Mainit ang ulo ko. Monday tapos meron pa ako ngayon. Ang sakit pa ng puson ko. Oras-oras kailangan kong magbanyo para hindi matagusan. At kung kailan wala ako sa mood, saka ko pa narinig ang convo na 'to. Tatlong babae sila na pareho kong nabobosesan. Mga dating kaibigan sila ni Mel na iniwan niya noon.
"Naalala niyo si Stacey? 'Yung babaeng hindi nagsasalita na classmate natin last year?"
"Ahh! 'Yung nalipat na second section ngayon!"
"Nakaka-bwiset noh? Ang landi!"
"Pansin ko rin! 'Di ba siya rin ang dahilan ng pagbi-break nila Deane at Amanda?"
"Nanligaw ba talaga sa kanya si Deane?"
"Hindi naman daw!"
"Pero palagi na silang magkasama."
"Malandi nga kasi! Tapos may bago siyang 'friend' kuno."
"Si Kasper? 'Yung nakipagsuntukan?"
"Okay lang sana kung si Kasper at siya na lang. Bagay sila, parehong patapon. Kaso kasama dinamay na rin kasi nila si Deane!"
"Kaya nga hindi ko na crush si Deane dahil ang walang kwenta ng taste niya."
"Bumaba scores niya sa exams noh?"
"Bad influence nga kasi ang Stacey na 'yun."
"No wonder namatay si Melanie noong maging magkaibigan sila. Buti nga sa kanya!"
Sanay naman na ako kung tungkol sa akin ang masamang usapan nila. Pero ngayong dinamay na nila ang mga kaibigan ko, hindi ko na kayang manahimik na lang!
Matapos kong i-flush ang inidoro, sinadya kong hawiin ng malakas ang pinto ng cubicle noong lumabas na ako. Nagulat sila at napaatras lalo nang titigan ko sila ng masama. Gustuhin ko mang gulpihin sila, alam kong lugi ako kaya ibang paraan na lang ang ginawa ko. Pumikit ako at nagdasal ng malakas...
"Mel, sinabi mo sa akin bago ka mamatay na mumultuhin mo ang mga aaway saakin. Itong mga dati mong kaibigan, hindi lang nila ako inaaway ngayon, sinabihan pa nila na walang kwenta raw ang kaibigan nating si Deane at patapon naman ang crush mong si Kasper. At wala rin silang pakialam na namatay ka. Ang sasama nila! Mel, kung naririnig ko ako ngayon, magparamdam ka at multuhin mo sila."
Nang muli akong dumilat, nagtawanan at sinabihan nila ako na ang freak ko raw. Lalapitan na nga nila sana ako at inaasahan ko nang itutulak o pagtutulungan nila ako...
Kaso biglang kumalampag ang isa sa mga pinto ng cubicle sa CR. Tapos may nag-flush ulit ng inidoro at sinundan ng katakot-takot na hagulgol ng isang babae.
Nagsigawan na ang tatlo sa takot at nag-unahan sa pagtakbo. Naiwan naman akong mag-isa. Na-shock din ako. Si Mel nga ba talaga 'yun? Nagpaparamdam nga ba talaga siya?
Hindi ako takot pero ang lakas na ng kabog ng puso ko. Buong tapang akong naglakad para i-check kung ano itong kababalaghang nagaganap.
'Yung unang cubicle, bakante. 'Yung pangalawang cubicle kung saan ako galing kanina, syempre bakante rin. So nasa pangatlong cubicle si Mel—kung si Mel nga ba talaga 'yun.
Paglapit ko, kusa na itong bumukas. Tapos dahan-dahang may lumabas na nakayukong babae. Natatakpan ang mukha niya ng buhok. Putek.
Pero nang iangat na niya ang ulo niya at hinawi ang buhok, nakilala ko kung sino siya. Hindi siya si Mel. Kaklase ko siya! Si Ara Vicencio a.k.a. ang Jukebox Queen ng batch namin.