Papalubog na ang haring araw kaya naghahalo ang kulay kahel at asul na para bang masaya sila na ipinagkaisa ng maykapal. Kalinawagan ang hatid n'on kasabay nang mapayapang simoy ng hangin kasalungat ng mga pusong sugatan sa pagpanaw ng isang minamahal.
Kaya pala nilikha ng Panginoon ang mga kulay dahil kawangis ito ng tao. Katulad ng kulay na nasa iba't ibang klase, kagaya rin ng tao na may iba't ibang pananaw, paninindigan at paniniwala. Kagaya ng magkaibang kulay na pwedeng ihalo at ipagsama upang magbigay ng labis na kagandahan ay gan'on din ang mga tao magkakaiba man subalit may pagkakataon pa ring mapag-iisa at magsilbing ilaw sa panahon na makulimlim.
Naghalo ang kulay itim at puti sa paligid, ang mga lobo ay tuluyan nang tinangay ng hangin, ang mga bulaklak ay tuluyan nang nagpahinga at ang naghihingalong Mateo ay makakaranas na nang kaginhawaan sa kabilang buhay. Naramdaman kong humigpit ang hawak ni Rein sa kamay ko, pasimple ko siyang binalingan dahil d'on. Tutok na tutok naman ito sa puting kabaong na unti-unting binababa.
Sa ilang oras naming naririto ay hindi ko siya nakitaan ng luha, hindi siya tumangis pero ang mga mata niya ay naging blanko, na para bang nawalan siya ng emosyon sa pagkakataong ito.
"Daddy, aren't we going home? I'm a little tired." Narinig ko ang mahinang tanong na nanggaling kay Chloe. Karga siya ni Lawrence dahil ayaw tumayo, kanina pa raw siya pagod mula pa sa bahay ng mga Lorenzo.
" Saglit na lang ito, Chloe. You have to patiently wait. This is a burial, and it's not proper to ask that question." Lumapit ako nang bahagya para ibulong sakanya ang mga iyon dahil nakakahiya't pinalilibutan kami ng mga Lorenzo at ganito ang mga usapan namin.
Ngumuso siya at kahit pagod na pagod na ay naghintay pa rin siya. Hindi ako nagdala ng sasakyan ngayong araw dahil nag-leave si Lawrence para makasama. Kumukonti na ang mga nakiramay kaya nagpasya na ring lumisan ang lahat. Nakatulog na si Chloe habang nakayakap kay Lawrence, si Rein naman ay na kay Mei na. Bitbit ko ang maliit na bag ng aking anak at ang hand bag ko habang binabaybay namang ang konkretong daanan pababa.
Kagustuhan ni Mateo ang ilibing nang hapon, gusto niya bago pa man siya ibaon sa lupa ay nag-aagaw buhay ang kalangitan. Hindi ko alam kung bakit pero natanto kong mapayapa nga iyon.
May nag-aabang na puting van sa paanan ng lugar, iyon yata ang service nila Mae pabalik sa mga Lorenzo. Hinarap kami ng Mama ni Mateo nang tuluyan nang nakababa.
"Maraming salamat sa pagdalo at pag-aalaga sa apo ko." Nakangiting sinabi ng mama ni Mateo. Ngumiti ako kahit na alanganin ang sitwasyon.
"Walang anuman po, para ko na rin pong anak si Rein. Hindi naman po siya mahirap alagaan, tita." Sagot ko saka ko sinulyapan si Rein na nanatiling tahimik sa harap ng tiyahin. Mulapit naman si Mae at yumakap sa akin.
"Thank you very much, babawi ako pagbalik namin sa bayan. Nagpaalam na ako sa teacher ni Rein, isang linggo lang, dito muna kami kasama ang lola niya." Tumango ako sa sinabi ni Mae. Magandang pagkakataon iyon para kay Rein at sa Lola niya.
Hindi ko pa siya nakakausap patungkol sa nararamdaman niya.
"Auntie, hindi ko po nasabi pero nakiramay po si Dok Estrevillo." Bumaling siya sa Mama ni Mateo bago nilingon ang likuran. Hindi ako nakagalaw dahil naestatwa ako sa kinatatayuan ko at nag-ugat yata ang mga paa ko sa kongkreto.
![](https://img.wattpad.com/cover/182464658-288-k59827.jpg)
BINABASA MO ANG
Mistakes Of Yesterday (COMPLETED)
RomanceSimple lang ang gustong makuha ni Guinevere, iyon ay ang atensyon at pagmamahal ng kanyang mga magulang. Simula't sapul wala na itong nakukuhang sapat na atensyon, laging kulang at laging taumbayan ang pinaglilingkuran. Nagsimula siyang maghiganti...