Dahan-dahan kong inihakbang ang mga paa ko papunta sa likod n’ya. Nagsilbing piring ang mga kamay ko sa mga mata n’ya. Unti-unti kong naramdaman ang paggapang ng mainit n’yang palad sa balat ko. At isang malamyos na boses ang s’yang um-echo sa tainga ko.
“Stefan…”
Nangiti ako sa pagka-rekognisa n’ya sa akin. Tinanggal ko na ang mga kamay kong humaharang sa liwanag na s’yang dapat makita n’ya. Naupo ako sa tabi n’ya at lumingon sa kan’ya.
“Kanina ka pa?”
Lumingon s’ya sa akin at bumungad sa paningin ko ang kanyang manipis na labing nakakurba sa pagkakangiti, “Hindi naman kadarating ko lang din.”
Tinawid ko ang puwang ng bench na kinauupuan namin ngayon, nagdikit ang mga balat namin at naroon pa rin ang pakiramdam na parang kinuryente ka sa tuwing magdadaiti ang mga ito. Ginagap ko ang kamay n’ya at itinaas ito sa harap namin. Natuon pareho ang mga paningin namin sa mga ito.
“Sabi nila, mayroong isang taong s’yang magpupuno ng mga puwang sa pagitan ng bawat daliri ng ating mga kamay,” tumigil ako saglit at pinagsalikop ko ang aming mga kamay habang ang mga mata ko ay inilipat ko papunta sa kanya, na s’ya ngayong nakatingin parin sa magkahugpong naming mga kamay. “Hindi ko alam kung anong magandang bagay ang nagawa ko sa nakaraan upang swertehin ako ng ganito,” napatingin s’ya sa akin kaya naglapat ang aming mga paningin. “Sa ilang bilyon o trilyong taong mayroon sa buong mundo ay kasama, katabi, at kahawak ko ng kamay ang taong s’yang nakatadhana sa’kin.”
Isang matamis na ngiti ang isinukli n’ya sa’kin at ganoon din ang isinukli ko sa kanya. Pumihit ang katawan n’ya paharap sa’kin kaya’t sumunod ako sa galaw n’ya upang tuluyang magkaharap ang mga mukha namin.
“Paano kung tuluyan na kitang makalimutan?” nakita ko ang biglaang pagbago ng emosyong nababanaag ko sa kanyang mga mata. Mula sa pangingislap nito kanina ay nabalot ito ng pananamlay, lungkot, at pangamba.
“Ang utak at ang isip mo lang ang apektado ng sakit mo, Helena. Natitiyak kong kahit malimutan mo kung sino ako sa buhay mo ay sigurado akong hinding-hindi naman malilimutan ng puso mong… ako ang itinitibok.” Nakita ko unti-unting pagbuo ng mga luha sa kanyang mga mata.
Tinanggal ko sa pagkaka-salikop ang aming mga kamay, “Sa tuwing malilimutan mo kung sino ako ay hayaan mong magpakilala ako sa paraang hindi mo malilimutan,” dahan-dahan kong iginiya ang kamay n’yang hawak ko patungo sa kaliwang dibdib ko. “Damhin mo ang tibok ng puso ko. Pag-aralan mo ang pangalang isinisigaw nito.” Huminto ako saglit at unti-unti kong inilapit ang mukha ko sa kanya. Naramdaman ko ang hininga n’yang bumalot sa balat ko ng mapasinghap s’ya sa ginawa ko. “Pakinggan mo ang tunog ng pag-ibig kong buong-buo kong iniaalay sa’yo.” Tinawid ko ang maiksing distansyang naglalayo sa amin at sinimulan kong damhin ang malambot n’yang labi na s’ya ngayong sumasabay sa galaw ng aking labi. Ibinigay ko sa halik na ‘yon ang buong pagmamahal ko para sa kanya. Inilapat ko ang noo ko sa noo n’ya at nagbanggaan ang mga hininga naming parehong dumadampi sa aming mga pisngi. “Hear me, feel me, and remember me, Helena.” Saad ko sa may diing tono na para bang nanghihingi ng seguridad.
Naramdaman ko ang pagtango n’ya at kasabay noon ay ang nakita kong pagbagsak ng mga luha sa mata n’yang ngayon ay dumadaloy na sa mga pisngi n’ya. Hinawakan n’ya ang kaliwang pisngi ko gamit ang libreng kaliwang kamay n’ya. Masuyo n’yang hinaplos ang balat ko at naramdaman ko kung gaano kainit ang pagmamahal n’ya sa pagdampi ng mainit n’yang palad sa pisngi ko.
“Salamat sa pagiging dahilan kung bakit araw-araw ay dinadasal ko na sana ay hindi ako makalimot… na sana ay hindi ko makalimutan ‘yong mga bagay lalong-lalo na ‘yong mga taong s’yang espesyal sa buhay ko,” tumigil s’ya saglit sa pagsasalita. Lumalandas pa rin ang mga luha n’yang parang talon na hindi maubos-ubusan ng tubig sa pagbagsak. “’Wag mo sanang bitiwan ang mga kamay kong nakakapit sa’yo.”
“Hinding-hindi, Helena. Hinding-hindi.”
Sa pagkakataong ito ay ngumiti s’ya, napangiti rin ako sa kurbang nakita ko sa kanyang labi.
“Samahan mo ‘kong pumunta sa sanktuaryo ng ating pagmamahalan.”
Hinila ko s’ya at sabay kaming pumunta sa dulong parte ng parke kung saan wala masyadong tao ang naglalagi. Isang mataas, malaki, at matayog na puno ang s’yang proud na proud na naghihintay sa amin. Huminto kami sa tapat no’n at muli kong ipiniring ang mga mata n’ya gamit ang kamay ko.
“Ano ‘to Stefan?” mahihimigan ang saya at excitement sa boses n’ya.
“Hayaan mo ‘kong dalhin ka sa sanktuaryo ng ating pagmamahalan.”
Hindi s’ya nakaimik at nagpagiya na lang sa kilos at galaw ko.
Huminto kami ng sapitin ang tamang lugar, dahan-dahan kong tinanggal ang kamay ko sa mga mata n’ya. Nakita kong dalawang beses n’ya itong ikinurap bago tuluyang tumitig sa kung anong mayroon sa aming harap. Inihakbang n’ya ang kanyang mga paa at hinawakan ang katawan ng puno. Pinasadahan n’ya ng kamay n’ya ang bawat letrang naka-ukit doon.
“Mahal ni Stefan si Helena.” Basa n’ya sa katagang naka-ukit sa katawan ng puno.
Nakita ko ang nag-uumapaw na saya sa mata n’ya ng lingonin ako. Isang matamis na ngiti rin ang s’yang kalakip nito.
“Ang katagang naka-ukit sa punong ‘yan ang magsisilbing tanda ng ating pag-iibigan. Isang sumpa na walang kahit anong mahika ang makakaputol. Silyado iyan ng puro at walang hanggang pagmamahal na mayroon ako para sa’yo, Helena. At kahit ‘yang sakit mo ay hindi basta-basta matatabunan ang pagmamahal ko, dahil parati kong ipararamdam at ipa-aalala na may isang Stefan ang s’yang nasa tabi mo.”
Sinunggaban n’ya ako ng mahigpit na yakap at ganoon rin ang ginawa ko sa kanya. Nanatili s’yang tahimik habang magkayakap kami, ramdam ko kung gaano s’ya kasaya at kung gaano n’ya ako kamahal.
“Makalimutan ka man ng isip ko tandaan mong naka ukit ka naman sa puso ko.” narinig kong bulong n’ya na s’yang nakapagpatulo ng luha sa mga pisngi ko. “Mahal kita, Stefan. Mahal na mahal.”