19: Kumot-Era

165 5 0
                                    


“Mga magaganda’t gwapo bili na po kayo ng kumot! May libre pong yakap at halik galing sa magandang tulad ko!” Hawak-hawak ko sa magkabilang kamay ang mga nakatuping kumot habang naka pwesto sa labas ng tindahan ko para magtawag ng mga mambibili.

Ang mga tao ay pabalik-balik sa harapan ko na akala mo’y laging nagmamadali. Sumasabay ang boses ko sa ingay ng mga tao para makabenta ako. Matumal ang bentahan ngayon dahil tag-araw na kaya todo kayod ang ginagawa ko para sa pangkain namin ni nanay.

“Halina’t bumili ng mga magagandang kumot na yayakap sa inyo!” Hindi ko iniinda ang hapdi sa lalamunan ko kakasigaw nang mamataan ko ang matagal ko ng iniirog. Nilakasan ko ang sigaw ko para makuha ang atensyon niya at nagtagumpay naman ako kahit pa na tinatakpan na ito ng mga tao.

“Klenn, bibili ka ba ng kumot?,” sabi ko nang may landi sa boses nang makalapit na itong tuluyan sa pwesto ko. “Magiging komportable ka kapag ginamit mo ito pero mas lalo kang magiging komportable kapag ako ang kasama mo at magsisilbing kumot mo.” Walang hinto kong sabi habang ang mga pisngi ko ay parang hinog na kamatis. Mas lalong nalusaw ang manipis ko ng panti garter dahil sa pagngiti niya nang ubod tamis at kita lahat ng ngipin niya. Lumapit siya sa akin, gusto ko nang mangisay dahil sa kilig na dulot niya ngunit ang nagawa ko lang ay manigas sa kinatatayuan ko at damdamin ang kanyang presensya. Napakislot ako nang dumantay ang mga braso niya sa balikat ko at doon ko naramdaman na para bang kaming dalawa nalang ang magkasama at lumulutang kami sa ulap. Ang dibdib ko ay parang binabagyo, dumadagundong ang kulog at nagmamarka ang kidlat habang ang mga hangin ay paikot-ikot sa loob.

“Ikaw talaga huwag mong sabihin ‘yan sa kahit sinong lalaki lalo na kapag kaharap mo si Zaque. Isa pa naman si Zaque sa suki mo na kulang nalang araw-arawin niya ang pagbili ng kumot.” Hindi ko maiwasang magsaya dahil sa sinabi niya. Nagseselos siya! Sabi ko pa sa sarili ko nang nakangiti.

Tiningnan ko siya sa mata, hindi ko mawari ang kanyang iniisip dahil walang emosyong mababasa sa bilogang niyang mukha lalo na sa mga itim at chinitong mga mata. Hindi nawala ang ngiti niya sa maninipis niyang mga labi na labas pa ang kanyang dalawang biloy sa magkabilang pisngi.

Napakurap ang mga mata ko nang sa isang iglap lang ay papalapit na ang kanyang mukha sa mukha ko, parang nagkaroon nanaman ng bagyo pero super typhoon na. Pipikit na sana ang mga mata ko sa akalang hahalikan niya ako nang may biglang dumaan sa gitna mismo namin. Ang kaninang pulang mukha ko ay lalo pang pumula dahil sa naudlot na halikan. Galit na galit kong hinarap ang taong walang pakundangang dumaan sa gitna namin ni Klenn.

“Sa susunod alamin mo ang dinadaanan mo---“ Napatigil ako sa kakasermon sa dumaan sa gitna namin nang yakapin ako ni Klenn. Nawala bigla ang nararamdaman kong galit at pinalitan iyon nang napakagaan na pakiramdam. Akala ko nalusaw na ang puso ko kaya kinapa ko ito. “Huwag ka na magalit, Era”, sabi ni Klenn habang nakatingin ang walang emosyon niyang mga mata kay Zaque na siyang dumaan sa gitna namin kanina. Naramdaman ko ang tulis ng tingin na binibigay ni Zaque sa aming dalawa. Hindi ko alam kung bakit nalang bigla-biglang sumusulpot iyon ng hindi ko namamalayan. Hindi ko din namamalayan na kumpol-kumpol na ang mga taong nanunuod sa amin.

“Simula ngayon hindi ka na pwedeng lumapit diyan sa manlolokong iyan!” Napakalas ako kay Klenn sa pagkakayakap at kinuyom ko ang mga kamay ko dahil doon sa sinabi niya. “Sino ka para sabihin sa akin iyan?” Tumaas ang kanang kilay ko habang sinasabi ko iyon, mata sa mata.

“Hindi mo pa siya kilala nang lubusan, Era.” Pumunta ito sa harapan ko at pinaalis niya ang kamay ni Klenn na nakahawak sa akin, hinawakan niya ang dalawang balikat ko gamit ang dalawang kamay niya habang magkasalubong ang dalawang makakapal na kilay, nag-isang linya din ang mga mapupulang labi nito dahil sa pinipigilang emosyon. Napakislot din ako nang kaunti nang hinawakan niya ako sa balikat, naramdaman ko na mayroong kuryente na nanalaytay sa buong katawan ko na ipinagsawalang bahala ko nalang. “E, sino ang kilala ko? Ikaw?” Tinulak ko siya sa bandang dibdib niya. Hindi ko man sabihin pero naramdaman ko ang lakas nang tibok ng puso niya.

Nakita ko sa gilid ng mata ko ang biglang pagkuyom ng mga kamay ni Klenn at makikita ang galit sa mga mata niya habang nakatingin sa akin kaya bigla akong nalito sa inasal niya.

“Alam kong hindi ito ang tamang panahon pero ngayon lang ako nagkaroon nang lakas ng loob para sabihin ito sa ‘yo.” Nakita ko ang paglambot ng mukha nito at humugot nang malalim na hininga saka ito tumingin sa mga mata ko. Pakiramdam ko parang bumaon ang mga tingin niya sa kaluluwa ko. “Era, mula nang makita kitang nagtitinda dito ng kumot para na akong inaakit na lagi kang puntahan dito o masilip man lang. Nang dahil sa kumot na binili ko sa ‘yo pakiramdam ko yakap mo na din ako.” Napatungo siya pagkasabi niya no’n. “Maha—“ Napatingin ako kay Klenn dahil sa biglang pagbagsak niya ng kung ano mang bagay.

“Hindi maari ito, Zaque! Mang-aagaw!” Napalaki ang mga mata ko ng sa direksyon ko papunta si Klenn na sa akala ko’y kay Zaque at susuntukin ito pero ako ang nasampal. Napahawak ako sa pisnging sinampal ni Klenn habang nanlalaki ang mga mata. Hindi ako makapaniwala sa natuklasan ko. Si Kleen ay..

“Bruha ka! Kakalbuhin kita!” Nagulat ako nang hawakan ni Zaque ang kamay ko saka niya ako hinila patakbo. “Zaque! Bumalik ka dito! Ako lang dapat ang mahalin mo!” Rinig ko pang hagulgol ni Klenn habang ang mga tao sa paligid nito’y hindi malaman kung tatawanan ba siya o kakaawaan.

“Hindi ko akalaing nagkagusto ako sa isang bakla.” Bulong ko.

“Mahal kita, Era.” Nginitian ko lang siya. Hindi ngayon.

The AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon