BUMUNTONG-HININGA ako nang malalim habang nasa labas pa rin ng bintana ang paningin ko. Tahimik lamang ako simula pa kanina nang makaalis kami sa apartment. At ito namang kasama ko sa loob ng kotse, parang wala atang balak na kausapin ako, parang wala siyang kasama rito at hindi man lang ako sinagot nang magtanong ako kanina.
Ano ba ang problema niya at hindi niya ako kinikibo?
Hello! Hindi naman ako manghuhula para hulaan kung ano ang iniisip niya ngayon at kung ano ang nagawa kong mali para bigla siyang maging ganiyan ngayon sa akin.
Muli akong nagbuntong-hininga nang malalim. Ah, ewan! Naiinis ako ngayon.
Hanggang sa makarating kami sa eskwelahan na sinabi ko kay itay kung saan ko gustong mag-enroll. Magkasama nga kaming dalawa na nagpunta sa registrar upang magtanong kung ano ang mga kailangan kong gawin o ipasa sa kanila para sa enrollment, pero wala pa rin kaming kibuan. Hanggang sa matapos kami sa pakay ko roon at bumalik kami sa kotse niya.
Nang pareho na kaming lulan sa kaniyang sasakyan, hindi niya agad iyon pinaandar, sa halip ay pareho lang kaming tahimik na nakatingin sa unahan.
Ilang saglit na katahimikan ang namayani sa loob ng kotse bago ako nagsalita. Hindi ko na kasi napigilan ang sarili ko.
Nilingon ko siya. “Galit ka ba sa akin?” seryoso at diretsahang tanong ko sa kaniya.
Tumingin din naman siya sa akin. Seryoso pa rin ang mukha niya.
“Tinanong kita kanina kung okay ka lang, pero hindi mo ako sinagot. Tapos kanina pa tayo magkasama pero ayaw mo akong kausapin at—”
“Who is that Joel in your life?” tanong niya dahilan upang maputol ang pagsasalita ko.
Bigla namang nagsalubong ang mga kilay ko at napatitig ako lalo sa kaniya. “Ano?” tanong ko sa kaniya.
“I said who is that Joel? Is he one of your boyfriend, like Ninong Felipe?”
Mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko dahil sa sinabi niya. Hindi rin agad ako nakakibo dahil sa naging tanong niya. Ano raw? Ano ang sinabi niya? Isa si Joel sa mga boyfriend ko? Oh! So kaya siya biglang nanahimik simula kanina kasi iniisip niyang lalaki ko rin si Joel, kagaya sa maling iniisip niya sa akin at kay itay?
Walang-hiya!
Gusto kong tumawa nang pagak dahil sa sinabi niya. Pero mas nanaig ang inis ko sa kaniya dahil doon. God! Pagkatapos niya akong pag-isipan ng masama dahil sa pakikipaglapit ko kay itay, ngayon naman ay pati si Joel idadamay niya!
Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya. Naumid bigla ang dila ko. Basta ang alam ko lang, nakadama na naman ako ng kirot sa puso ko. Mababang klase ng babae nga lang talaga ang tingin niya sa akin.
Hindi pa man kami opsiyal na magkarelasyon pero ganito na ang nangyayari sa amin! Ano na lamang ang sunod na ibibintang o iaakusa niya sa akin kung mag-boyfriend at girlfriend na talaga kami?
Humugot ako nang malalim na paghinga saka iyon pinakawalan ulit sa ere at tiim-bagang akong napalingon sa labas ng bintana nang maramdaman ko ang pag-iinit sa sulok ng aking mga mata.
Sana pala, inilihim ko na lang sa puso ko ang nararamdaman ko para sa kaniya. Hinayaan ko na lang din sana siya na pag-isipan niya ako ng masama tungkol sa amin ng itay. At least, hindi ako masasaktan ng ganito ngayon kahit mababang babae lamang ang tingin niya sa akin, kasi wala naman siyang alam na gusto ko rin siya. Iisipin niyang galit ako sa kaniya dahil sa mga paratang niya sa akin.
“Gusto ko ng umuwi,” wika ko sa kaniya pagkuwa’y mariin kong kinagat ang ibabang labi ko upang pigilan ang mga luhang nagbabanta na sa gilid ng aking mga mata.
BINABASA MO ANG
BELONGS TO HIM ✓
RomansaGiulio 'Kidlat' Ortiz-Navarro & Psyche Goncalves HIM SERIES 1 *** "I believe I was made for loving you." When Psyche meet Kidlat Ortiz-Navarro, ang inaanak ng Don Felipe na siyang tumulong sa kaniya upang makapagtrabaho sa hotel na pag-aari nito, bi...