Usapang proposal pa rin. Aligaga ang buong grupo ng dating mga kabarkada ni Kasper na sina Eliseo. Usap-usapan lalo na ng mga classmates kong kababaihan na may balak daw na mag-propose ang isa sa kanila dahil sa mga roses at banner na pilit nilang itinatago.
Matapos ang isang subject namin at habang wala pa ang susunod na teacher, nakahanap rin sa wakas ang grupo nila ng pagkakataon. Si Eliseo ang tumayo na may hawak ng bouquet. Parang boy band naman ang mga kaibigan niya sa gilid na kumakanta ng isang One Direction song.
Inaabangan na ng lahat kung sino nga ba talaga ang napupusuan nitong si Eliseo... at laking pagkawindang namin nang lumapit siya sa akin at ilahad sa mukha ko 'yung bulaklak na hawak niya.
Sabay-sabay na napatayo sina Ara, Mina at Rose. Halos matumba naman sa kinauupuan niya si Kasper. Napanganga naman ako at ilang beses na kurap lang ng mata ang nagawa.
ARA: Ka—kay Stacey ka ba nagpo-propose?
ELISEO: Hindi pa ba obvious?
MINA: Hoy Eliseo! Kung ano man 'yang binabakak mo—
ELISEO: Siya ang gusto kong maka-date! Bakit ba umi-epal kayo?
ROSE: Ikaw kaya ang epal! Si Stacey ay para na kay Deane!
ELISEO: Bakit nag-propose na ba siya?
Sa tanong na iyon, buong klase ang tumingin sa akin para alamin ang sagot.
AKO: Hindi. Pero—
Hindi pa nga tapos ang sasabihin ko, sumenyas na si Eliseo sa mga kaibigan niya upang ibalandra na ang banner na may nakasulat na, 'Will you be my prom date, Stacey Esteves?' Tapos sumabay na rin siya sa pagkanta kaso sintunado naman.
ELISEO: Stacey, alam ng lahat na hindi kita napapansin noon. Pero noong makita kita na inayusan nila sa last day ng Foundation Week, tinamaan talaga ako sa'yo eh.
ARA, MINA & ROSE: (Kunwaring nagsuka-sukaan)
ELISEO: Hindi ko kayang tapatan ang ginawa ni Deane sa Battle of the Bands pero sana mabigyan mo ako ng chance. Crush na talaga kita! Please be my prom date!
Tinginan ulit ang lahat sa akin. Naghihintay sila ng reaksyon ko. May narinig pa ako, pinagpupustahan kung tatakbuhan ko rin daw ba ang confession-slash-proposal na ito gaya ng ginawa ko noon kay Liam. Mga sira ulo!
Pero syempre, hindi naman na ako gaya ng dati. Kahit hindi pa rin ako makapaniwala, hinarap ko si Eliseo, huminga ng malalim at saka ko siya kinausap.
AKO: Thank you, Eliseo... pero sorry. Hindi nga nag-propose sa akin si Deane pero ako naman ang nag-aya sa kanya kahapon lang.
BUONG KLASE: (Sabay-sabay na nagulat) ANO??? Ikaw ang nag-propose kay Deane?
AKO: (Tumango) Oo. Siya na ang ka-date ko sa prom.
ELISEO: (Natulala sabay napaluhod na lang)
ARA, MINA & ROSE: (Nang-asar pa ang mga lukaret) Boom basted!
Si Kasper na kanina pa ring speechless ang siyang unang lumapit sa dati niyang kabarkada upang damayan naman ito.
KASPER: Ganyan talaga, Seo. Taken na ang puso ng Stacey namin. Makakahanap ka rin ng iba.
Parang pinagsakluban ng langit ang mukha ni Eliseo at nanlulumo na lang itong nag-walkout palabas ng room namin.
Samantala, pumalibot na ulit sa akin ang mga kaibigan ko pati ang ilang mga classmates ko na gustong maki-usyoso.
ARA: Ang haba ng hair mo, Stacey!
AKO: Pixie haircut kaya 'to.
MINA: Biruin mo, ang invisible noon, apple of the eye na ng mga boys ngayon!
AKO: Boys talaga? With S?
ROSE: Ano kayang sasabihin ni Deane kapag nalaman niyang may ibang nag-propose sa'yo?
AKO: Huh? Bakit niyo pa ikukwento sa kanya?
KASPER: Teka, speaking of pards...
Hindi rin nila pinalampas na alamin ang kwento tungkol sa naganap na reverse-proposal. Hay, grabe na talaga ang epekto ng event na ito sa lahat. Hindi na ako makapaghintay na mag-prom para matapos na rin 'to.