dahang umalis si Chad sa kinatatayuan at naglakad pabalik sa dati niyang puwesto. Nagkubli siyang mabuti bago muling maingat na naglakad papunta sa gilid ng mansyon kung saan niya nakita ang maliit na gate na hindi naman napag˗uukualan ng pansin ng mga tao. Duda rin siya kung nakita man lang ba iyon ng mga taong nagbabantay sa mansion.
Dahan˗dahan niya iyong binuksan at dahan˗dahan siyang pumasok sa gate. Ngunit bago pa niya iyon muling maisara ay may nakita siyang dumarating na motor sa kalyeng iyon at huminto tatlong bahay mula sa mansyon.
Sandaling nagsalubong ang mga kilay ni Chad. Madalas siyang nagpupunta sa village na iyon at madalas siyang sa tabing bahay lang niyon nagbabantay ngunit kahit minsan ay hindi niya nakitang may lumabas o pumasok man lang sa bahay na iyon.
Nakapagtataka, aniya sa isip. May artista ba'ng nakatira sa lugar na ito? At kung meron man, bakit naka˗motor?
Matamang pinagmasdan ni Chad ang taong nakasakay sa motor. Nakasuot ito ng itim na leather jacket, itim na skinny pants at boots. Nakahelmet pa kaya hindi niya makita ang mukha at duda rin siya kung makikita niya dahil malayo ang distansya nila. Pero sa hula ni Chad, babae ang driver ng motor.
BINABASA MO ANG
COLD STEEL
RomanceTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...