Nakaupo ako ngayon sa tabi niya, dala dala ang mga mapupulang rosas na bago pang pitas sa hardin. Nakahiga siya sa isang hospital bed, mahimbing na natutulog. Maririnig mo ang bawat beep ng makinang nakakunekta sa katawan niya. May mga tubo ring nakalagay sa ilong niya. Sabi ng mga doktor na maayos na ang lagay niya. Ang kailangan ko nalang gawin ay ang hintayin na magising siya.
Nakatitig ako sa pulang rosas na hawak hawak ko ngayon. Kinuhanan ko na ito ng tinik para kung hawakan niya ay hindi na siya masusugatan. Sa kabilang banda, napatingin naman ako sa kamay ko na puno ng band aid. Napangiti nalang ako. Bakit ko nga ba ginagawa ito sa kanya? Dahil ba sa maganda siya? Dahil ba sa sikat siya? Dahil ba sa masayahin siya? O dahil ba sa mayaman siya?
Napahagik-ik nalang ako ng tawa sa kinauupuan ko. Ginawa ko ito dahil sa mahal na mahal ko siya. Ano pa nga ba ang maaaring maging dahilan? Ang pagmamahal na ito ang dahilan kung bakit nabubuhay pa ako. Gagawin ko ang lahat para sa kanya. Kahit anong kahihiyan pa ang gawin ko; maging unggoy man o patakbuhin niya sa EDSA na nakahubad basta para sa kanya gagawin ko.
Tinignan ko na uli siya. Ang ganda talaga niya. Bakit ang sarap niyang yakapin kahit natutulog. Pagkatapos, isang ala-ala ang nagpakita sa akin. Mas lumaki pa ang ngiti sa mukha ko.
“Natatandaan mo pa ba nung JS Prom? Yun yung panahon na nagtapat ako ng pagmamahal sa iyo...”
Tila nagiba ang paligid at bumalik kami sa nakaraan. Nasa harapan ko siya, nakatayo habang nakikipag-usap sa mga kaibigan niya. Masaya siyang nakikipagtawanan habang ako naman ay kinakabahan. Hindi maalis sa mukha ko ang pagaalala kung sasagutin ba niya ako o tatanggapin ba niya ako o kailangan ko na bang ihanda ang tali sa bubungan para panghanda kung sakali man lang. Pero iba ang nangyari. Hindi ko inaasahang habang papunta ako sa kanya ay madadapa ako at matutumba sa harapan niya. Nang makita kong nakatingin siya sa akin ay hindi na ako nakapag-isip pa. Bigla na lamang akong lumuhod sa kanyang harapan at inalok siya ng kasal. Kung anong kahihiyan man yung ginawa ko, mas inasahan ko pang sasabihin ko na siya ay isang magandang anghel na hulog ng langit kaysa sabihin na papakasalan ko siya.
“Pero mabuti nalang at mabait ka. Tumawa ka nung panahong iyon at sinabihan akong baliw,” sambit ko sa kanya. Nakahiga parin siya, mahimbing na natutulog. Hindi man lamang siya gumalaw o kahit nagsalita man lamang. Siguro napakaganda ng panaginip niya? Siguro dahil sa ganda ay matagal pa siyang magigising.
“Kung ano man yang panaginip mo, sana ako ang kasama mo. Alam mo, nanaginip ako... Na sana balang araw ay magpapakasal tayo, magkakaroon ng limang anak. Sa maniwala ka o hindi, gusto kong makaroon tayo ng maraming anak para maipagpatuloy natin ang maganda nating lahi...”
Hindi ko maiwasang matawa sa mga sinasabi ko. At siguro dahil na rin sa tuwa ay napapaluha na rin ako.
“Hindi mo pa siguro alam pero may lupa na akong binili para sa magiging bahay natin. Under construction pa ang magiging bahay natin kaya mananatili muna tayo sa mama mo kapag nagpakasal na tayo. Hindi ko sana sasabihin ito pero sana marinig mo baka sakaling magising ka diyan at kausapin ako...”
Pinahiran ko ang mga luhang lumabas dahil sa kasiyahan na nararamdaman ko. Ang makasama siya ang isa sa pinakamagandang pangyayaring nangyari sa buhay ko. Kapag kasama ko siya, kay bilis dumaan ng oras. Walang pagkakataong hindi ako ngumiti kapag kasama ko siya.
“Isa pa dun, naghanda narin ako para sa kasal natin. May balak ako na sa June gaganapin ang kasal natin para swerte. At tsaka, alam ko namang gusto mo maging June Bride diba? Lalong lalo na kapag ako yung magiging June Groom mo – kung meron man- .May balak pa nga sana akong mag propose nung isang linggo kung... kung...-“
Kung hindi lang sana siya na-aksidente sa daan.
“Sana... kung nandoon lang ako para iligtas ka...”
Ang luhang lumabas ay luha ng kalungkutan. Bakit nga ba wala ako doon para iligtas siya? Bakit ba, sa lahat ng oras, na kung saan masaya na ang lahat ay kailangan na may mawala?
“Sana kung nandito lang ako... Sana kung may kakayahan lang akong protektahan ka... Kung hindi lang talaga ako umalis at iniwan ka... Sana... Sana naprotektahan kita...”
Napatingin ako sa pulang rosas na hawak hawak ko. Basa na ito ng mga luhang nanggaling sa kasiyahan at kalungkutan ko. Ang pangakong hindi sinasadyang napako ay nagbabadya ng katapusan. Napapikit nalang ako. Binabalik balikan ang trahedyang sana hindi nangyari. Ang sasakyan na sa kanya ay papalapit. Ang kamatayan na sa kanya ay nakahawak. Ang kamatayan na hindi sana magtatapos ng lahat...
Napahawak ako sa kanyang kamay habang umiiyak. Pinisil ko ito ng mahina. Ngayon, hawak hawak ko ang oras na tanda ng aming pagmamahalan.
“Diba sabi mo walang iwanan? Pero-“
Naramdaman ko na biglang gumalaw ang kamay niya. Natigilan ako. Agad akong napatayo at tinignan ang mukha niya. Napapansin kong gumagalaw ang mga pilik mata niya. Ang pagmamahalan na inakalang magtatapos ay magsisimula uli. Napaupo ako sa upuan habang hawak hawak ang rosas. Gaya nga ng sabi ko, gusto kong makita niya ako rito sa tabi niya. Pinangako kong hindi ko siya iiwan ng basta basta... Tanging kamatayan lang ang maghihiwalay sa amin...
Napangiti nalang ako.
“Diba nga sabi ko sa iyo walang iwanan-“
Minulat niya ang kanyang mga mata. May naramdaman siyang nakahawak sa kamay niya kani-kanina lang. Napatingin siya sa paligid. Nakikita niya ang puting kurtina na masayang gumagalaw dala na rin ng simoy ng hangin. Pagkatapos, lumingon siya sa kabila. Isang tulo ng luha ang lumbas sa mata niya.
“Pero... pasensiya na at iniwan kita... mahal na mahal kita...” sabi ng isang mahinang boses.
Isang pulang rosas na bagong pitas pa ang nakahimlay sa isang upuan na tila nagbabadya ng pangakong kailanman ay hindi na matutupad pa.