WALANG ekspresyon sa mukha, pinagmasdan ni Tasia ang maberdeng kapaligiran. Nasa La Paraiso na siya, sa lugar kung saan siya tumuloy makaraang mamayapa ng kanyang pamilya.
Bumaba si Tasia sa sinasakyang tricycle nang makita niya si Manang Rosario, ang kanyang yaya noon. Agad naman siya nitong sinalubong nang mahigpit na yakap nang makita siyang dumating.
"Anastasia!" bulalas ng kanyang yaya.
"Manang Rosario," sabi niya at gumanti dito ng yakap.
"Kumusta ka na, hija?" tanong ng matanda. Humiwalay na rin ito mula sa pagkakayakap sa kanya. "Ay, sandali. Halika muna at tumuloy tayo sa bahay."
Tumango naman ang dalaga bilang tugon sa paanyaya ng matanda at umagapay sa paglalakad nito pabalik at papasok sa loob ng bahay.
Nang makapasok si Tasia sa loob ng bahay ay inilapag na niya ang dalang traveling bag at shoulder bag sa single sofa na nakita niya sa sala. Katamtaman lang ang laki ng bahay ng dati niyang Yaya. Dati iyong barong-barong lang na nai-renovate noong mamatay ang kanyang mga magulang dahil iniwana din ng mana. Matagal na nilang tauhan ang matanda at sadyang malapit sa kanilang pamilya kung kaya hindi na kataka-takang kasama ang matanda sa last will and testament ng mga yumao niyang mga magulang. Dahil na rin doon at dahil na rin sa utang-na-loob marahil nang matanda ay kinupkop siya nito nang mahabang panahon.
Subalit, siya na ang kusang umalis sa poder ng kanyang Yaya matapos niyang masawi sa pag-ibig dahil sa binatang nakilala niya noon sa lugar.
"Kumusta ka na, Senyorita?" tanong ni Manang Rosario sa kanya. Hinawakan ng matanda ang mga kamay niya at saka siya iginiya paupo sa mahabang sofa.
Magkahalong sakit at tuwa na pinagmasdan niya ang matanda. "Malungkot pa rin. Pero masaya akong makabalik dito. Ano po palang dahilan kung bakit kayo napatawag sa akin? Ano'ng tungkol sa aming mansyon?"
Hindi ginagalaw ni Tasia ang anumang bagay na naiwan ng kanyang pamilya, kasama na roon ang malaking halagang naiwan sa kanya, ang mansyon ng mga Soriano at kanilang kompanya sa kadahilanang noong una ay hindi niya alam kung paano tatanggapin ang katotohanang naiwan na lang siyang mag-isa. Ngunit nang lumaon, ang dahilan nang pananahimik niya ay dahil sinabihan siya ng kanilang abogado na lumayo muna pansamantala dahil may nakalap ang mga itong hindi aksidente ang nangyari sa kanyang mga magulang kundi sinadya.
Iyon ang pangunahing dahilan kung bakit lumayo siya at nanatili sa La Paraiso. Nag-aalala siya sa maaaring totoong dahilan ng aksidenteng kinasangkutan ng kanyang pamilya at nag-aalala rin siya sa sariling buhay na sinunod niya ang tagubilin ng kanilang family lawyer. Ngunit ang tawagan siya ng kanyang Manang Rosario ay hindi biro. Dahil ang isang dahilan nang pag-alis niya sa La Paraiso ay para tiyaking hindi madadamay ang kanyang Yaya sa kung anuman ang puwedeng mangyari sa kanya. At alam ng matanda ang bagay na iyon.
"Hija, kailangan mo'ng kumilos para alamin ang totoong dahilan kung bakit namatay ang mga magulang mo," saad ni Manang Rosario. Bakas sa mukha ng kanyang yaya ang pag-aalala at determinasyon.
"Hindi ho ba't inaasikaso na ni Atty. Gonzales ang tungkol doon, Manang?" nagtatakang tanong ni Tasia.
"Oo, pero nakausap ko si Atty. Gonzales noong nakaraang dalawang araw," paliwanag ni Manang Rosario. "Ang sabi niya, siguradong walang kinalaman sa kompanya o sa negosyo ang nangyaring aksidente. Malakas daw ang kutob niyang may iba pang dahilan. At ang sabi niya ay maaaring may kinalaman sa kakambal mo iyon."
"Si Jamie?" Sa naririnig ni Tasia na pagsasalaysay ng matanda ay nakakaramdam siya ng magkahalong takot at pag-aalala. "Pero, patay na si Jamie. Kasama niyang namatay sina Mommy at Daddy sa kotse noon."

BINABASA MO ANG
COLD STEEL
Roman d'amourTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...