MABILIS ang tibok ng puso ni Tasia. Pinagpapawisan din ang mga kamay niya dahil sa kaba habang naglalakad palapit sa apartment. Nag-aalala ang dalaga na baka dumating na si Chad at malaman nitong umalis siya.
Habang palapit nang palapit ang dalaga sa apartment ay iba't ibang alibi na ang naiisip niyang sabihin dito kung sakaling magtanong ang binata kung saan siya nanggaling at kung ano ang ginawa niya.
Pero, pagdating sa labas ng apartment ay napansin ni Tasia na wala pa roon ang kotse ni Chad. Nagsalubong ang mga kilay niya. "Wala pa siya?" Ngunit mayamaya ay nanlaki ang mga mata niya nang may maisip na ideya. "Hindi kaya dumating na siya at umalis uli para hanapin ako?"
Mabilis na hinanap ni Tasia ang susi ng apartment na nasa loob ng dala niyang sling bag at pagkatapos ay mabilis din niya iyong ipinasok sa susian. Pagkabukas ng pinto ay kaagad na hinanap ni Tasia sa loob ng bahay ang mga pinamili ng binata, ngunit wala siyang nakita.
Sa madaling salita, hindi pa ito nakababalik simula nang umalis. "Mabuti naman," aniyang napabuntong hininga. Kasunod ay kaagad siyang nagpunta sa banyo para magbihis.
Kinuha ni Tasia ang cellphone sa bag niya para maglaro pansamantala habang hinihintay na dumating si Chad. Wala pa kasi siyang lulutuin at wala ring paglulutuan dahil bumibili pa lang ito.
Makalipas ang ilang sandali na wala pa rin ang binata ay sumilip na ang dalaga sa labas ng bintana, ngunit wala pa ring dumarating. "Nasaan na kaya iyon? Nahirapan ba siyang makahanap ng mga pinabili ko? O baka nakipag-date kung kanino?" Sa huling naisip ay napataas ang kilay ni Tasia. Subukan niya lang at ilalagay ko siya sa loob ng kahon na magmumukha siyang regalo sa ilalim ng lupa.
Mayamaya pa ay napatingin si Tasia sa oras na naka-display sa cellphone niya. Alas otso na ng gabi ngunit wala pa si Chad. Nakakaramdam na rin siya ng gutom kaya naman napagpasyahan na niyang lalabas siya ng apartment. Hindi niya hahanapin ang lalaki. Maghahanap siya ng mailalaman sa tiyan niyang nagpaparamdam na sa kanya. Naalala rin niyang hindi siya nakapagmeryenda.
Nag-quit si Tasia sa nilalarong game sa cellphone niya at pagkatapos ay kumuha ng sweater sa bag niya para idoble sa suot niyang sando. Hindi na siya nag-abalang magbihis pa dahil d'yan lang naman siya sa labasan maghahanap ng lutong pagkain. Kasusuot lang ni Tasia ng sweater at kasalukuyang kinukuha ang wallet niya nang biglang bumukas ang pinto ng apartment niya.
"Ay, kalabaw!" Iniluwa ng pinto ang malaking bulto ni Chad.
Masama naman ang tingin nito sa kanya. "Saan ka pupunta?"
"Sa labas sana," nakasimangot na sagot niya.
"Nang ganyan ang suot mo?" naniningkit ang mga matang tanong uli ni Chad.
Napatingin si Tasia sa suot niyang damit. Nakasuot siya ng puting sando at pinatukan niya ng hindi naman masyadong makapal na sweater habang isang manipis at kulay pink na pajama na may print pang mickey mouse ang suot niyang pang-ibaba. Ibinalik niya ang tingin kay Chad.
"Ano'ng problema sa suot mo?"
"Hindi ka aalis," sabi ni Chad.
"And why is that?" Humalukipkip ang dalaga.
"Because, I want you to stay." Authority is clear in his voice.
Hindi nagsalita si Tasia at sa halip ay sinalubong niya ang masamang tingin ni Chad sa kanya. Hindi niya na napansin ang mga dala nitong paper bags na basta na lang iniwan sa tapat ng pinto matapos i-lock iyon. Deretso rin ang tingin nito sa kanya habang naglalakad.
Biglang nakaramdam ng kaba si Tasia sa dibdib niya hindi dahil natatakot siya sa binata kundi dahil may kakaiba siyang nakikita sa mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Nang makalapit na si Chad sa kanya ay kaagad nitong hinawakan ang likod ng batok niya at sensuwal siyang hinalikan sa kanyang mga labi.

BINABASA MO ANG
COLD STEEL
RomanceTEASER: Para kay Chad, normal na sa buhay niya magpalipat-lipat ng lugar at makakilala ng marami at iba't ibang klase ng tao, pati na ng magagandang babae dahil na rin sa negosyo at propesyon niya. Ang hindi normal ay ang makita ang isang babae sa...