12: Dulot ng Pag-ibig

204 6 1
                                    

Hindi ko ma-intindihan kung bakit bumalik sa pagiging isang kabataan ang aking ina. Uminom ng alak hanggang sa hindi na niya kaya. Naalala ko sinabi ko sa kaniya na “Ma, magiging maayos din ang lahat,” ngunit binato niya ako ng isang bote ng alak na inum-inom niya.

Hindi ko ma-intindihan kung bakit gabi-gabi ay handang humamak ang aking ate para lang makasama niya ang nobyo niya, tapos uuwing luhaan, may pasa sa mga braso at may dugo sa labi. Naalala ko sinabi ko sa kaniya na “Ate, magiging maayos din ang lahat,” ngunit humagulgol pa siya.

Hindi ko ma-intindihan kung bakit sa sobrang pagmamahal ay naging abala ang aking matalik na kaibigan sa pagliban sa klase para lang makasama niya ang kaniyang nobyo. Isinisiksik niya sa kaniyang isipan ang bawat salitang kaniyang nababasa sa libro upang maging okupado ang kaniyang isip at magkaroon siya ng dahilan upang hindi makita ito. Naalala ko sinabi ko sa kaniya na “Bes, magiging maayos din ang lahat,” ngunit binato niya sa akin ang librong hawak-hawak niya.

Pagkatapos kong makita at masaksisahan ang mga taong mahal ko na nasaktan nang dahil lang  sa pagmamahal sa isang lalaki, nawala man lang kaalam-alam kung gaano sila katanga na sinukuan nila ang mga babaeng handang handa silang mahalin. Pinangako ko sa sarili ko na hindi ako magmamahal, na hindi ako magpapakatanga sa pag-ibig, na hindi ako mabubulag nang dahil lang sa pagmamahal.

Ngunit dumating ka, nangako ka sa akin na mamahalin mo ako, na hindi mo ako iiwan, na hindi mo ako sasaktan, na hindi ka tulad ng mga lalaking iyon, na iba ka.

“Pinangako ko sa’yo Chloe, hindi ako tulad ng mga lalaking kinamumuhian mo, iba ako. At papatunayan ko sa’yo 'yan,” sabay yakap sa aking bisig.

Hindi ako sumagot, sa halip yumakap ako sa bisig mo. Dahil sa sobrang higpit ng pagkakayakap natin sa isa’t isa ramdam na ramdam ko ang pagtibok ng puso natin. Pagtibok na nagsasabing buhay na buhay tayo sa piling ng isa’t isa.

“Hindi kita iiwan, dito lang ako sa tabi mo. Hindi kita sasaktan, mamahalin kita. Hindi ko hahayaang malungkot ka, papasayahin kita magmukha man akong katawa-tawa sa iba. Hindi kita aawayin, lagi kitang iintindihin. Hindi kita hahayaang mapagod, ayokong pumangit ang future wife ko. At papaiyakin kita, pero sa harap ng altar.” Bumitaw siya sa pagkakayakap at hinalikan ako sa aking noo.

Sobrang saya ko  dahil natagpuan kita, natagpuan ko ang taong handang patunayan na hindi lahat ng lalaki manloloko. Na may handang magsumikap para lang makamtan ang pagmamahal na gusto niyang makamit. At ikaw 'yon , ikaw 'yon Mark.

Pero noon 'yon,  mag-iisang buwan na ang nakakaraan.

Sinuot ko ang itim na takong , maikling palda, at gumuhit ako sa aking labi gamit ang pulang kolorete at sinuot ang pang ibabaw na damit na kailanman hindi mo pinasuot sa akin. Kumuha ako ng isang baso ng alak, hinayaan kong lunurin ang sarili ko sa alak. Hinalikan ko ang isang lalaki at ang isa pang lalaki na hindi ko kilala.

Pero nang magtama ang labi niya sa aking labi at hawakan ang aking bewang. Hindi ko alam kung anong gagawin ko, para bang nabato ako sa aking kinatatayuan dahil sa sobrang gulat. Ikaw pa rin, ikaw pa rin ang laman ng puso’t isip ko.

Napatakbo ako, lumabas sa lugar na noon ay pinagbawal mo.

Gaano karaming sigarilyo ang kailangan kong sindihan para lang makalimutan ang pakiramdam ng magmahal? Na sana ang pagmamahal ko sa’yo ay parang isang istik ng sigarilyo na nasunog na at naging isang abo, na hindi na maibabalik.

Gaano karaming bote ng alak ang kailangan kong inumin para pasayahin ang sarili ko? Na sana mga labi mo na lang ang nalalasahan ko sa halip na bote ng alak. Nag-aasam ako ng bagay na kailanman hindi ko pa natitikman. Ang gusto ko lang naman matapos na 'to, matapos na 'tong sakit na nararaman ko. Ayoko ng malungkot pa.

Ilang gabi pa ba ang pupuyatin ko nang dahil lang sa sobrang pag-iisip sa’yo? Dahil sa paghahanap ko sa iyong boses tuwing alas sais ng umaga na para lang sabihin sa’kin “Good morning My future wife. I love you, forever. To the infinity and beyond. To the moon and back.” At mapapaluha na lang ako hanaggang sa mapahagulgol sa sobrang sakit. Alam kong hindi ko na maririnig na sasabihin mo ang mga salitang iyon.

Gaano karaming kuwaderno ang kailangan kong punuin para lang isulat kung gaano ka-miserable ang buhay ko simula nang iwan mo 'ko. Sana nandito ka sa tabi ko, sana lahat ng bagay umayon sa kung ano ang gusto ko.

“Bakit?”

Iyan ang laging tanong ko, na kahit mag-iisang buwan ka nang wala ay hindi pa rin masagot-sagot itong mga katanungan ko. Hindi ba sabi mo dito ka lang sa tabi ko, pero bakit iniwan mo ako? Hindi ba sabi mo mamahalin mo ako, oo minahal mo ako pero bakit sinaktan mo ako? Hindi ba sabi mo papasayahin mo ako kahit na anong mangyari, pero bakit hinahayaan mo akong malungkot? Hindi ba sabi mo iintindihin mo ako, pero nasa’n ka? Sabi mo hindi mo ako hahayaang mapagod, pero pagod na pagod na ako sa sakit na dulot ng pag-ibig na ito. Sabi mo papaiyakin mo ako sa harap ng altar, pero bakit ito ako ngayon umiiyak sa harap ng lapida mo?

Gusto ko lang naman na mayari na 'to, itong bangungot, itong sakit na paulit-ulit na pinapaalala na wala ka na. Na kahit anong gawin ko hindi ka na babalik. Gusto kong kalimutan pero sa tuwing naaalala ko kung gaano tayo kasaya, bumabalik pa rin. Araw-araw para kong pinapatay ng bangungot na 'to.

Naalala ko may babaeng nagsabi sa’kin na magiging maayos din ang lahat, di ako nakapagpigil nasampal ko siya.

Hindi niya alam kung gaano kasakit ang mawalan ng taong minamahal.

Na-intindihan ko na.

Na-intindihan ko na ang aking ina.

Na-intindihan ko na ang aking ate.

Na-intindihan ko na ang aking matalik na kaibigan.

Na-intindihan ko na kung anong dulot ng pag-ibig.

                                                     

The AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon