Queen Mary College. Ito ang bago kong school. Dito ko piniling mag-aral hindi dahil maganda ang uniform nila. Hindi rin dahil magaling ang mga prof rito o dahil sa maganda ang reputasyon ng school. Wala rin akong pake kahit instalment basis ang bayaran ng tuition, mababa ang tuition, air-conditioned lahat ng rooms, o may maganda silang library at mga facilities.
Isa lang naman ang dahilan ko kung bakit ko napiling mag-enroll dito, at iyon ay walang iba kundi...
“Hello, ako nga pala si James Patrick Mariano—”
“Kuya ilang taon ka na?”
"Kuya ba’t ang gwapo mo?”
“May girlfriend ka na po?”
“Pede ba makuha yung number mo?”
Rinig na rinig ko ang pagkalukot ng isa sa mga blankong pahina ng notebook na nasa ilalim ng kasasara ko lang na kamao. Malalanding linta! Kung magtilian dinaig pa yung mga high school fangirls ni Daniel Padilla!
Ngayon lang ba sila nakakita ng lalaking kasing gwapo ni Patrick—hot, tanned skin; may strong cheek bones na bagay sa medyo square na korte ng mukha niya, dark eyebrows na lalaking-lalaki ang kapal at korte, medyo chinitong mga matang nakakatunaw tumingin, matangos na ilong, pang Colgate commercial na ngiti, at higit sa lahat, thin, kissable lips na nakakatuyo ng lalamunan!
The perk? Ano ba yung sinabi ko? Grabe, nakakasira ng utak si Patrick!
“Class, quiet!”
Sa wakas ay tumahimik na ang room nang magsalita ang terror-looking teacher naming si Miss dela Torre. Paanong terror-looking? Isipin n’yo na lang yung mga matatandang dalagang nakapusod at nakasalamin na nagbabantay sa library. Yon!
“Continue,” utos niya kay Patrick.
“Galing ako sa Batasan Hills National High School. Doon naman sa nagtanong kanina, 17 lang po ako at”—pause for effect—“single”
“KYAAAAAAAAAAAAAA!”
Literal akong nabingi sa sigawan sa loob ng room. Paano ba naman kasi, sa halos tatlumpung tao rito, bente mahigit ang babae, tapos may dalawa pang baklang kanina pang naghahampasan habang inaabangan ang bawat ngiti ni Patrick.
Bwisit. Anong karapatan nilang pagpantasyahan ang Patick my loves ko? Argh!
Si James Patrick Mariano. Siya ang dahilan ko para mag-aral dito.
Galing kami sa parehong school. First year pa lang ako, crush ko na siya. Hindi niya iyon alam kahit lagi lang kaming nasa iisang section. Buti nga at noong junior prom namin, sinabihan ni Miss Reyes ang lahat ng lalaki na isayaw ang mga babae sa klase kaya kahit papaano, nagkaron ako ng chance na makasayaw si Patrick.
Ganoon din ang nangyari noong grad ball last year. Mabuti na lang talaga at wala siyang girlfriend o nililigawan kaya wala siyang date nung mga event na yon.