2: Alaala

476 12 12
                                    

Maingat kong pinihit ang seradora ng apartment mula sa labas upang hindi ko magising ang mga taong mahimbing na natutulog sa loob. Ngunit bigo ako, sapagkat bumungad sa akin ang nakapamewang na nanay ko.

“Angge, anong oras na! Hindi ibig sabihing nasa hustong gulang ka na ay uumagahin ka na ng uwi,” bati ng Mama sa akin. Inabot ko ang kanyang kanang kamay at nagmano.

“Ma! Minsan lang naman pong gumimik, tsaka nagkayayaan lang sa trabaho,” paliwanag ko naman.

“Bakit hindi ba uso ang magtext ha bata ka! Pinagaalala mo kami, sa uli-uli magtext ka o tumawag man lang.”

“Opo Ma,” sagot ko. Akmang papasok na ako sa aking silid ng muli niya akong tinawag.

“Angge, may imbitasyon ka.”At inilahad niya sa aking palad ang isang puting sobre. "Idinaan dito ni Jenna kaninang umaga, sa linggo na daw yan."

Pagkapasok ko sa aking silid ay naupo ako sa paanan ng aking kama at inilabas ang imbitasyong bigay ni Mama. Pinuno ng bango ng scented paper nito, ang paligid. May simpleng disenyo lamang ito sa harap at doon, nakasulat ang isang paanyaya na ako'y dumalo. Nakaimprenta ang oras at pangalan ng simbahang paggaganapan.

Hindi ko namalayan na unti-unti ng umaagos ang mga luha ko sa aking pisngi. Agad ko itong pinunasan gamit ang aking mga kamay at inabot ang isang box sa silong ng kama.

Alam ko hindi ko na dapat ito buksan pa, di ko na dapat balikan pa ang  nakaraan. Ngunit tila may sariling buhay ang aking mga kamay at inilabas ang mga litratong nakatago rito.

Ala-ala ng masasaya at maliligayang araw natin. Mga panahong bawat tingin mo'y makahulugan, at puno ng pagmamahal. Mga panahong ako'y yakap-yakap mo sa iyong bisig.  

"Ang saya natin," yun lang ang nasabi ko sa sarili. Hanggang ngayon ay iniisip ko parin kung ano na nga ba tayo ngayon kung hindi ka natuloy. Tayo parin kaya hanggang ngayon? Ako siguro ang abala sa pamimigay ng imbitasyon nating dalawa. At tiyak akong masaya tayong dalawa na magkapiling.

Tandang-tanda ko pa ang ang nangyari nung araw na sinabi mo sa akin ang iyong pag-alis.  Nasa ikatlong taon tayo nun sa kolehiyo, nakaupo sa ilalim ng mga bituin. Napakacinematic at romantiko ng dating hindi ba. Unan ko ang bisig mo, habang inaantay natin ang meteor shower na sinabi sa telebisyon. Di naman tayo bigo, kasi makaraan pa ang ilang saglit ay nagsimula na ito.

"Ayun oh! Ang ganda grabe. Ayun pa oh. Tara Lance, magwish tayo." Pag-aaya ko sa iyo. Pinikit ko ang aking mga mata at humiling sa mga bituin na sana magtagal pa tayo.

 

"Anong wish mo," may pag-aalangan mong tanong sa akin.

 

"Na sana, tayo na forever and ever," masigla kong sabi. Sumilay sa mga labi mo ang isang mapait na ngiti. Iniisip ko kung may mali ba dun sa sinabi ko.

 

"Bakit? Ayaw mo ba akong maging forever mo," loko ko sa iyo at bumangon. Sumunod ka naman at naupo habang nakatingala sa kalangitan. Ewan ko kung ang mga bulalakaw ba ang tinitignan mo o sadyang may iniisip ka lang.

 

"Sana ganun na lang no. Ikaw ang forever ko, ako ang forever mo." Hindi ko na pinatapos ang sasabihin mo at pinutol ito.

 

"Diretsahin mo na nga ako Lance! Ano bang meron, noong nakaraan ko pa napapansin na may bumabagabag sa'yo. Ano ba yun? Kinakabahan ako."

 

"Naalala mo ba yung plano ni Mama at Papa sa akin nung bata pa ako. Sa tingin ko, matutuloy na iyon," pag-uumpisa mo at nakipagtitigan ka sa akin. Agad ko naman iniwas ang tingin ko at ibinaling sa malayo.

 

"P-paanong? Diba napag-usapan niyo na iyon na hindi ka na matutuloy. Paano ako, paano tayo?"Garalgal kong tanong sa iyo at hindi ko na mapigilang lumuha.

 

"Ito yung kapalit Angela. Ang dasal ko nun, kapag gumaling si Papa ay itutuloy ko ang balak at plano nila," huminga ka ng malalim bago mo sabihin ang mga salitang pinagsisisihan kong marinig ng oras na iyon. "Gumaling ang Papa, Angela. Kaya kahit mabigat ay kailangan kong gawin. Kailangan kitang iwan. " Pahayag mo at doon tila tumigil ang mundo ko.

 

Ang mga pangarap natin para sa hinaharap unti-unting naglaho na parang bula. Matapos ang gabing iyon, akala ko magiging ayos ang lahat kinabukasan. Sasabihin mong pinagtri-tripan mo lang ako. Pero... Nagkamali ako, di ko nakita ni anino mo. Nagdrop ka na daw sa mga subjects mo, at kalat narin sa buong campus ang balak mo.

 

Masakit oo, napakasakit. Ang maiwan ng taong akala ko ay panghabang buhay ko na. Pero mahirap kasing mag-assume e'. Mahirap ang maiwan.

 

Linggo, alas otso ng umaga. Hanggang ngayon ay hindi parin ako makapagdesisyon kung pupunta nga ba ako o hindi. Hindi ko kasi kayang makita ka. Halos sampung taon na ang lumipas at bente otso na ako, pero hanggang ngayon ay ganun parin ang sakit na nadarama ko.

Mag-aalas dose na ng makarating ako sa harap ng simbahan. Oo, natuloy ako sa pagpunta sa araw mo. Nakaputi akong bestida at tinungo ang pintuan ng simbahan. Tila naglalakad ako sa buwan at tila bawat hakbang ko ay ganun din ang lakas ng tibok ng dibdib ko. Baon ang lakas ng loob ay sumilay ako sa may pinto.

Nasa may altar ka, nakaluhod habang binabasbasan ng mga pari. Suot mo ang isang puting-puting damit. Tumayo ka at sabay nun ang pagpapahayag nila na...

"Mga kapatid, ang ating bagong ordinang pari, Rev. Fr. Lance Javier."

At pinuno ang simbahan ng masigabong palakpakan. Isa ka ng ganap na pari, gaya ng nais ng mga magulang mo noong una palang. Iniwan mo ako para tumugon sa tawag Niya. Oo, masakit pero kailangan kong tanggapin na iyan na ang buhay mo.

Nakatayo lamang ako sa isang tabi ng simbahan at malim ang iniisip, di ko namalayan nasa harapan na pala kita ka . Ganoon ka parin nung dati. Halos walang pinagbago.

"Angela, mabuti naman at nakapunta ka," malumanay mong sabi sa akin.

"O-oo naman Lan--," napatigil ako sa aking sasabihin at agad itong binawi. "Oo naman… Father Lance."

The AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon