Pagdating sa badminton, proud kong masasabi na magaling ako rito. Nilalaro ko na ito simula bata pa lang at partida, 'yung mga matatandang kaibigan ng parents ko ang nakakalaro at natatalo ko. Kaya nga 50% ang saya ko dahil ito ang laro namin sa P.E. ngayon. Pero 50% naman ang lungkot ko dahil alam kong sa isang sulok lang ang bagsak ko.
Halos tanggap ko na nga na hanggang nood na lang ako sa mga kaklase ko. Nananahimik na nga ako, kaso may kumalabit sa kaliwang balikat ko pero nang linungin ko naman, pader lang nasa likod. 'Yun pala, may nanti-trip sa akin at nakatabi na sa bandang kanan ko—si Kasper.
KASPER: May nabibiktima pa pala sa ganun! Hahaha!
AKO: (No comment)
KASPER: Peace tayo ah! Bakit hindi ka nga pala nagpa-practice?
AKO: (No comment)
KASPER: Lowbat ka? May kailangan bang pindutin sa 'yo para magsalita ka?
AKO: (No comment pa rin)
KASPER: Tara, laro tayo! May bakante na doon oh!
AKO: (No comment forever)
KASPER: Isusumbong kita kay Sir Cruz, sabihin ko hindi ka nagpa-participate.
Napatayo ako ng wala sa oras at halos madapa na sa pagtakbo dahil sa pagsunod ko sa kanya. Tinawanan niya nga lang ako at hindi pa man ako pumapayag na makipaglaro sa kanya...
KASPER: First to score 20, wins! Ang matalo, manlilibre! Game!
20-1 ang ending score ng laro namin. Ako 'yung 20 at 'yung 1 point ay iniregalo ko na lang sa kanya. Sa akin napunta ang huling halakhak... pero huli na rin nang mapansin kong nasa akin din ang atensyon ng buong klase namin. Palakpakan sila sa galing ko habang kinakantyawan ang natalong si Kasper.