Chapter 40.
Naalimpungatan ako nang maramdaman ang mabigat na bagay na nakapalibot sa aking bewang. Unti-unting kong binuksan ang aking mga mata. Tila nawala ang antok ko nang mabungaran si Yron na mahimbing na natutulog habang nakayakap sa tabi ko. Tinanaw ko ang orasan na nasa may pader, alas-tres palang pala ng madaling araw.
Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa kwarto ko gayong sinigurado ko namang sinusi ko ang pinto bago matulog.
Bumuntong hininga ako saka siya pinagmasdan ng mabuti.
Nung kami pa ay palagi siyang ganito kung matulog, hindi daw kasi siya kumportable kung wala ako sa tabi niya. Aminado naman ako na sa aming dalawa siya ang mas malambing.
Hindi ko maintindihan kung bakit nandito siya ngayon matapos ng mga bagay na sinabi ko sakanya kanina. Kung ako ang nakarinig sa mga nasasakit na salita na ganon ay hinding-hindi ko gagawin ang ginagawa ni Yron ngayon.
Hindi ko alam kung kagaya ko lang ba siyang manhid o sobrang mahal na mahal niya lang talaga ako para hindi sukuan ng basta-basta.
Imbis na itulak ay pinagmasdan ko ang tulog niyang mukha. Salubong ang mga kilay habang gusot ang malambot niyang buhok. Gusto ko siyang gisingin at palabasin pero may kung anong sumisipa sa puso ko upang huwag kong gawin ang bagay na 'yon.
Unti-unti kong hinaplos ang salubong niyang kilay pababa sa matangos niyang ilong, hinaplos sunod ng mga daliri ko ang bahagyang nakaawang niyang mga labi.
Alam kong nakadami sila ng alak nila Luis at siya pa ang pinaka nahuling natapos. Pina-asikaso ko nalang siya kay Tiyang dahil hindi ko kayang ipakita na nag-aalala ako sakanya.
Sa oras na mapagtanto niya na hindi kami para sa isa't-isa bibitaw din siya, darating ang panahon na tatawanan niya nalang ang pinagsamahan namin, na mahihiya siya sa pinapakita niya ngayong pagmamahal sakin.
Alam kong naninibago si Yron sa ugali ko, ako din naman kung minsan ay natatanong kung ako pa ba ang dating Phaedra, o kagaya ni Mama ay lumisan na ang babaeng may malambot na puso.
Gaano man katatag ang isang bakal, kapag linagay mo ito sa napakainit na apoy ay malulusaw at malulusaw parin ito. Kagaya ko, gaano ko man siya kamahal darating din ang panahon na masisimot ako at hihilingin nalang na sana hindi ko nalang siya nakilala.
Kumibot ang labi niya kaya dahan-dahan kong binaba ang kamay ko at sinulit nalang ang mga oras na malaya ko siyang napagmamasdan.
"Hindi ka na masasaktan kung uunahin mong mahalin ang sarili mo." Bulong ko sakanya kahit alam kong hindi niya ako naririnig.
Gaano ko man siya kamahal hindi 'yon sapat para magkabalikan kami. Hindi kailanman magiging sapat ang binubuhos kong pagmamahal sakanya para maging ayos ako.
Masyadong nagdusa ang pamilya ko dahil sakanila. Ayaw ko namang manisi pero sa tuwing iniisip ko kung bakit nasasaktan ang kapatid ko at kung bakit nawala si Mama ay binabalot ako ng galit. Iyon ang nagtutulak sakin na manatili sa kung anong mas nakakabuti ngayon sa amin lalo na sa akin.
Gumalaw siya kaya bahagya akong nabalisa, akala ko ay magigising na siya pero siniksik niya lamang ang kanyang mukha sa aking leeg. Dama ko ang init ng hininga niya habang mahigpit paring nakayakap sakin.
Muli akong nakatulog habang yakap ni Yron. Kinabukasang magising ako ay wala na siya sa tabi ko pero amoy ko parin ang natural niyang amoy.
Naglinis muna ako ng mukha at nagbihis, pagkababa ko ay nakapagluto na sila Tiyang.
"Sinong nagpapasok kay Yron sa kwarto ko, Tiyang?" Mahina kong tanong kay Tiyang Ona nang lapitan ko siya.
Naging mailap ang mga mata niya.
BINABASA MO ANG
Sweetest Pain
RomanceMaynila ay ang lugar ng pag-asa para sa mga tiga probinsiya, iyon palagi ang nasa isip ni Phaedra nang makipag sapalaran siya sa malawak at mataong siyudad para sa pamilya. Bitbit ang pangakong makakapagpadala ng pera para sa inang may sakit sa prob...