CHAPTER 7

39 3 4
                                    

AUTHOR'S NOTE: Hello, weekends for everyone! Enjoy reading and keep safe!

NAKAPIKIT pa ang mga mata ngunit salubong na salubong na ang mga kilay ni Tasia. Inaantok pa kasi ang dalaga ngunit may kung sino nang nang-iistorbo sa tulog niya.

"Tumahimik ka. Huwag kang maingay," aniya sa naririnig na pag-ring ng cellphone niya. Ni hindi niya na tinangka pang idilat ang mga mata at hanapin kung nasaan iyon, sa halip ay hinablot niya ang kumot niyang nawala na sa pagkakabalot sa kanya at saka siya nagtalukbong.

Huminto ang pag-iingay ng aparato na ikinangiti ni Tasia. Ngunit pagkaraan ng ilang segundo ay muli iyong nag-ingay at nagsimula nang makaramdam ng pagkainis ang dalaga.

Inaantok at irritable ang pakiramdam sanhi nang kakulangan sa pagtulog, bumangon si Tasia at naupo sa ibabaw ng kanyang kama. Naroon siya sa silid niya sa apartment na napipinturahan ng magkahalong kulay pink at puti.

Naihilamos na lang rin ng dalaga ang mga kamay sa kanyang mukha saka kinuha ang cellphone niya na nasa ibabaw ng bedside table.

Lalong nagsalubong ang mga kilay ni Tasia nang mapansing hindi naman nakarehistro ang numerong tumatawag sa kanya.

"Sino kaya 'tong istorbong 'to?" tanong niya sa hangin habang nakatingin sa cellphone niya. Huminga muna si Tasia nang malalim para hindi niya mabulyawan ang nasa kabilang linya. Inaantok pa rin kasi siya at hindi na iyon katakataka dahil nang tumingin siya sa alarm clock niya ay alas diyes pa lang ng umaga. Ala una pa siya dapat gigising.

Pinindot ni Tasia ang answer button para sagutin ang tawag. "Hello, sino po sila─"

"Hello! Si Anastasia ba 'to? Anastasia, hija," sabi ng boses ng isang matandang babae sa kabilang linya.

Natigilan si Tasia. Inalis niya sa tainga ang cellphone para muling tingnan ang numero ng tumatawag. At tulad nga ng alam niya ay hindi iyon nakarehistro doon. Muli niyang ibinalik ang gadget sa tapat ng tainga niya.

"Hello. Sino po uli sila?" Bigla, nawala ang antok ng dalaga.

"Si Manang Rosario mo ito, Anastasia. Umuwi ka na, utang-na-loob," nagmamadaling sabi ng kausap.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Noon niya naalala na ibinigay nga pala niya ang kanyang bagong numero sa kanilang mayordoma bago siya umalis sa La Paraiso.

Ang La Paraiso ay isang hacienda na pag-aari ng napakayamang pamilya sa lalawigan ng Quezon. At sa La Paraiso nakatira ang pamilya ng kanyang Manang Rosario. Doon siya nagpunta noong mamatay ang kanyang pamilya kasama ang kanyang kakambal na si Jamie para magluksa. Sa lugar rin na iyon niya nakilala ang noo'y bakasyunistang si Jude Moreno na dati niyang kasintahan.

Binalot ng pag-aalala ang puso ng dalaga. Nakatitiyak kasi siyang hindi tatawag ang dating mayordoma sa kanya kung hindi iyon importante.

"Manang, ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong niya.

"Umuwi ka dito sa bahay ko, sa La Paraiso, hija," anito. "Dito ko ikukuwento sa'yo ang lahat. Tungkol ito sa mansyon ninyo."

Hindi na nag-isip pa si Tasia. Kaagad niyang sinabi sa kanyang Manang Rosario na uuwi siya sa araw ding iyon. Hindi na niya inalala pa ang oras at kaagad na pumasok sa banyo para maligo. Pagkatapos maligo ay sunod na inasikaso ni Tasia ang mga gamit niya.

Kinuha niya ang isang traveling bag at basta na lang ipinasok roon ang mga damit niya at ilang papeles sa. Nagsuot na din siya ng off-shoulder black tops at blue skinny jeans at isang flat sandals na kulay itim sa kanyang mga paa.

At pagkalipas ng matagal na panahon, inayos ni Tasia ang sarili. Nang tingnan niya ang sariling repleksyon sa salamin ay napabuntong-hininga siya.

"Welcome back, Anastasia Soriano," sabi niya sa sarili.

COLD STEELTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon