Grade five pa lang ako, crush ko na ang bestfriend ng Kuya ko na si Spencer. Araw-araw ko siyang nakikita na naglalaro ng basketball kasama si Kuya. Limang taon ang agwat ng edad namin at fourth year highschool na sila ni Kuya Dexter.
Noong una, lagi n’ya akong pinapansin pero nang malaman n’ya na crush ko siya, biglang lumayo ang loob n’ya sa akin. Naging suplado na siya at hindi na ako nginingitian sa tuwing nagkakasalubong kaming dalawa.
Isang araw, halos pagsakluban ako ng langit at lupa nang malaman ko na sa America na sila maninirahan ng kanyang pamilya pagka-graduate n’ya. Nais ko siyang lapitan upang kausapin ngunit agad siyang lumalayo sa tuwing nakikita n’ya akong palapit sa kanya. Naglakas loob na lang akong sulatan siya at nagbabaka-sakali na mabasa n’ya.
Dear Spencer,
Siguro hindi mo lang talaga ako gusto kaya ganoon na lang ang reaksyon mo noong nalaman mo na crush kita. Hindi ko alam kung babalik ka pa dito kaya naglakas loob na akong sulatan ka at ipaalam ang aking nararamdaman.
Masaya ako sa tuwing nakikita kita, lalo na sa tuwing nakikita kitang nakangiti dahil pakiramdam ko lumulutang ako sa ulap. Siguro, mahal na talaga kita kaya ako nagkakaganito. Pasensya ka na talaga kung makapal ang mukha kong sabihin ito sa’yo. Pangako ko na gagawin ko ang lahat upang mawala na ang nararamdaman ko para sa’yo.
Mag-ingat ka sa America at sana maging masaya ka doon.
Nagmamahal,
Shelby.
Kinabukasan, lumuwas ng Maynila si Kuya Dexter para magpa-enroll sa isang University. Napaigtad ako nang makita ko si Spencer na papunta sa aming bahay. Nakailang door bell na siya nang binuksan ko ang pinto.
“S-si Kuya ba ang hanap mo? Wala siya eh, lumuwas para mag-enroll.” Kinakabahang sabi ko at napayuko.
“Ikaw talaga ang sadya ko Shelby.” Seryosong wika n’ya.
Nanlaki ang mata ko sa sinabi n’ya. “S-sorry, nabasa mo na ba? Promise kakalimutan na talaga kita.” Napayuko ako at nagulat na lang ako nang maramdaman na nasa harapan ko na siya.
Nataranta ang puso ko at tila gusto na n’yang umalpas sa aking katawan. Hindi ako makatingin sa kanya nang deretso at nanlalamig ang aking kamay at tila hihimatayin ako ano mang oras.
“Sana pagbalik ko, hindi ka magbago.” Hinawakan n’ya ako sa aking pisngi at itinaas ang aking mukha.
Nabanaag ko ang lungkot sa mapupungay n’yang mga mata at tila nalulunod ako sa mga titig n’ya. Bigla n’ya akong binitawan at napanganga na lang ako nang bigla n’ya akong yakapin.
“Babalik ako, pangako.” Kumalas na siya sa akin at lumakad palayo.
Nakatulala lang ako sa nangyari at tila naging estatwa ako sa mga oras na ‘yun. Pinagmasdan ko na lang siya habang naglalakad palayo sa akin. Hindi ko na namalayan na tumulo na pala ang aking luha.
Siyam na taon na ang nakakaraan at graduating na ako sa kursong BS Management. Kasalukuyang mina-manage ni Kuya Dexter ang aming negosyo.Araw-araw akong pinapatay sa tuwing binibisita ko ang facebook ni Spencer. Hanggang ngayon hindi pa rin nawawala ang nararamdaman ko para sa kanya at nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko siyang may kasamang ibang babae sa kanyang mga larawan.
Araw-araw akong naghihintay at umaasa na babalik siya at tutuparin ang huling sinabi n’ya. Hanggang sa isang araw, nabasa ko ang status n’ya sa kanyang facebook account na labis kong iniyakan.
“I missed you so much baby, I love you see you soon.”
Maraming nag-like at comment sa kanyang status at may nabasa din ako na nag ‘I love you too’ sa kanya na magandang babae. Simula noon, hindi na ako nagbukas pa ng facebook at tumutok na lang ako sa nalalapit naming graduation. Nagpaka-busy ako upang hindi ko na maramdaman pa ang sakit sa aking puso na matagal ko nang iniinda.
Sa araw ng aking graduation, pinilit kong maging masaya dahil ako ang tinanghal na Magna Cum Laude sa aming batch. Masigabong palakpakan ang natamo ko pag-akyat ko sa stage para kunin ang aking parangal. Pinilit kong ngumiti habang kinukuhaan ako ng litrato.
Nang makauwi kami, nagulat na lang ako sa surprise party na ginawa nila para sa akin. Punong-puno ng masasarap na pagkain sa lamesa ngunit wala talaga doon ang atensyon ko. Nanlamig ang pakiramdam ko nang masulyapan ko si Spencer na may kasamang magandang babae habang kausap ni Kuya Dexter.
Nagkakatuwaan silang tatlo at panay ang hampas ng babae sa braso ni Spencer. Daig ko pa ang pinagsasaksak nang isang milyong beses sa nasasaksihan ko. Pinilit kong magpanggap na okay ako at hindi ko na lang sila tinignan. Nagulat na lang ako nang iabot sa akin ng kaibigan ko na si Ivan ang isang regalo at agad n’ya akong hinalikan sa pisngi.
Tapos na ang party at nag-uwian na ang ma bisita. Tumambay muna ako malapit sa pool at ako na lang ang naiwan doon. Napapitlag ako nang may marinig akong nahulog na bote at napamulagat ako nang makita ko si Spencer na papalapit sa akin. Napapikit ako nang nasa harapan ko na siya at naamoy ko ang alak sa kanyang hininga at nabanaag ko ang galit sa kanyang mukha.
“Bakit hindi mo ako hinintay? Akala ko ba mahal mo ako?”
Napanganga ako sa sinabi n’ya. “Tigilan mo nga ako, may girlfriend ka na kaya layuan mo na ako!” singhal ko.
Halos atakihin ako sa puso nang bigla n’ya akong yakapin. “Tinupad ko ang usapan namin ng Kuya mo na lalayuan kita hangga’t hindi ka nakakatapos ng pag-aaral. Inamin ko sa kanya na gusto kita noon pa at binalaan n’ya ako. Pinsan ko ang babaeng kasama ko kanina, at kung nabasa mo ang status ko sa facebook, para sa’yo ‘yun. Ilang taon akong nagtiis na hindi ka makita at nasaktan ako nang makita na may iba ka na pala.”
Napailing ako. “No! Kaibigan ko si Ivan, wala akong boyfriend.”
Kumalas siya sa pagkakayakap at nakita ko na nagningning ang kanyang mga mata. Sa katuwaan n’ya, bigla na lang n’ya akong hinalikan sa labi at napatulala na lang ako habang ninanamnam ang matagal ko nang pangarap.