Promise
"Mamila, Let him rot outside," malamig kong saad nang maabutan ko si Mamila na pabalik sa loob ng bahay at may dalang tray ng pagkain.
"Hija, hindi pa kumakain si Blake." Bakas sa mukha niya ang matinding habag, sinilip niya muli ito sa labas.
Sa hula ko ay tinanggihan na naman niya ang pagkain na binibigay ni Mamila dahil walang bawas ang sandwich at juice na nasa tray.
Umiwas ako ng tingin. "Siya po ang may kasalanan, wala namang nagsabi sa kanya na mag-camping siya sa labas ng bahay natin."
"Margaux, tatlong araw na siya diyan. Tingnan mo nga ang itsura ng boyfriend mo, 'di ka ba naaawa?" Tila ba kinokonsensya pa niya ako.
Huminga ako ng malalim. "Ex-boyfriemd ko na po. Break na kami noong isang araw pa."
Hindi ko na pinansin pa si Mamila, mas minabuti ko na lang na bumalik sa loob ng kuwarto ko kaysa isipin pa si Blake.
Sa loob ng tatlong araw ay nanatili siyang nakatayo sa harapan ng bahay namin, umuuwi lamang siya para maligo tapos ay babalik siyang muli para silipin ako mula sa bintana ng kuwarto ko.
Parang pinipiga ang puso ko sa tuwing sinasabi ni Mamila sa akin ang ginagawa ni Blake pero pinipigilan ko ang sarili ko na makaramdam ng awa.
Kaysa umiyak at mag-drama ay minabuti ko na lang na ilabas ang textbooks at notes ko, exam namin bukas at kailangan kong mag-aral. Umupo ako sa desk at nag-focus sa paggawa ng reviewer.
Eh ano naman kung tatlong araw na siya sa labas? Ano naman kung hindi pa siya kumakain? Ano naman kung kinakagat na siya ng mga insekto? Ano naman kung doon siya natutulog?
Wala na akong pakialam.
Wala rin naman siyang pakialam sa 'kin noong mga panahon na ginago niya ako.
Isang oras na yata akong nakatutok sa reviewer ko nang maisipan kong bumaba para uminom.
Malakas na kontrol sa sarili ang ginawa ko upang h'wag siyang silipin. Alam ko kasi na kapag tinapunan ko siya ng tingin ay mas mananaig na naman ang emosyon ko.
Ayaw ko na. Ayaw ko nang maging marupok kay Blake. Masasayang lang ang determinasyon na inipon ko kung isang sulyap lang sa kanya ay bibigay na naman ako.
Dumiretso ako sa kusina upang uminom. Sakto naman na bumuhos ang malakas na ulan, napahigpit ang hawak ko sa baso.
Gustong-gusto ko nang tumakbo palabas at bigyan siya ng payong. Nababasa kaya siya? Baka magkasakit siya bigla.
Hindi ko na natiis, sinilip ko siya sa labas at natagpuan ko na ganoon pa rin ang pwesto niya. Nakasandal siya sa labas ng sasakyan niya.
Nagtubig ang mga mata ko nang makita ang lagay niya, nakayuko lamang siya at hindi alintana na nababasa na siya ng ulan.
Kusang kumilos ang mga paa ko, kumuha ako ng dalawang payong, para sa kanya at para sa sarili ko.
Dahan-dahan akong lumabas ng bahay. Halos mapayakap ako sa sarili nang umihip ang malamig na hangin. Ang ginaw, hindi kaya siya giniginaw? Basang-basa na ang damit niya.
Unti-unti akong humakbang patungo sa kinaroroonan ni Blake. Nang huminto ako sa harapan niya ay doon lamang niya napansin ang presensya ko.
Itinaas niya ang mukha sa akin. Napasinghap ako nang makita ang mga pasa at galos sa pisngi niya, putok rin ang itaas ng kilay niya maging ang gilid ng mapula niyang labi.
Bumalatay ang awa sa aking mukha, maging ang galit para sa nanakit sa kanya. Sariwa pa ang mga sugat, halatang kanina lang siya binugbog.
Sino ang may gawa sa kanya nito? Nakuyom ko ang kamao, sino'ng nanakit sa kanya?
BINABASA MO ANG
Invading Her Body (THREE KINGS SERIES #1)
General FictionThree Kings Series #1 (Blake Yvo Reifler)