20-Strange message

361 17 0
                                    

Nakatingin lang ako sa dalawang nag-iinuman sa sala. Imbis na tahimik akong nagre-review heto ako't nagluluto ng pulutan nila.

Kapag bumagsak ka Dale 'wag kang lalapit at iiyak sa'kin.

Tinapos ko na ang niluluto ko para makaalis na sila. Pero mukhang malabo dahil balak pa ata nilang matulog dito. Bahala sila dyan, matulog sila sa sala kung gusto nila.

"Halika rito Miriana," tawag ni Ate Remi sa'kin paglapag ko ng pulutan nila sa mesa. Pagewang-gewang pa itong tumayo para akbayan ako. "Balita ko binusted mo si little brother kaya nasa mars siya ngayon hinahanap ang unggoy na nakita roon," natatawa niyang sabi na nagpatawa rin kay Dale.

"Ate lasing ka na. Umuwi ka na, isama mo na rin 'yang si Dale."

Ayaw niyang alisin ang kamay niyang nakaakbay sa'kin ng balakin ko itong alisin.

"Lasing? Sinong lasing? Ikaw? Hahaha. Pero hindi nga... magaling ba si little brother?" makahulugan nitong tanong bago humagikgik. "Kasi diba may nangyari raw sa inyo, kaya ano? Lalaki na ba ulit siya?"

Napatingin ako kay Dale na kinindatan lang ako. Kahit kailan talaga ang bunganga nito walang tigil.

"Mag-inom na lang kayong dalawa." Ginamit ko lahat ng lakas ko para alisin ang kamay niya sa'kin. Pinaupo ko rin ito sa sofa bago mabilis na pumasok sa aking kwarto.

"Miriana! Ano?! Lalaki na ba ulit si Richard?!"

Ni-lock ko ang pinto para hindi sila makapasok. Maayos na ang door knob ng pintuan ko, inayos kasi ito ni Castriel ng makita niya. Nagtaka pa nga si Dale kanina kung paano raw naayos ang door knob.

"Bahala na sila diyan."

Dumiretso ako sa study table ko't umupo sa upuan para simulang mag-review. Last day of exams bukas dahil two days lang midterms na kaya mas kailangan kong magsipag sa pag-aaral. Hindi katulad ng isa diyan sa labas na umiinom na naman.

Sinuot ko ang earphones na nasa gilid para kahit papaano'y maibsan ang ingay na nanggagaling sa labas. Kaya kong magbasa kahit na maingay, pero ang ingay ni Ate Remi at Dale ay malayong malayo sa normal na ingay na maririnig mo. Masasabi kong para silang wangwang ng ambulansiya na masakit sa tenga.

'Yang si Ate Remi kasi nagmana kay Tita, maingay. Si Richard naman half-half, depende pa sa saltik ng utak niya. Pero mas nakuha niya ang ugali ng tatay nilang may pagkaseryoso.

Nakaka-intimidate rin ang presensya nun na masasabi mong nanggaling talaga sa maimpluwensiyang pamilya. Pero mabait siya, nakakatakot lang talaga siya paggalit.

▪▪▪

Sinara ko ang notebook at ilang libro matapos kong mabasa ang mga ito. Napatingin pa ako sa orasan dahil hindi ko alam kung nag-iinuman pa ba ang dalawa.

Pag-alis ko ng earphones, katahimikan ang bumungad sa'kin. Inayos ko muna ang ilan kong gamit bago lumabas para tignan ang dalawa.

"Ang kalat," iiling kong sabi.

Nakatulog sila sa sofa at magkatabi pa. Ang mga bote ng alak ay nasa sahig habang ang mesa ay may kalat-kalat na pagkain galing sa pulutan nila.

Paglapit ko sa kanila, pulang pula ang mukha nila pero mas pula ang kay Ate Remi. Binilang ko rin ang bote ng alak na ininom nila, hindi na ako nagulat ng umabot ito ng isang buong case. Alam kong si Ate Remi ang nakarami diyan.

Inuna kong linisin ang mesa, bago pulutin ang mga bote para ilagay sa labas. Kumuha rin ako ng kumot sa kwarto para hindi naman sila lamigin.

"Buti na lang at hindi sila nagwala."

Behind that Innocent Smile (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon