CHAPTER 2

842 29 6
                                    

KINABUKASAN, inagahan ko ulit ang pasok ko sa trabaho. Mas mabuti na iyon kaysa ang ma-late na naman ako. Sigurado akong sangkatirbang dada na naman ang aabutin ko mula kay Ma’am Sheila. Kagaya na lamang no’ng nakaraang linggo, isang minuto lang naman ang late ko pero halos isumpa na ako ng matandang babaeng ’yon.

“Good morning, Psyche!”

“Hi Kuya Mao, good morning po!” masigla at nakangiti ring bati ko sa guard na naka-duty sa employees entrance. Matagal na rin itong nagtatrabaho rito sa hotel kaya matagal ko na itong kakilala.

“Ang aga mo ulit ngayon ah?!”

“Opo! Baka po may sumabog na namang bulkan mamaya.” Natatawang pagbibiro ko pa habang nagpa-punch in ako ng ID ko.

Tumawa rin ng pagak si Kuya Mao. “Sinabi mo pa!”

“Sige po, sa locker na ako,” sabi ko pagkatapos ay naglakad na agad ako papasok sa locker area namin. Sakto at naroon na rin si Cj. “Aba! Himala at naunahan mo pa ako ngayon!”

“Ayoko ring makakita ng bulkang sumasabog kaya inagahan ko na,” natatawa ring sabi nito sa akin. “At isa pa, balita ko pupunta raw si Don Felipe ngayon. Siyempre, gusto kong magpa-impress. Baka sakaling ma-promote ako at ako na ang papalit kay Ma’am She. Para naman magbago na ang ambiance ng Bar.” Pabiro pang dagdag nito.

Natawa na lamang ako. “Loka, kapag narinig ka n’on.”

“Who cares?”

Maraming guest ngayon sa hotel, pero dahil nasa Bar station naman kami, wala pang masiyadong trabaho ngayong umaga kaya chill na muna kami, pero aasahan na naming walang tigil na trabaho na naman mamayang tanghali hanggang sa maghapon.

Nang magtatanghali na ay sinabihan naman ako ni Cj na sabay na raw kaming mag-lunch pagkatapos nitong mag-room service sa isang guest namin.

“Bes!” tawag sa akin ni Cj nang makabalik na ito. Nagmamadali pa itong lumapit sa akin.

“Tara na? Kain na tayo at nagugutom na ako,” sabi ko.

“Hinahanap ka ni Don Felipe!” sa halip ay sabi nito sa akin.

Bigla namang sumilay ang ngiti sa mga labi ko. Ewan ko, pero simula no’ng unang araw na makilala ko ang Don Felipe, magaan na kaagad ang loob ko rito. Mabait din kasi ito kaya siguro madaling makagaanan ng loob. Hindi lamang para sa akin, kun’di pati na rin sa ibang mga empleyado rito sa Hotel.

Ang Don Felipe ang tumulong sa akin na makapasok dito sa Hotel niya. Nakilala ko ang Don noon nang minsan ay makita ko itong nasa park malapit sa dati kong pinagtatrabahuan. Masiyadong simpleng tao lang ang Don Felipe kaya nang una ko itong makita, inakala kong simpleng mamamayan lang din ito na naroon lang sa park para magpahinga nang hapong iyon. Nakipagkuwentohan ako, at kahit may edad na ito ay may sense pa ring kausap, palabiro at masayang kausap kaya simula no’ng araw na ’yon... naging magkaibigan kaming dalawa. Lagi na rin itong pumupunta sa park kapag oras ng uwi ko sa trabaho kaya lagi kaming nagkikita roon. Nagkukuwentohan muna kami bago ako umuwi sa bahay na inuupahan ko. Nalaman kong wala na rin pala itong asawa at tanging ang anak na lamang nito na si Sir Vince, ang asawa nito at ang anak ng mag-asawa na si Sir Arwin ang kasama nito sa buhay.

Nang mawalan ako ng trabaho sa bakery, bilang tindera, doon ko lang nalaman na mayaman pala ang Don Felipe. Nalaman kong ito pala ang may-ari ng Casa de Esperanza. Isa ang Hotel na ito na kilala sa buong Pilipinas. Tinulungan ako nitong makapagtrabaho sa Hotel kahit high school lang naman ang natapos ko, kaya labis ang pasasalamat ko sa matanda.

Minsan na rin ako nitong inalok ng tulong para makalipat ako sa mas maganda at kumportableng tirahan, pero dahil nahihiya naman ako, tinanggihan ko iyon. Inalok din ako nito ng scholarship para makapag-aral daw ako sa college, pero hindi ko rin tinanggap. Masiyado ng malaking tulong ang pagbibigay nito ng trabaho sa akin sa Hotel kaya okay na ’yon. Nag-iipon naman ako para makapag-aral ako ng kolehiyo, soon.

BELONGS TO HIM ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon