CONTINUATION...
Akala ko 'yung nangyari kanina sa school, hanggang doon na lang. Hindi ko inasahan na may kasunod pa pala. At mas malala pa.
Gustong mag-movie marathon nina Mama at Papa kaso wala raw silang mapapapak. Nag-prisinta na lang ako na bumili ng kakainin nila sa convenience store na nasa tapat lang ng entrance gate ng subdivision namin. Paraan ko 'yun para makapagmuni-muning mag-isa at makalanghap na rin ng sariwang hangin sa gabi.
Habang mag-isa sa daan, bigla namang nagsimulang umambon. 'Di nagtagal, mas bumuhos pa ang ulan at dahil masyadopa akong malayo sa store, nagpasya akong umuwi na lang ulit sa bahay.
Nang paglingon ko, nagulat naman ako nang makita si Deane. Naka-school uniform pa siya at mukhang kanina pa niya ako sinusundan mula bahay. Tikom lang ang bibig niya. Parehong basa na kami sa ulan.
"Deane..."
"Kaya mo ba ako iniiwasan dahil sa kasunduan niyo ni Amanda?"
Napalunok ako ng hangin nang iyon agad ang itanong niya.
"Oo o hindi lang ang sagot, Stacey."
Kahit kinakabahan, nagsabi naman ako ng totoo, "Oo." At nakita ko ang galit sa mukha niya.
Aalis na sana siya ngunit hindi ko alam kung anong sumanib sa akin para pigilan siya. Nang humingi naman siya ng paliwanag, wala akong maisagot.
"Ano bang tingin mo sa akin, Stacey? Bagay na pwedeng mong ipasa sa iba dahil wala akong halaga?"
"Hindi 'yan totoo. Mahalaga ka sa akin, Deane."
"Bakit pumayag ka? Nagdesisyon ka nang hindi mo man lang iniisip kung anong mararamdaman ko. Sinaktan mo ako!"
"Nasaktan din naman ako!"
"Pero hindi naman dapat dahil tangina, ano bang gagawin ko para maintindihan mo? Ayoko kay Amanda dahil ikaw! Ikaw ang gusto ko!"
Kung alam lang niya kung paano ako parang nabingi nang ipagtapat niya 'yun. Gusto kong ipaulit dahil baka mali lang ako ng pandinig. Pero 'yun talaga mismo ang mga sinabi niya at parang ang hirap paniwalaan.
Si Deane Carrasco, may gusto sa isang tulad ko.
Humingi ako ng tawad. Na hindi ko alam na 'yun pala talaga ang nararamdaman niya ngunit imbes na umaayos ang problema, mas lalo pa niya itong ikinagalit.
"Impossibleng hindi mo alam! Ang tagal ko nang sinasabi. Ang tagal ko nang pinaparamdam. Hindi ka manhid, ayaw mo lang talaga maniwala. At ngayon alam ko na kung bakit. Kaya mo nga ako pinagtutulakan kay Amanda, 'di ba? Kaya wala kang ginawa noong lumayo ako. Kasi kahit anong gawin ko, wala akong pag-asa. Kaya direchuhin mo nang ayaw mo sa akin hindi 'yung pinagmumukha mo pa akong gago!"
Nanliit ako sa mga salita niya. Naiyak na rin dala ng frustration sa sarili at sa sitwasyon. Paano ko sasabihin na mali siya? Sa sobrang galit niya, hindi ako makasingit.
Suko na ako't napaupo na lang sabay takip sa mukha. Hindi rin sa ganitong eksena gusto kong malaman niya na pareho talaga kami ng nararamdaman para sa isa't isa. Hinayaan kong makipagsabayan na lang ang luha ko sa malakas na buhos ng ulan. Humihiling ako na sana matapos na lang 'to.
Hindi ko lang inaasahan na mararamdaman ko pa rin ang kamay ni Deane sa ulo ko. Wala na 'yung galit sa mukha niya, purong lungkot na lang.
"Sorry Stacey. Hindi ko sinasadyang pagsalitaan ka ng ganun. Kapag nagkakaganyan ka, mas nasasaktan ako. Kaya 'wag kang mag-alala, huli na 'to." Saka niya ako niyakap ng mahigpit. Mas mahinahon na rin ang boses niya, ngunit mas masakit naman. "Hindi na kita guguluhin. Hindi mo na rin ako poproblemahin. Kung minahal kita, patawarin mo ako."
'Yun ang huli niyang sinabi bago siya tuluyang umalis.
At hanggang ngayon, nagsisisi ako. Ako ang dapat na nag-sorry dahil mahal ko rin siya. Pero huli na.