39: Seenzoned

185 6 0
                                    


SEMESTRAL break ngayon pero ako lang yata ang estudyanteng hindi masaya.

Gusto kong pumasok. Gusto ko siyang makita.

Humilata ako sa kama at taimtimang nakipag-titigan sa kisame. Nagsimula na namang mag-sentimyento ang utak ko, palibhasa gabi.

Siya si kuya Felix, kaibigan ng kuya ko magmula high school. Sobrang sanggang-dikit nila noon na kung minsan ay mas mukha na silang magkapatid kaysa sa amin. Halos hindi na nga rin umuuwi itong si kuya Felix noon sa bahay nila. Ang resulta, nagkaroon ng instant dagdag palamunin si mama. Pero ayos lang naman, dahil nagkaroon din ako ng instant Santa Claus at instant tutor sa math. Ang hindi ko lang naman matanggap noon ay 'yung mas malakas pa siyang kumonsumo ng bigas namin kaysa sa akin.

Lumipas ang panahon at gaya ng istilo ng buhok ng kuya ko, ang ihip ng hangin ay nagbago.

Nang tumuntong ako sa kolehiyo, napansin kong napapa-irap na ako ng mata kapag may umaaligid sa kaniyang ibang babae. Lalo na 'yung magaganda't sexy na ka-year level nila.

Kasabay ng pag-usbong na ito ay siya namang unti-unting paglalaho ng presensiya niya sa bahay namin. Hindi na nagpupunta rito si kuya Felix. Sa eskwela ko na lang siya nakikita at hindi na rin kami masyadong nagpapansinan. Iniisip ko na nga lang na baka abala lang siya, lalo na ngayong magtatapos na siya sa kolehiyo. Gayon pa man, umaasa pa rin akong bibisita ulit siya dito gaya ng dati. Sobrang nakakapanibago lang kasi. Para akong dinikitan ng packing tape sa balat tapos tinanggal bigla sinbilis ng kidlat.

Nakakainis.

Napalingon ako sa laptop ko. Hindi ko akalaing darating ang araw na 'to na mang-i-istalk ako ng profile ng lalake.

Nag-log-in ako sa Facebook at inumpisahan ang aking misyon. Sa pag-titingin-tingin ko, nakahinga naman ako ng maluwag dahil wala akong nakitang In a Relationship sa profile niya. Ang nakapagpa-abnormal lang naman ng paghinga ko ay nang makita kong online siya.

Type. Delete. Nagtatalo ang isip ko kung kakausapin ko siya. Ito ang nakakainis. Hindi ko siya matiis.

Ako: Kuya

The AuditionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon