Ngayon pa lang, excited na ang mga makakasama ko para sa lakwatsa namin bukas. Sumama nga sa amin kanina si Ara para planuhin ang mga gagawin namin bukas. Habang busy sila, hindi naman ako mapakali. Paano ko kaya sasabihin na isa sa kanila ang dapat sumundo sa akin? Nahihiya ako!
Para humugot ng lakas ng loob, bibili na lang muna ako ng potato chips. Ito kakampi ko sa mga ganitong panahon eh. Kaso may sumunod pala sa akin.
DEANE: Uy! (Biglang sundot sa baywang ko) Woah! Wala kang kiliti?
AKO: (Umiling)
DEANE: Saan ka may kiliti?
AKO: Bakit ko sasabihin?
DEANE: Malakas ang kiliti ko sa batok. Tsaka sa leeg! Pero nanununtok talaga ako kapag sa kili-kili at baywang kasi doon ang pinakamalakas ang kiliti ko. Ang lakas nga rin dito sa siko ko eh! Lalo na dito sa hita at tuhod! Pati pala sa paa.
AKO: In short, sa buong katawan.
DEANE: (Natawa bigla saka tumango) Nadale mo! (At biglang change topic) Tutuloy ka naman bukas, 'di ba?
AKO: Oo.
DEANE: Eh bakit ang tahimik mo? Makisali ka sa plano!
AKO: Kaya niyo na 'yun. Tsaka bibili ako ng potato chips.
DEANE: Lutang ka? Kanina pa natin inubos 'yung benta nila.
AKO: E'di... ano... Jungle juice na lang.
DEANE: Ay tara! Sama ako.
At sabay na kaming naglakad papunta sa bilihan.
DEANE: Pero wala ka talagang kiliti?
AKO: Wala nga.
DEANE: Imposibleng wala!
AKO: Fine. Meron. Pero secret.
DEANE: Psh! (Natahimik sandali. Tapos biglang...) Sunduin pala kita bukas.
Literal na napatigil ako sa paglalakad para harapin siya. Ano ba talagang topic namin? Ang bipolar naman kasing kausap nitong si Deane! Usapang kiliti tapos napunta sa lakad namin bukas, tapos usapang kiliti ulit at... wait!
AKO: Susunduin mo ako?
DEANE: Oo. Hindi ka ba nakikinig kanina? Sa mall na tayo magkikita-kita. Pero magsasabay pala sina Kasper at Ara kaya para hindi tayo lugi, magsabay na rin tayo!
Ayun naman pala! Solve na agad problema ko! Hindi ko na kailangang sabihin na inaasahan talaga ng mga magulang ko na dapat may magsundo at hatid talaga sa akin!
AKO: Okay. (At dahil wala na akong problema, kumuha ako ng dalawang Jungle juice) Sagot ko na 'to.
DEANE: Ililibre mo ako?
AKO: Oo. 'Wag ka na lang maingay.
DEANE: Nice! (Sabay akbay sa akin) Thanks!
Para akong nakuryente noon. Kasi naman ang tagal niyang nakaakbay sa akin hanggang sa makarating na kami sa harap ng cashier! Nasa balikat pa naman ang kiliti ko!
Para lumayo siya, sinubukan kong sundutin siya sa baywang niya. At totoo pala ang sinabi niya na malakas ang kiliti niya doon dahil akala ko masasapak na niya ako sa mukha.
PS. Naibigay ko na rin kay Deane ang address ng bahay namin. Sabi niya 10 A.M. niya ako susunduin bukas.