Heto ka na naman. Palapit. Suot-suot ang masigla mong ngiti. Na para bang simple lang ang buhay para sa'yo. Na akala mo hindi ka ilang beses na umatakbo para makatakas sa mga awtoridad.
"Tibs! Kamusta?" nakipag-apir ka sa'kin nang makalapit ka. Normal para sa'tin. Normal para sa'yo, pero nakakailang sa'kin mula nang mapagtanto ko ang nararamdaman ko para sa'yo. "Kamusta kita mo ngayon?"
"Tiba-tiba pardz. Ako pa," pagyayabang ko.
Oo, normal sa'tin ang magyabangan. Dati. Ngunit mula nang nag-iba ang tibok ng puso ko para sa'yo, parang nakikisakay na lang ako sa trip mo.
"Ikaw ba?" tanong ko.
"Doble pa sa'yo. Malupit to eh," ngumiti ka ng nakakaloko. Ako lang yata ang nakakapansin sa kislap ng ngiti mong iyan.
"Weeeee? Sige nga libre mo ko," suhestiyon ko. Ang gusto ko lang naman maging normal ang lahat sa pagitan natin. Ngunit paano ko gagawin ‘yun kung ang simpleng pagdikit ng iyong balat sa akin ay nagdudulot ng kakaibang damdamin? Emosyong masarap damhin ngunit nakakatakot yakapin.
Mahal kita higit pa sa pagkakaibigan. Hindi mo iyon alam dahil ayokong ipaalam sa'yo. Magkaibigan tayo at ayokong masira iyon. Iyon lamang ang koneksyon ko sa'yo, at ayokong mawala iyon.
Pero mahirap pigilin. Mahirap kimkimin. Araw-araw sa tuwing magkasama tayo at nagyayabangan, parang gusto kong ipahinto ang oras upang sabihin sa’yo ng harapan ang damdamin ko. Gusto kitang pagsabihang, itigil mo na ang pakikipaglapit pa sa akin ng husto dahil hulog na hulog na ako sa’yo. At may mga oras na gustong-gusto kong halikan ang iyong mga labi ngunit alam kong mali. Magkaibigan tayo. At ang magkaibigan ay nananatiling magkaibigan habangbuhay.
Ikaw ang pangarap ko. At mananatiling ikaw ang panaginip kong hindi matupad-tupad. Na kahit ganyan ka, ikaw pa rin ang bukod tangi kong hinahangad na makasama magpakailanman.
Kilabot ka, lalo na sa bangketa. Mabilis ang kamay mo pati na ang pagtakbo. Ilang ginto na rin ang nahihila mo makabili lang ng sigarilyo. Ilang makabagong teknolohiya na rin ang dumaan sa mga kamay mo at pinapalitan ng libo-libong pera upang may makain sa araw-araw. Ganyan lang ang buhay natin ngunit nakita ko sa iyo ang langit.
Ako lang ang nakakakilala sa'yo ng lubusan. Sa akin mo isinusuplong lahat ng mga hinaing mo sa buhay. Alam ko na ang kwento ng buhay mo. Alam ko kung gaano mo kamahal ang ina mong may sakit sa baga. Alam kong iyon ang dahilan kung bakit kailangan mong tumakbo at tumakas sa mga awtoridad. Alam kong galit ka sa ama mong walang kwenta. Galit ka dahil ni hindi ka niya nagawang paaralin kahit gustong-gusto mo. Kahit manlang pagtapusin ka ng high school hindi niya nagawa. Pinagtigil ka niya kasi masyado ka na raw tumatalino at masyado mo nang kinukwestiyon ang pagiging ama niya. Lagi niyang pinagdidikdikan sa utak mo na wala kang kakayahang umangat kahit pa anong sikap ang gawin mo. Lagi ka niyang minamaliit, kaya nawalan ka na ng ganang mangarap. Nawalan ka na ng ganang magkaroon ng direksiyon iyang buhay mo. At mas pinili mo ang maging ganito sapagkat sa klase ng hanapbuhay natin, madali ang kumita, kahit na mainit sa mata ng mga pulis.
Gayunpaman, nanatili akong nasa tabi mo. Kahit anong mangyari, hinding-hindi kita iiwan. Kahit pa pinagtatabuyan mo ako noong mga araw na sinaktan ka ni Eloida, ang dati mong katipan. Na sinabi mong siya na ang habangbuhay mo ngunit sa huli, siya rin ang nang-iwan sa'yo.
Pakiramdam mo gumuho ang mundo mo n’un. Galit ka. Nagpakalasing. Pinagtatabuyan ang lahat ng gustong amuhin ka. Gusto mong magpakalunod sa alak, nagbabakasakaling ikamatay mo iyon, nagbabakasakaling matapos na ang sakit na nararamdaman mo. Pero ako ba, alam mo bang mas masakit ang makitang gumuguho ang mundo nang dahil sa iba? Nang dahil sa kanya? Na hindi naman karapat-dapat na pag-aksayahan ng luha. Hindi ka niya mahal, pinglaruan ka lang. Bakit ba ang hirap mong makaintindi? Bakit ba nananating tang aka n’un para sa kanya? Samantalang nandito naman ako sa tabi mo at handa kang samahan hanggang sa pagtanda.
Gusto kitang sumbatan, gusto kong iuntog yang ulo mo sa semento nang maalog na yang utak mo. Gustong-gusto ko nang sabihin sa’yo ang dapat kong sabihin, pero hindi ko kaya. Gayunpaman, pinagbigyana kitang magpakatanga ng isang gabi. Dinamayan kita. Nakipag-inuman rin ako sa’yo. Nagkunyaring lasing para lang maramdaman mong may karamay ka. Pero mas nakakalasing yung bigla mo na lang sinabi n asana nagging kagaya na lang ako ni Eloida. Nakasandal ka sa balikat ko kaya hindi ko nakita ang ekspresyon mo. Hanggang sa narinig ko na lang ang mahina mong paghilik. Lasing ka lang pala.
"Tibs, mamaya, punta kang parke, may sasabihin ako sa'yo," kumindat ka sa'kin. Ewan ko ba pero parang pakiramdam ko isa akong namumukadkad na rosas nang sabihin mo ang mga katagang iyon. Tiningnan kita ngunit sa malayo ka nakatingin. Na para bang may tinatago ka. Na parang isa kang batang may munting sorpresa.
Gusto kong magtanong ngunit nalunod na ang sarili ko kakatitig sa mukha mo. Sa huli, nakita na lang kitang lumalakad palayo. "Mamaya," pahabol mo.
Nabingi ako sa lakas ng tibok ng puso ko. Anong gusto mong sabihin? Bakit kailangan sa parke pa? Bakit hindi na lang ngayon? Bakit parang pakiramdam kong may pinaghahandaan ka? Para ba sa'kin?
Ayoko ng mga sorpresa, alam mo ‘yun, ngunit ito lang ang sorpresang pinagbigyan kita.
Alas kwatro ng hapon nang hinanda ko na ang sarili ko. Sinuot ko ang paborito kong polo na bigay mo. Binagayan ko rin ito ng puting sando sa loob at hinayaang bukas ang mga butones. Sinuot ko rin ang bagong-bago kong maong na kakabili lang sa bangketa. Nagsapatos ng pula at nagsumbrero. Parang may paru-paro sa dibdib ko habang naglalakad papuntang parke. Umaasa ako na sana, sana, sana ito na ang araw na maging iba na ang tingin mo sa'kin.
Sa mga pelikula, nagkakatuluyan ang mga mag-bestfriends. Malalim na ang pagkakakilanlan niyo, eh. Tanggap niyo na ang isa't isa. Kahit anong pang nakakadiring bagay ang meron siya, tanggap mo. Ngunit masaklap ang kwento ko.
Likod mo pa lang, alam kong ikaw na ‘yun. Nakaipit ang buhok mo, kaiba sa normal mong nakatiwangwang lang ang kulot at mayabong mong buhok. Kaiba sa mga normal nating mga araw, nakaakbay ka sa isang babaeng naka-blonde ang buhok. Tumatango-tango pa siya habang parang may sinasabi ka. Nakita ko, naramdaman ko, kapwa kayo masaya. Siguro sabay niyo nang pinangarap ang magkasamang tumanda. Siguro nakikita niyo na ang sarili niyong may mga kasamang bata. Siguro nakikita mo na siyang naglalakad sa altar suot ang puting traje de boda.
Unti-unti, parang nagugunaw ang mundo ko. Dahan-dahang naglakad papalayo ang mga paa ko. Na para bang gusto niyang ilayo ako sa nakikita ko. Unti-unti tumalikod ako sa inyo. Hanggang sa naramdaman kong may butil ng luhang lumalatay sa pisngi ko.
Ang tanga ko. Hangal, dahil ang bilis kong umasa. Hindi pa ako nasanay na hanggang dito lang ako, Kaibigan lang. Takbuhan kapag may problema, kasama sa kasiyahan, sumbungan ng hinanakit sa buhay, at tagapayo sa puso mong sawi.
Kaibigan, yun lang ako sa’yo. Wala nang iba. Dapat nakontento na ako upang hindi na ako masaktan ng ganito. Ngunit ano man ang mangyari, kung ito man ang huli, pakatatandaan mong ikaw lang ang bukod tanging lalaking minahal ko ng tunay. Ikaw lang ang minahal ng kagaya kong pusong-lalaki, na mas kilala ng lahat bilang Iska-Tibo.