CHAPTER 3

697 29 2
                                    

“ARE YOU OKAY, HIJA?”

Napalingon ako kay Don Felipe nang marinig ko ang tanong nito. Hindi agad ako nakapagsalita nang pagkatingin ko ulit sa lalaking nakatayo pa rin sa harapan ko ay mas lalong dumilim ang mukha nito habang nakatingin sa akin.

“A, e, um, o-opo!” nauutal na sabi ko kay Don Felipe at muling sinulyapan ang lalaki. Pero nang magsalubong ang mga mata naming dalawa ay kaagad din akong nagbawi ng tingin at pilit na ngumiti sa Don. “E-excuse lang po Don Felipe,” sabi ko at nagmamadali na akong naglakad palayo kahit medyo nangangatog pa ang mga tuhod ko dahil sa klase ng titig sa akin ng lalaking ’yon.

Bago pa man ako pumasok sa banyo ay nilingon ko ang kinaroroonan ng Don Felipe at ng lalaking kasama nito. Nakaupo na ito sa isang silya habang kausap ng Don.

Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko sa ere ’tsaka tumalikod na at pumasok ng tuluyan sa banyo. Ewan, pero bigla rin akong napangiti nang malapad at napahawak sa tapat ng dibdib ko nang naramdaman kong parang kakaiba ang tibok n’on ngayon.

“Oh, don’t tell me na nagkagusto ka kaagad sa lalaking ’yon, Psyche?” tanong ko sa sarili ko habang nasa harap na ako ng lababo at naghuhugas ng kamay ko. Nang tumingin ako sa malaking salamin, kitang-kita ko ang pamumula ng mga pisngi ko. Oh, holy lordy! Bakit naman namumula ang mukha ko ngayon? Nagka-crush at first sight ba ako sa lalaking ’yon?

Walang-hiya! Napailing na lamang ako at napatutop sa bibig ko.

Crush at first sight nga ata ang nangyari sa akin.

Magtatagal pa sana ako sa banyo para pakalmahin ang sarili ko, pero hindi ko na rin nagawa. Nakakahiya naman kasi kay Don Felipe kung paghihintayin ko pa ito roon. Nang makalabas ako ng banyo, pagkatingin ko sa lamesa namin ng Don, naroon pa rin ang lalaki at parang seryoso ata silang nag-uusap dahil parehong seryoso ang hitsura nila.

Lalapit pa ba ako roon? O, babalik na lang kaya ako sa trabaho ko. Malamang na pagalitan na naman ako ni Ma’am She kapag nahuli na naman ako ng balik.

Muli akong napabuntong-hininga nang malalim. Pero kabastusan din naman kay Don Felipe kung hindi na ako babalik para magpaalam dito. Ano na lamang ang sasabihin nito kapag hindi na ako bumalik sa puwesto namin?!

Sa huli ay wala na rin akong nagawa. Dahan-dahan akong naglakad pabalik sa mesa namin. Ilang hakbang pa man ang layo ko mula sa dalawa ay napalingon naman sa direksyon ko ang tingin ng guwapong nilalang na ito.

Oh, Psyche... nagka-crush ka nga bigla sa kaniya. Hindi ka naman pumupuri sa hitsura ng isang lalaki ng ganoon lang kabilis e!

Habang papalapit ako nang papalapit ay mas lalo ko namang nakikita ang seryoso pa ring hitsura at mga mata ng lalaki. Grabe naman kung makatitig si sir! Kung nakamamatay lang ang matalim niyang tingin, sigurodo kanina pa ako nakahandusay sa sahig.

“Pysche hija, come here at ipapakilala kita sa inaanak ko,” sabi ng Don Felipe nang tumingin din ito sa akin.

Pinilit ko namang ngumiti nang mag-iwas ako ng tingin sa lalaking nakatingin pa rin sa akin.

“Come here, sitdown hija.” Tinapik pa ng Don ang silya na nasa tabi nito.

Wala naman akong nagawa kun’di ang umupo sa tabi nito.

“Hija, he’s Kidlat, inaanak ko. Anak siya ng kumpare kong si Stefano. Remember him? ’Yong kasama ko last time na naglaro ng Golf course?” tanong ng Don.

Pilit na ngiti pa rin ang nakapaskil sa mga labi ko at tumango ako. Anak pala ito ni Sir Stefano.

“Um, o-opo. Naaalala ko po si Sir Stefano.” Sagot ko.

BELONGS TO HIM ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon