"CLOUIE." Ilang beses nang binigkas ni Chad ang pangalang iyon ng namayapa niyang asawa may isang taon na rin ang nakalilipas.
May isang bar sa bayan ng La Paraiso kung saan pumupunta ang karamihan sa mayayamang residente roon. Doon siya nagpunta nang umalis siya sa bahay ng kaibigan niyang si Jude. Kahit gabing˗gabi na ay nanatili siya sa lugar na iyon lalo't kilala na rin naman siya ng mga tao sa bar.
Hindi lubos maisip ni Chad na kung kailan hindi niya hinahanap ang witness na si Jamaica ay saka niya ito makikita. At hindi rin siya makapaniwala sa kaugnayan nito sa babaeng dumating na lang bigla sa buhay niya at pinagbuhusan niya ng atensyon.
Pakiramdam ng binata ay pinaglalaruan siya ng tadhana o baka naman ang mga tao sa paligid niya ang naglalaro sa kapalaran niya.
Nagtatagis ang mga bagang na ikinuyom ni Chad ang mga kamay sa pagpipigil na makagawa ng eskandalo. Ayaw niyang ma˗banned sa lugar dahil tambayan niya iyon, at wala siyang bahay sa La Paraiso kaya wala siyang ibang pagpipilian kundi ang manatili roon hanggang sa magsara ang bar.
"One glass of tequila," sabi niya sa bartender. Kaagad naman siyang binigyan nito ng order niya. Mabilis rin niyang kinuha iyon at ininom. Mainit ang naging hagod ng likido sa lalamunan niya at nagustuhan niya iyon. Parang gusto kong magpakalasing, aniya sa sarili. "One more tequila, please."
Hindi alam ni Chad kung ilang beses siyang humingi ng tequila sa bartender at kung ilang beses niya itong sinenyasan na bigyan pa siya, pero nang makaramdam siya nang bahagyang pagkahilo, palatandaan na tinatamaan na siya ng alak na nainom ay sandali niyang ipinikit ang mga mata.
Pero sa ginawa niyang iyon ay kaagad na bumalik sa balintataw niya ang nangyari sa asawa at sa anak nilang ni hindi pa naisisilang sa mundo...
One year ago...
"I'll go to the supermarket, Hon," malambing ang boses na sabi ni Clouie sa kanya. Niyakap pa siya ng asawa at hinalikan sa kanyang mga labi.
"Kung makayakap ka naman, parang hindi na tayo magkikita," natatawang sabi ni Chad.
Bagong kasal lang silang dalawa at wala pang isang linggo nang ianunsyo ng pari na mag˗asawa na sila. Three years nang nobya ni Chad si Clouie. At isang buwan na itong nagdadalang˗tao sa anak niya kung kaya naman, minadali rin niya ang pagpoproseso ng kasal nila.
Pero dahil nga minadali nila iyon, kahit gaano kaganda ang naging selebrasyon at seremonya, may mga bagay na hindi kayang gawin ni Chad para sa asawa at para sa honeymoon nila.
Dalawang araw lang siyang pinayagang mag˗leave ng nakatataas sa kanya para sa seremonya at isang araw para bigyang oras ang makasama ang asawa, at sa araw na iyon nga ay kailangan na niyang mag˗report sa opisina ng chief officer nila sa presinto dahil papasok na siya sa trabaho, sa utos rin nito.
"Bakit? Ayaw mo bang nilalambing kita?" may himig pagtatampo ang boses ni Clouie na bumitaw sa pagkakayakap sa kanya.
Mabilis namang ipinalibot ni Chad ang kanyang malaking braso sa maliit na baywang ng asawa at yumakap rito. Anupa't halos gahibla na lang ang layo ng kanilang mga labi sa isa't isa. "Syempre, gustong˗gusto ko 'yon," aniyang nakangiti at mabilis na hinalikan ang labi ng asawa.
Natatawang tinampal ni Clouie ang balikat ni Chad. "Oh, gustung˗gusto mo naman pala, eh bakit ka nagrereklamo?"
"Hindi naman sa nagrereklamo ako," sabi ni Chad at yumakap sa asawa. "Pakiramdam ko lang kasi ayokong pumasok ngayon at gusto kitang makasama pa ng matagal. Mahaba rin ang isang araw, ah."
BINABASA MO ANG
COLD STEEL
RomanceTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...
