"KUMUSTA ang date mo kagabi, Tasia?"
Breaktime ni Tasia sa trabaho. Kasabay niyang kumain ang mga kaibigan at katrabaho niyang sina Jenny at Lanie.
Nilingon niya ang dalawa. "Hindi na ako uulit."
"Bakit?" Nagkoro pa ang dalawa matapos magtinginan.
"Nagoyo ako, eh," sagot niyang napabuntong-hininga pa.
"Paano?" tanong ni Jenny.
"Manyak pala si Louie," sabi niya na lang at ipinagpatuloy ang pagkain.
"Ha? Sinaktan ka ba? Binastos ka?" Nag-aalalang tanong sa kanya ni Lanie.
"Binastos, oo. Sinaktan? Hindi naman. May nagligtas kasi sa'kin," kuwento niya.
Para namang biglang nabuhay ang dugo ng mga kaibigan niya sa narinig. Sabay na sabay pa na sumubo ng pagkain ang dalawang babae at pagkatapos ay nagtanong.
"Guwapo?" si Jenny.
"Mabait ba?" tanong naman ni Lanie.
Inalala ni Tasia ang binata. "Guwapo siya, matangkad, maputi at mukha namang malinis sa katawan. Malakas din siyang sumuntok."
"Ay! Puwede na!" mahinang tili ni Lanie.
"Tinanong mo ang pangalan?" tanong naman ni Jenny.
"Chad daw ang pangalan niya."
"Eh, hiningi mo ang number?" tanong uli ni Lanie.
"Hindi. Bakit ko hihingin?" Nagtatakang tanong niya.
"Eh, hiningi ba niya ang number mo?" tanong naman ni Jenny.
"Hindi. At hindi ko ibibigay." Wala sa loob na napairap si Tasia sa hangin.
Nagkatinginan uli ang mga kaibigan.
"Bakit naman?" Puno ng kuryusidad ang tinig ni Jenny.
"Baka singilin niya ako," aniyang may inis sa boses.
"Sa pagliligtas niya sa'yo?" Si Lanie na nagsalubong ang mga kilay.
"Naku!" bulalas ni Jenny. "Kiss lang 'yon."
"Kiss niya mukha niya," nakangiwing sabi ni Tasia. "Saka, hindi iyon 'yon."
"Hindi?" Kahit si Jenny ay nagsalubong na din ang mga kilay. "Eh, ano?"
"Sa mga pagkain. Siningil nga ako kanina. Three hundred pa nga ang kulang ko sa kanya," aniyang naiinis pa din.
Natigil nang tuluyan sa pagkain ang dalawa at tumingin sa kanya. Naunang magsalita si Lanie. "Wait, wait, wait lang! Kanina?"
"Oo, kanina. Siningil niya ako kanina."
"Hindi. Ang ibig kong sabihin, nagkita kayo kanina?" si Lanie.
"Oo."
"Totoo?" tanong ng mga kaibigan.
"Oo." Sa totoo lang nawiwirduhan na siya sa mga tanong ng mga kaibigan pero sagot pa rin siya nang sagot.
"Ay, destiny!" Tili ng dalawa, sa pagkakataong iyon ay bahagyang malakas iyon kaya nakaagaw sila ng atensyon ng ibang mga empleyado.
Nahihiyang napayuko na lang si Tasia pero mayamaya lang ay muli rin siyang nagsalita. "Ano'ng destiny pinagsasabi ninyo d'yan?"
"Nagkita kasi kayong dalawa uli," masayang sabi ni Lanie. Kinikilig ang babae sa pakiwari niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/246402487-288-k202456.jpg)
BINABASA MO ANG
COLD STEEL
RomanceTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...