1. Naka-set ang alarm ko ng 8:00 pero hindi ito tumunog. 9:30 ako nagising. 10:00 ang usapan namin ni Deane na susunduin niya ako. Patay! Mali-late na ako!
2. Habang nagmamadaling maligo, biglang kumatok si Mama sa pinto. Nandyan na raw si Deane. 9:40 pa lang! Bakit ang aga niya?
3. Tinapos ko na agad ang pagligo pero paglabas ko, bumungad pa rin sa akin si Mama.
MAMA: Sabi mo may itsura lang si Deane. Eh bakit ang pogi 'nun? Hindi siya mukhang bayawak!
AKO: Mama naman. Nagmamadali na ako. Labas ka na, magbibihis na ako.
MAMA: Anong susuotin mo?
AKO: T-shirt, pantalon tsaka rubber shoes.
MAMA: Dyusmio Stacey!
Nasabi ko na bang fashion designer si Mama? Kaya nga hinarang niya ako sa cabinet at siya na ang namili sa susuotin ko.
4. Pagbaba na namin, magkausap na sina Papa at Deane sa living room. Ngayon ko lang nakita na pinagpawisan at kinabahan ng ganito si Deane.
5. Convo ng pamilya ko kasama si Deane:
DEANE: Good morning po.
PAPA: So bakit ikaw lang ang sumundo kay Stacey?
DEANE: Magsasabay na po kasi 'yung dalawa pa naming kasama na sina Kasper at Ara.
PAPA: Apat kayo. Ano ba 'yung dalawa niyong kasama, mag-boyfriend-girlfriend na? Hindi naman siguro double date ito?
AKO: Papa naman!
DEANE: Hindi po, Sir. Barkada bonding lang.
MAMA: Masyado ka namang pormal, Deane. Kahit tito at tita na lang ang itawag mo sa amin!
DEANE: Okay po, tita. Hehe.
MAMA: Matanong ko lang din, wala ka naman bang girlfriend?
AKO: Mama, ano namang kinalaman 'nun?
MAMA: Barkada bonding na may kasamang mga babae. Malay mo may girlfriend pala siya na pwedeng magalit.
DEANE: Wala po akong girlfriend, tita.
MAMA: Nililigawan?
DEANE: Wala rin po.
MAMA: Balak na ligawan?
AKO: Mama, tama na! (Malapit na akong matunaw dahil sa kahihiyan talaga) Aalis na kami. Tara na, Deane!
6. Nakalabas rin kami sa wakas ng bahay. Sa may gate namin nakaparada ang motor ni Deane.
PAPA: Pasasakayin mo sa motor ang unica hija namin?
DEANE: 'Wag po kayong mag-alala, tito. May student license po ako at maingat po akong mag-drive.
7. May ipinasuot na pink helmet sa akin si Deane. Sa Ate Jean (hindi ko alam kung tama ang spelling) daw niya ang helmet na ito. Tapos ay nauna na siyang sumakay at sumunod naman akong naupo sa likuran.
DEANE: Kapit na.
MAMA: Stacey, anak! Sa baywang hindi sa balikat ah! Yumakap—este kumapit kang maigi!
PAPA: Hoy Deane, alam mo nang mangyayari sa 'yo kapag may nangyaring masama sa anak ko. Alas-ocho dapat nandito na siya sa bahay namin.
Bago pa sila may masabing kung anu-ano pa, pinilit ko na si Deane na umalis na kami.