Nagkakilala kami dati sa isang patimpalak. Hindi ko inakala na student council governor siya sa kabilang branch ng paaralan namin. Hindi mo kasi iyon makikita sa pisikal niyang kaanyuan.
Kapag titingnan mo kasi siya, parang napakayabang niya at antipatiko. Hindi mo rin mahahalata na matalino rin ito dahil sa naging score niya sa patimpalak.
"Good luck, Kyla," sabi sa 'kin ni Kyle habang nakangisi. Napansin ko ring humagikgik yung mga kaibigan ko. Kasama ko kasi sila sa silid kasi gusto raw nilang manood.
Nag-aya kasi si Kyle ng rematch sa spelling. Nalaman niya kasi na ikinuwento ko sa mga kaibigan ko na one point lang 'yung nakuha niya noon out of twenty at hindi niya siguro matanggap na mas mataas ako sa kanya.
"Yung pustahan natin, h'wag mong kakalimutan," paalala ko.
Kaya lang naman niya ako napilit sa rematch na 'to ay dahil nalaman niya na may gusto ako kanya. Nakipagpustahan siya sa akin na kapag ako raw ang nanalo, maniniwala siya na wala akong gusto sa kanya at kapag siya naman ang nanalo, aaminin ko yung totoo. At ito naman akong si desperadang huwag malaman ang nararamdaman ko sa kanya, pumayag agad.
"Sure."
Nagsimula na yung quiz bee at ngayon ay napapansin kong kampante siya. Tapos ako, aligaga sa pagsusulat ng mga kakaibang salita.
"Times up. Raise your boards."
Itinaas ko na yung akin at tiningnan ko 'yung sa kanya. Pareho na namang tama yung sagot namin. Nakakainis. Kung gan'to siya katalino, bakit hindi niya ginamit yung utak niya noon?
"H'wag kang masyadong tumitig, matunaw ako." Umiwas ako kaagad ng tingin.
"Mayabang," komento ko.
Lumipas ang isang oras, hindi pa rin nagbabago yung score namin, pantay pa rin. Napilitan tuloy yung quiz master kuno namin, na si Nate, na ibahin yung mechanics.
"Gan'to, dahil walang gustong magpatalo, sasabihin ko yung word at ilalagay niyo yung synonym," bagot niyang sabi. "First word, acquiesce."
Nagmamadali kong isinulat yung sagot ko kahit hindi pabilisan. Pagkatapos ay tiningnan ko si Kyle na nagsusulat pa rin. Bakit ang tagal niya? Pagkasabi ng times up, agad kong tinaas yung board ko at biglang tumili lahat ng tao sa room.
Nagtaka ako kaya tiningnan ko yung board niya at may nakasulat na, Do you like me?. Halos manlaki yung mga mata ko at kinabahan dahil yung sagot ko sa mismong tanong ni Nate, sinasagot din yung nakasulat sa white board ni Kyle.
"Kyla?"
Napatingin ako kay Nate at sa paligid ko. Bigla akong nakaramdam ng panliliit dahil lahat ng mata, sa akin nakatingin. Napansin siguro nila yung pagkabalisa ko kanina. Umiling ako na parang ginigising ko yung sarili ko bago tumayo at tumakbo palabas ng silid.
"Kyla! Sandali!" tawag sa akin ni Kyle pero hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang ako sa pagtakbo.
Bakit ba napunta ako sa sitwasyong ito? Tanga pa naman ako. Hindi na ako nadala sa mga taong kakilala ko na nasasaktan dahil nabulag sila magarbong panunuyo ng mga lalaki sa kanila. Pati ba naman ako gagaya sa kanila? May nararamdaman pa naman ako kay Kyle.
Bigla akong napatigil sa pagtakbo dahil nahawakan ni Kyle yung braso ko. Pumunta siya sa harapan ko kaya yumuko ako. Nahihiya ako sa kanya.
"Kyla, ayos ka lang ba?" tanong ni Kyle.
"Bumalik ka na roon. Natalo ka kaya tanggapin mo na..." Parang nawala yung boses ko kaya hindi ko na naituloy ang gusto kong sabihin.
"Wala kang gusto sa akin?" Maski pagtango hindi ko magawa. "Naiintindihan ko. Alam kong ayaw mong masaktan. Pero, gusto ko lang sabihin na parte ng pagmamahal ang sakit dahil kung wala iyon, hindi mo mararamdaman ang saya."
Pagkasabi niyang iyon ay tiningnan ko yung mga mata niya. Doon ay naramdaman ko ang sinseridad niya. Nginitian niya ako bago magsimulang maglakad palayo sa akin.
"Matagal na noong huli tayong nagkita tapos sasabihin mong gusto mo ako? Paano nangyari iyon?" lakas loob kong tanong kahit may posibilidad na hindi niya na marinig iyon.
"Lagi kong kasama ang mga kaibigan mo 'di ba?"
Parang biglang natuwa yung puso ko nang sumagot siya. Kaso kailangan ko pa ring pigilan yung tuwa ko kasi baka sa huli, ako na naman ang luluha.
"Ano naman?"
"Kapag nagkikita kami, ikaw lagi kong itinatanong kung nasaan ka at bakit ka wala. Hindi ko alam kung bakit kita hinahanap pero dahil sa pagtatanong ko palagi, nahalata ng mga kaibigan mo na may gusto ako sa iyo. Noong una, tinatawanan ko lang sila pero kinalaunan, naisip ko na baka tama nga sila, may gusto na ako sa iyo. Hindi na kasi kita maalis sa isipan ko. Lagi kitang naaalala at laging kulang yung araw ko kasi hindi kita nakikita."
"Ang simple naman ng rason mo na dumarating sa puntong hindi na iyon kapanipaniwala." Pero naniniwala ako at umaasa na totoo iyon.
"Wala akong magagawa kung hindi ka maniniwala. Pero, masaya ako ngayon kasi kahit hindi ka man maniwala, kahit papaano, nasabi ko sa iyo yung nararamdaman ko," sabi niya at lumingon ako.
Nakatalikod na siya at naglalakad na palayo sa akin. Bigla akong nataranta kasi hindi ko alam kung pipigilan ko ba siya o hahayaan na umalis na lang. Sa puntong iyon, naalala ko yung sinabi niya sa akin kanina.
"Kyle!" sigaw ko. Napatigil siya sa paglalakad at lumingon sa akin. Tumakbo ako papunta sa kanya.
"Alam kong may posibilidad na sasaktan mo ako. Natural na bagay iyon kapag nagmamahal..." Hindi ko na natuloy yung sasabihin ko dahil bigla akong niyakap ni Kyle na ikinagulat ko.
"Hindi ako nangagako na hindi kita sasaktan kasi susubukan ko at gagawin ko."
Pagkasabi niyang iyon, bigla siyang lumuhod na ikinagulat ko. Doon ko lang din napansin na napapalibutan na kami ng mga tao at kasama roon sina Nate at ang mga kaibigan.
"Kyla Ramirez, gusto na kita maging nobya pero gusto muna kitang ligawan dahil gusto kong dumaan sa tamang proseso. Papayagan mo ba ako?" tanong niya.
Tumili lahat ng tao sa paligid namin. Tiningnan ko siya sa mata at ngumiti ako. Papalagpasin ko pa ba ito?
"My answer is synonymous to yes."