HUGH jumped for the last time. Nang bumagsak ang kanyang katawan sa foam ay hindi na niya tinangkang bumangon pa. Kanina pa siya hingal na hingal dahil sa walang tigil niyang pagpa-practice. Inabot tuloy siya ng hating-gabi.
Pinagmasdan niya ang kalangitan. Magiging kasing tingkad siya ng mga bituin balang araw. Gagawin niya ang lahat. Tatalunin niya ang mahigpit niyang karibal sa larangan ng high jumping na si Shawn.
“Whew! Ang galing!”
Napabangon siya.
“Anong--”
Ang kutong lupa na naman?
Nakangising pumapalakpak si Chammie habang papalapit sa direksiyon niya.
“Ano'ng ginagawa mo rito?” salubong ang kilay na tanong niya.
Hindi ba ito hahanapin ng mga magulang nito? Bilang nag-iisang anak, walang gusto si Chammie na hindi nito nakukuha. Tuloy ay sakit sa ulo niya ang bubwit na ito.
“Relax, nagpaalam ako. Tsaka, 'di ba, ihahatid mo naman ako sa 'min?”
“Bakit, sinabi ko bang puntahan mo 'ko ngayong gabi para perwisyuhin?”
Napanguso ito. “Perwisyo agad? Gusto ko ngang ipakita ang all-out support ko sa'yo, e. Alam kong makakaya mong talunin si Shawn, Hugh. Naniniwala ako sa'yo.”
Nagbuntong-hininga siya.
“Umuwi ka na, Chammie.”
“Kararating ko lang, e!” Sumampa ito sa foam at bigla na lang siyang dinaganan.
“Anong--” Pinigilan niyang magmura.
Itinukod ni Chammie ang siko nito sa dibdib niya at nangalumbaba.
“Alam kong kating-kati ka nang mawala ako sa buhay mo kaya todo ang pagpa-practice mo. Pero pwede ba 'kong humingi ng pabor sa'yo, Hugh? Sana kapag naging champion ka na sa high jump at hindi na tuloy ang arranged marriage natin, hindi mo pa rin ako makalimutan bilang si Chammie na wala nang ginawa kundi guluhin ang buhay mo.”
That sad look in her eyes is undeniable. Hindi siya sanay na ganoon si Chammie. Nakilala niya ito nang minsang iligtas niya ito sa mga gustong k-um-idnap dito. Kahit na lalampa-lampa itong tingnan ay buong tapang itong nanlaban sa tatlong kidnappers na gusto itong bitbitin. Dahil nagkataong siya lang ang nandoon sa park na pinangyarihan ng insidente ay wala na siyang choice kundi harapin nang mag-isa ang tatlo.
“Magkano ang halagang gusto mo para sa pagliligtas sa buhay ko?”
“Sa'yo na 'yang pera mo.”
Hindi siya ganoong klaseng tao. He walked out when he made sure she's safe.