CHAPTER 31

470 31 0
                                    

MALALIM na buntong-hininga ang pinakawalan ko sa ere nang nasa loob na ako ng kuwarto ni Don Felipe. Nasa tapat din ng dibdib ko ang isang palad ko. Grabe, sobrang lakas ng pagtahip ng aking puso. Para akong hinabol ng aso at takot na takot akong makagat. Medyo pinagpawisan nga rin ako sa noo ko dahil sa mainit na kape na ininom ko kanina. Walang-hiya! Ramdam ko pa rin ang hapdi ng dila ko.

“Are you okay, hija?”

Bigla akong napalingon kay Don Felipe. Hindi ko napansin na gising na pala ito at nakaupo na sa gilid ng kama at parang patayo na rin.

Ngumiti naman ako nang matamis at naglakad palapit dito. “Good morning po.” Bati ko rito.

“Good morning, sweetheart.” Bati rin nito sa akin. “Are you okay? Bakit nagmamadali kang pumasok dito?”

Bahagya akong nagbaba ng mukha. “Okay lang po. Um, nagmadali lang po akong pumunta rito kasi baka... baka po gising na kayo.” Pagdadahilan ko na lang. “Tatayo na po ba kayo?” Tanong ko pa.

“Yeah. Come at samahan mo ako sa garden. Gusto kong magpa-araw.”

Kaagad naman akong tumalima upang alalayan ang Don. Kagaya kahapon, hindi na rin ito gumamit ng wheelchair. Mas gusto na raw nitong maglakad-lakad upang ma-practice ang mga tuhod nito. Mas mainam naman kasi ’yon para makapag-exercise ang mga buto nito.

“Gusto n’yo po bang mag-almusal muna?” Tanong ko nang makalabas na kami sa silid nito.

“Sa gazebo na lang, hija. Sabayan mo ulit ako.”

Nakangiting tumango naman ako.

“How was your sleep last night by the way?”

“’Yong totoo po, hindi po ako nakatulog agad.” Pag-amin ko rito. “Marami pong gumugulo sa isipan ko.”

Bukod sa naging pagtatapat sa akin ni Sir Kidlat kagabi, laman pa rin ng isipan ko ang mga napag-usapan din namin ni Don Felipe kahapon.

Lumingon sa akin ang Don. Sa una ay seryoso ang mukha nito, pero ilang saglit lang ay ngumiti ito sa akin nang matamis at bahagyang tinapik-tapik ang kamay ko na nakapulupot sa braso nito.

Pareho kaming naging tahimik habang magkaagapay na papalabas ng main door. Hanggang sa makarating kami sa gazebo.

“Saglit lang po at maghahanda po ako ng almusal natin.”

“You don’t have too, sweetheart. Hayaan mo ng si—”

“Gusto ko pong ako pa rin ang gumawa ng almusal natin ngayon, Don Felipe.” Agap ko sa iba pa sanang sasabihin nito.

Tinitigan ako nito. Mayamaya ay tumango na lamang ito at ’tsaka ako tumalikod at muling naglakad papasok sa kabahayan. Tinungo ko ang kusina. Nag-aalangan pa akong pumasok doon dahil baka naroon pa rin si Sir Kidlat. Kaya ang ginawa ko, mula sa hamba ng pintuan ay sumilip ako sa loob upang tingnan kung naroon pa siya. Nang makita kong si Natalija na lang ang nadoon, ’tsaka ako pumasok.

“Bakit bigla kang nawala kanina?” Salubong na tanong nito sa akin habang nakakunot ang noo.

Umismid naman ako. “Ano ang gusto mong gawin ko, manatili rito habang nandito rin siya?” Balik na tanong ko.

“Sabi ko naman sa ’yo... tanungin mo siya para—”

“Hayaan mo na lang ako Natalija.” Pinutol ko ang pagsasalita nito.

Nagbuntong-hininga naman ito at tinitigan ako ng seryoso. Akma na sana itong magsasalita ulit, pero inunahan ko na.

“Halika at tulungan mo na lang akong magluto ng almusa para kay Don Felipe,” sabi ko at naglakad palapit sa refregirator upang maghanap doon ng pagkain na ihahanda ko para sa almusal namin ng Don Felipe.

BELONGS TO HIM ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon