*Late ka na panget!* *Late ka na panget!*
Napabalikwas ako nang marinig ko ang alarm tone ko. Agad kong kinuha 'yong phone sa ilalim ng unan saka ito pinatay kasabay nang pag-mulat ko ng kaliwang mata ko para tignan ‘yong oras.
"Anak mahuhuli ka na. Tumayo ka na riyan," sigaw ni mama mula sa labas ng kuwarto ko habang kumakatok sa pinto.
"Opo, ma! Maliligo na po," sagot ko naman habang inaayos ‘yong pinag-higaan ko. Pagkatapos ay kinuha ko na ang twalya ko at dumiretso na sa banyo. Paglabas ko, humarap muna ako sa salamin para tignan ‘yong grow, glow, go kong mga maleta sa mata. Napasobra kasi ako sa panonood ng Koreanovela kagabi.
Pasado alas siyete na akong natapos kaya naman nasabon ako ng sermon kay mama. May interview ako ng 10 o’clock sa Maynila ngayon. Isa raw ito sa mga requirements para sa kolehiyong papasukan ko sa susunod na pasukan.
Pagkatapos kong lumamon este kumain, pinaalis na ako ni mama at baka mahuli pa raw ako. Mabuti na lang at pagkarating ko sa kanto, may dumaang jeep kaya nakasakay ako agad.
Susme, antok na antok pa ako. Bakit ba kasi ang ganda noong Fated to Love You, e. Natukso tuloy akong magpuyat kagabi. Pagka-abot ko sa bayad, umidlip muna ako sandali pero noong tumigil ‘yong jeep, nagising din ako. Medyo sinampal ko nang kaunti 'yong pisngi ko para magising ako nang biglang humagalpak ng tawa 'tong katabi ko. Nagsi-tinginan tuloy lahat ng kasakay namin sa kanya.
"E-excuse me po kuya, baliw ka ba?" Hindi ko napigilang itanong. Paano pulang-pula na siya sa kakatawa, e wala namang nakakatawa.
"Sorry ah, miss. Nakakatawa ka kasi, e. Ang cute mong tignan," sabi niya habang pilit na pinipigil 'yung tawa niya. Ano raw? Nakakatawa ako?
"Naka-drugs ka ba, kuya?" iritadong tanong ko. Wala ako sa mood na makipag-biruan lalo na’t puyat ako. Ngumiti naman ito na parang baliw.
"Para po," sabi ko pero bago ako bumaba, inirapan ko siya. Mabuti na lang at nandito na ako, kung hindi baka nasipa ko palabas ng jeep 'yon.
“Miss, Alvin Chua nga pala,” pahabol pa nito bago tuluyang umalis ‘yong jeep.