15: Hindi Pwede

225 5 1
                                    


"Jeff, may aaminin ako sa 'yo."

Napatigil ka sa paglalaro sa cellphone mo at napatingin ka sa akin nang tinawag ko ang pangalan mo. Nagtataka ka siguro kasi tinawag kita sa first name mo at hindi sa karaniwang tawag ko sa 'yo na Jepoy.

"Ano 'yon?" tanong mo.

Mahal kita. Pero bago pa lumabas ang mga katagang iyon sa bibig ko ay napigilan ko na ang sarili ko. Alam ko naman na kahit aminin ko man sa 'yo ang nararamdaman ko, wala namang magbabago. Baka masira pa ang pagkakaibigan nating matagal nating binuo at iningatan.

Sino ba naman kasi ang hindi maiinlove sa 'yo? Gwapo at sikat ka. Pero bukod pa roon ay malambing at maaalahanin ka rin. Madalas mo nga akong bigyan ng sandwhich tuwing break diba? Matagal na rin tayong magkaibigan, simula elementarya pa, tayo na ang magkasama. At sa loob ng mahabang panahon na iyon, napamahal ka sa akin ng higit pa bilang isang kaibigan.

Nakuntento na nga lang ako sa pagtingin-tingin sa 'yo ng palihim. Maswerte na ako kapag inaakbayan mo ako tuwing papauwi tayo o kaya'y sinusundot mo ang tagiliran ko kapag wala kang ginagawa. Minsan nga, dinadasal ko na magkaroon lagi tayo ng assignment sa Math kasi ang ibig sabihin lang no'n ay magpapaturo ka sa akin. At kapag tinuturuan kita, laging magkalapit ang mga mukha natin kasi tinitignan mo ako kung paano mag-solve. At kahit hindi mo intensyon, kinikilig ako. Pinipigilan ko na nga lang ang sarili kong halikan ka.

Masayang-masaya na ako roon Jeff. Kahit na nagmumukha na akong manyak kakasulyap at kakaamoy sa 'yo.

Lagi ko ring nilo-look forward ang uwian. Kasi alam mo ba kung anong ibig sabihin no'n? Sabay tayong maglalakad pauwi dahil magkatabi lang mga bahay natin. Minsan, aakbayan mo ako at kahit amoy pawis ka ay balewala lang sa akin. Masaya lang tayo habang naglalakad. Hindi mo lang alam kung gaano ko ka-gustong hawakan ang kamay mo sa t'wing magkakaroon ako ng pagkakataon.

Minsan, dadaan tayo kay Manong Fishball at lagi mo akong pinagtatawanan kasi ang dungis kong kumain. Lagi mo ngang sinasabing may dumi ako sa labi 'di ba?

Pagsabit naman ng gabi ay sabay tayong dudungaw sa bintana ng mga kwarto natin. Magkukwentuhan at magtatawanan. At kapag napagod na tayo ay sabay na tayong matutulog. Hindi mo lang alam na laging mahimbing ang tulog ko kasi ikaw ang huling kausap ko.

At siyempre, excited ako tuwing sasapit ang araw ng Sabado. Dahil siyempre, kagaya ng nakagawian, magsu-swimming tayo. Nagpapagandahan pa nga tayo ng katawan.

Minsan nga, gusto kong magpanggap na nalulunod para sagipin at i-CPR mo ako. Ano kayang pakiramdam na mahalikan mo?

Pero alam ko namang may hangganan tayong dalawa. Pinakilala mo siya sa akin bilang girlfriend mo. Inaasahan ko naman 'yon pero nasaktan pa rin ako. Ano nga ba ang panama ko sa kanya 'di ba? Ang ganda-ganda at ang sexy niya. Halos umiyak nga ako no'n.

Kung noon, lihim kitang pinagmamasdan. Ngayon, kayong dalawa na ang pasimple kong tinitignan. Ang saya niyo nga e. Hindi mo na rin ako nabibigyan ng sandwhich tuwing break, hindi mo na rin ako sinusundot sa tagiliran at sa kanya ka na rin nagpapaturo ng assignments natin. Hindi ko na tuloy nakikita sa malapitan ang gwapo mong mukha.

Hindi ko na rin nilo-look forward ang uwian. Hindi na rin naman kasi tayo sabay uuwi. Wala nang aakbay sa akin tuwing naglalakad ako. Sinabi ko naman sa 'yo, na kahit amoy pawis ka, ayos lang sa akin. Hindi na rin ako nagkakaroon ng pagkakataong mahawakan ang kamay mo. Sana pala hinawakan ko na 'yan noon. Nagtataka na rin si Manong Fishball kasi hindi na ako bumibili sa kanya. Bakit pa? Hindi naman kita kasama.

Sa pagsapit naman ng gabi, lagi pa rin akong dumudungaw sa bintana. Pero wala ka roon. Minsan naman kahit na naroroon ka sa kwarto mo, lagi mo naman siyang kausap sa cellphone o ka-chat sa facebook. Ngingiti at kakaway ka lang sa akin. At alam mo ba? Hindi na nagiging mahimbing ang tulog ko. Lagi na lang may luhang pumapatak sa mga mata ko.

Hindi na rin ako excited tuwing sasapit ang Sabado. Buong araw lang akong magmumukmok sa kwarto ko. Bakit pa ako mae-excite? Hindi na rin naman tayo magsu-swimming.

Marami na talagang nagbago sa ating dalawa ano? Pero ayos lang, basta masaya ka. Okay lang na ako ang nasasaktan. Mahal kita e.

"Anong aaminin mo sa akin?" ulit mo sa tanong mo.

Ang bilis nang tibok ng puso ko. Alam kong ito ang tama. "Jeff, matagal na tayong matalik na magkaibigan. Mahabang panahon na rin ang pinagsamahan natin at marami na rin tayong napagdaanan. Siguro naman maiintindihan mo ako kung aaminin ko sa iyong. . ." Mas bumilis pa ang tibok ng puso ko. Nakatingin ka lang sa akin at hinihintay ang susunod kong sasabihin. "Jeff, bakla ako," lakas loob kong pag-amin sa 'yo.

Bakas ang pagkagulat sa mukha mo. Para bang hinihintay mong tumawa ako at sabihing nagbibiro lang ako. Pero Jeff, I'm gay and I'm inlove with you.

 

Hindi na kita hinintay na makasagot. Tumakbo na ako palayo. Marami ng nagbago at alam ko, sa pag-amin kong ito. Marami pa ang magbabago.

The AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon