Friday. Ngayon ko pa naman balak kausapin at ayain si Deane para bukas... kaso wala siya. Nagtataka nga ako kung bakit hindi niya ako sinundo para sabay kaming mag-recess. At ito na naman ang morbid thoughts ko na baka may nangyari nang kakaiba sa kanya.
Kinapalan ko na lang ang mukha ko na magtanong sa isa sa mga kaklase niya pero nang sabihin nitong nasa infirmary siya, lalong tumindi ang kaba ko. Napatakbo ako habang nagdadasal, 'Please! Please Lord, sana okay siya.'
Pagdating ko doon, nakahiga siya sa kama at may nakapatong na ice pack sa ulo niya. Nagising siya agad nang malaman niyang nandoon ako.
AKO: Hinanap kita... hindi mo ako sinundo...
DEANE: (Napatingin sa akin. Nagtakip bigla ng mga mata gamit ang braso niya. No comment)
AKO: Classmate mo ang nagsabi sa akin na nandito ka raw.
DEANE: (No comment ulit)
AKO: Okay ka lang ba?
DEANE: (No comment pa rin)
AKO: May sakit ka ba na dapat kong malaman?
DEANE: (NO COMMENT – BIG LETTERS NA PARA INTENSE)
Ako ang nag-pauso ng 'No comment' sa convo pero ngayon, ginagaya na rin niya! At ito pala feeling kapag hindi ka kinikibo ng kausap mo. Ang gara sa pakiramdam.
AKO: Ano ba, Deane! Kung may malala ka palang sakit at may taning na ang buhay mo, pwedeng sabihin mo na sa akin agad ngayon! Pinapakaba mo ako eh! Bakit ka ba nandito?
DEANE: (No comment)
AKO: (No comment na nga lang rin. Iiyak na ako!)
DEANE: (Tumingin ulit sa akin. At nang mapansin niyang naluluha na ako, napabangon siya bigla) Woah! 'Wag kang iiyak, Yecats! 'Wag kang iiyak!
AKO: (Umiyak lalo)
DEANE: (Nag-panic) Wala akong sakit! Nauntog lang ako sa poste kanina! (Saka niya inabot ang kamay ko para ipahawak 'yung bukol niya sa ulo) See? Dahil sa bukol na 'to kaya hindi ako makalabas. 'Wag ka nang umiyak!
Talagang umurong na ang luha ko dahil noong time na 'yun, naramdaman kong nag-twitch ang kamay ko para mahampas ko siya.
AKO: Bakit hindi mo agad sinabi!
DEANE: Nag-enjoy ako eh. Record breaking ang dami ng mga sinabi mo ngayong araw. (Saka siya natawa ulit)
AKO: Manahimik ka nga! Mukha kang may sungay. (Tukoy ko sa bukol niya)
DEANE: (Nahiya at itinakip ulit ang ice pack sa noo niya.)
AKO: (Natawa na rin)
DEANE: Lunch na. Dapat kumain ka na.
AKO: Wala akong kasabay.
DEANE: 'Yung friendly ghost?
AKO: Bakit kami magsasabay?
DEANE: Eh kasi... (Nag-isip sandali) 'Di ba close na rin kayo? May date nga kayo bukas eh. Ikaw daw ang nag-aya. Buti pa siya, inaaya mo.
AKO: Pati ba naman ikaw? Hindi date 'yun!
DEANE: Eh ano?
AKO: Hindi mo alam kung anong meron bukas?
Hinayaan kong mag-isip si Deane. Kung hindi niya maalala, wala akong balak sabihin. At kung talagang nakalimutan nga niya kung anong meron bukas, magagalit ako. Maiinis ako. Hindi ko na siya friend! Pero joke lang 'yun. At mabuti na lang...
DEANE: August 1! Death Anniversary ni Mel!
AKO: Pupunta ka ba?
DEANE: Oo naman! Pero kung dadalawin natin ang puntod ni Mel, bakit kailangan pang kasama si friendly ghost?
AKO: Kasi crush ni Mel si Kasper.
DEANE: Talaga? Tipong iaalay natin siya, ganun?
AKO: Sira! (At natawa ako)
DEANE: (Natawa na rin. Actually, halakhak pala ang ginawa niya)
Ewan ko pero noong marinig kong tumawa ulit ng ganun si Deane, nakahinga na ako ng maluwag. Kung hindi pa siya nag-untog sa poste at nabukulan, hindi pa siya magbabalik sa normal! At tuloy na talaga ang lakad namin bukas. Excited na akong makita ulit si Mel.