Chapter 71. Peppa Pig

7.6K 165 27
                                    

RYAN'S POV

KOMPORTABLE akong nakaupo sa malambot na couch, nakasandal ang likod, nakade-kwarto ang mga binti habang nakatanaw sa malakas na pagbuhos ng ulan sa labas. Glass wall ang disenyo ng modern bedroom na 'to kaya tanaw ko ang paligid sa labas, pati na rin ang ulan at pagsayaw ng mga dahon sa puno at halaman na nasa garden.

"Gusto kang makilala ni Reina, anak ni Mr. Zach Chavenia. Subukan mo munang makipagkita sa kan'ya. Dahil kung ako ang tatanungin, mas okay si Reina kaysa sa anak ni Clifford na si Xena."

Nasa tabi ko si lolo at kung sinu-sino ang binabanggit niya sa 'kin na mga babaeng anak daw ng mga kaibigan niyang businessman. Bukod sa dalawang binanggit niya na si Reina at Xena, may folder pa siyang ibinigay sa 'kin kanina. Naroon ang profile ng mga babaeng makakaharap dapat ni Ace—Kuya Ace sa blind date kung hindi lang nila natuklasan na buhay si Keycee. At dahil nga taken na ulit siya, ako naman ang isasalang ni Lolo sa lecheng blind date na 'to. Kailangan ko silang siputin at ako na raw ang bahalang mamili.

Pero hindi ako kumibo kay Lolo. Nakatulala pa rin ako dahil hindi maalis sa isip ko 'yong araw na nakita ko si Ryza. 'Yon ang araw na sabay dapat kaming papasok ni Keycee pero pinauna ako ni Ace dahil masama raw ang pakiramdam ng mahal niyang asawa. At dahil hindi pumasok si Keycee noon, maaga akong nakabiyahe pauwi.

"Gusto ko kapag naka-graduate ka na sa college, mayroon ka na agad napili para pakasalan. Ikaw na lang ang inaasahan ko na tutulong sa 'kin sa management dahil ang pinsan mo na si Ace, kahit na ano'ng pilit ang gawin ko para tumulong sa kompanya—ayaw n'ya. He's not into business. Mas gusto n'yang magturo."

Bandang alas siete ng gabi noong naisipan kong huminto muna sa isang convenience store para bumili ng maiinom. Pero paglabas ko sa pintuang salamin ng convenience store, natanaw ko agad si Ryza. Mabilis siyang tumatakbo, nakapaa at marumi ang damit na para bang ilang beses na itong nadapa. At 'yong takbo pa niya . . . para bang may humahabol sa kaniya.

"Mas okay sa mga board members kung malalaman nilang may asawa ka na. Mas makukumbinsi ko sila na responsable ka. Pero syempre, kailangan mo munang ma-train bago kita ilagay sa mas mataas na posisyon."

Agad akong sumakay noon sa kotse at sinubukan ko siyang sundan. Kaso, noong malapit ko na siyang matapatan ay biglang may huminto na sasakyan sa harap niya, kulay puti. May lalaki na lumabas do'n at agad siyang nagtangka na tumakbo ulit pero kusa siyang natigilan nang magsalita 'yong lalaki. Pagbuka lang ng bibig nito ang nakita ko, hindi ko narinig kung ano'ng sinabi ng lalaki sa kaniya dahil nasa loob ako ng sasakyan. Dahan-dahang humakbang palapit sa kaniya ang lalaking 'yon na sa tingin ko ay nasa mid-thirties ang edad.

"Kung sakaling hindi mo magugustuhan si Reina, mayroon pa 'kong isang choices. Si Wynter, bunso ni Mr. Ed Juarez. Sa tingin ko magka-edad lang kayo."

Umiiyak si Ryza noong magkaharap na sila ng lalaki. Sunud-sunod ang pag-iling niya sa mga sinasabi nito na hindi ko naman alam kung ano. Ilang sandali ang lumipas ay kusa siyang sumama rito at sumakay sa loob ng sasakyan.

Simula noon ay hindi ko na makalimutan ang eksenang 'yon. Para kasing may mali. Bakit noong una ay parang gusto niyang takbuhan 'yong lalaki? Tapos bandang huli sumama naman siya.

"What do you think?" tanong ni lolo. This time napatingin na ako sa kaniya at wala sa sariling tumango na lang para matapos na ang usapan. Ayoko pang mag-asawa, pero susundin ko siya sa gusto niya na blind date. 'Yon nga lang, hindi ko maipangangako na magiging successful 'yon. "Kung gano'n, simulan mo na bukas pagkatapos ng klase mo sa hapon." Tanging pagtango lang ulit ang isinagot ko bago siya nagpaalam at lumabas sa kwarto ko.

MY STRICT TEACHER IS MY HUSBAND (Self-Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon