Katatapos lang ng seatwork namin sa Trigonometry. Sa dami ng mga estudyante sa front row, ewan ko ba kung bakit ako at si Kasper ang nakita ni Ms. Vivero para utusan na kolektahin ang workbooks ng buong kaklase ko at ihatid ito sa desk niya sa faculty room. Nasa ground floor ito at kailangan pang tumawid sa quadrangle habang tirik ang araw.
KASPER: Nabibigatan ka? Amin na 'yung ibang librong bitbit mo.
AKO: Kaya naman. Ang init lang kasi kaya dalian na lang natin.
Mabuti na lang mas matangkad sa akin si Kasper. Sinadya niyang takpan ang sinag ng araw para makasilong ako sa anino niya. At matapos naming ihatid ang mga workbooks, ganun ulit ang ginawa niya para hindi ako masyadong mainitan.
Pero ipinagdarasal ko talaga na sana humangin. Mabuti na lang at sinagot agad ito ni Lord. 'Yun nga lang, may kasamang alikabok at...
AKO: Aww! (Kamuntikan nang makapagmura) Waaah! Napuwing ako! (Sabay kamot sa mata)
KASPER: 'Wag mong kamutin! Amin na, hihipanin ko.
Humawak si Kasper sa magkabilang pisngi ko para patigilin ako sa paglilikot at ma-steady ang mukha ko. Pagkatapos ay mabilisan niyang hinipan ang napuwing kong mata.
KASPER: Ano? Okay na?
AKO: Teka...
Dahan-dahan akong namulat. Noong umpisa ay medyo malabo pa ang paningin ko pero 'di rin nagtagal ay bumabalik na rin ito sa normal at wala na ring hapdi.
Pero may napansin akong isa pang tao na nakatayo ilang hakbang lang ang layo mula sa amin—si Amanda. Dumirecho na siya sa paglalakad at nilampasan na kami. Sa faculty room din ang tungo niya para yata magpa-consult ng kung ano na may kinalaman sa Student Council.
Wala naman siyang ibang ginawa—pero hindi ko nagustuhan 'yung pasimpleng ngiti niya at panakaw na tingin sa akin.
KASPER: Siya 'yung ex ni Deane na nakaaway mo last year, 'di ba?
AKO: (Tumango)
KASPER: Kaya siguro nakipag-break si Deane sa kanya kasi... (Pa-bitin effect pa sabay mahinang tapik sa likod ko) Mas maganda at mas mabait ka.
AKO: Che!
'Yun na lang ang nasabi ko at bumalik na lang kami sa klase. Ang init na nga, nag-init pa mukha ko dahil sa mga sinabi niya.