KEYCEE's POV
Kahit gabi na ay inaya ko pa rin si Ace para puntahan si mama sa bahay namin. Hindi kasi siya umuwi sa mansyon dahil baka raw tanungin siya ni lola kung ano'ng nangyari sa kaniya. Iyak kasi siya nang iyak.
Nagbaon na rin kami ng ilang pirasong damit, uniforms at iba pang gamit na kailangan namin dahil doon na muna kami pansamantala ni Ace hangga't naroon din si mama.
May susi si Ace ng gate namin kaya noong dumating kami ay hindi na namin pa kinailangan tawagan si mama para buksan 'yon. Agad kaming nakapasok sa loob at naabutan ko si mama sa sala, tahimik na siya pero mugtung-mugto ang mga mata.
"Ma..." Agad ko siyang nilapitan, tumabi ako sa kaniya at yumakap. Nagsimula na naman siyang umiyak. Kahit ako, hindi ko rin napigilan ang emosyon at pagbangon ng galit sa puso ko. "Ano po'ng nangyari? Saan n'yo nalaman 'yon?" Hindi agad nakasagot si mama sa tanong ko. Hinintay ko pa muna siyang tumahan para makapag-usap kami nang maayos.
Nakita ko naman sa gilid ng mga mata ko si Ace, bitbit niya ang mga gamit namin at siya na ang nagdala no'n sa kwarto.
Noong kalmado na si mama ay saka pa lang siya bumitaw sa 'kin at nagpunas ng luha. Nakatingin naman ako sa kaniya at hinihintay siyang magsalita.
FLASHBACK
THIRD PERSON's POV
Nakagayak na si Stephanie noong lumabas siya sa kaniyang silid. Bitbit ang clutch bag ay dumiretso siyang bumaba sa hagdan at iginala ang paningin upang hanapin si Carlo. Nag-text kasi ito sa kaniya at sinabing kararating lamang nito sa mansyon.
Kahit papaano kasi ay nakumbinsi na niya ang sarili na bigyan ito ng pagkakataon dahil nakikita naman niya kung gaano ito kaseryoso sa nararamdaman. Dahil noon pa man at hanggang ngayon ay hindi pa rin nawawala sa mga mata nito ang paghanga at pagmamahal sa kaniya sa tuwing magtatama ang kanilang mga mata. Ramdam din ni Stephanie na totoo ang palaging sinasabi nito sa kaniya na siya lamang ang kaya nitong mahalin at wala ng iba.
Iginala niya ang paningin sa loob ng mansyon at nang hindi niya ito nakita ay kinuha niya ang cell phone sa loob ng kaniyang clutch bag para tawagan na lamang ito. Ngunit nagsalubong ang kaniyang kilay dahil number busy ang kabilang linya.
Ibinalik na niyang muli ang cell phone sa pinagkuhanan at nagdesisyong lumabas ng mansyon sa pagbabaka-sakaling naroon lang ito. At hindi nga siya nagkamali dahil naghihintay ito sa tabi ng mataas at maluwang na pinto, ang main door. Hawak nito ang cell phone at mabilis na nagta-type sa screen. Nakatalikod ito sa kaniya kaya hindi nito namalayan ang kaniyang paglapit.
"Carlo?" Bahagya itong nagulat sa pagtawag niya, dahilan din nang muntikang pagkalaglag ng hawak nitong cell phone.
"Steph...you're gorgeous as ever..." nakangiti nitong sabi matapos isuksok ang cell phone sa likurang bulsa. "Let's go. They're waiting for us." Hindi na siya nito hinintay makasagot dahil agad nitong inabot ang bakanteng kamay niya para akayin papunta sa sarili nitong sasakyan.
Pero habang humahakbang ang kanilang mga paa, hindi niya naiwasang sulyapan ang cell phone nito sa bulsa. Nagtataka rin si Stephanie sa naging reaksyon nito kanina dahil bukod sa pagkagulat ay bakas din sa mukha nito ang kaba.
"Carlo, wait." Binawi niya ang kamay mula sa pagkakahawak nito, dahilan din para mapahinto sila pareho. "Sino 'yong ka-text mo kanina?" Hindi niya napigilan ang sarili na magtanong kahit na hindi siya sigurado kung makakakuha ba siya ng sagot mula rito.
"It's about business, Stephanie. Nothing important." Matagal silang nagtitigan matapos nitong sumagot. Hindi man kumbinsido si Stephanie ay napilitan na lamang siyang tumango. Totoo man 'yon o hindi, ayaw na niyang magtanong pa.
***
Sa isang kilalang restaurant siya dinala ni Carlo kung saan din naghihintay ang mga magulang nito sa kanila. Kung tutuusin ay hindi naman ito ang unang pagkakataon na makakaharap niya ang mga ito dahil noon lamang nakaraang buwan, noong nasa condo siya ni Carlo ay bumisita rin ito sa kanila upang pag-usapan ang nalalapit na kasal.
Pagpasok nila sa loob ng restaurant ay mayroon agad staff na nag-assist sa kanila. Inihatid sila nito sa VIP room na kadalasan din inookupa ng mga sikat na celebrity o di kaya'y mga kilalang tao na gusto ng privacy. "Mom and dad are waiting outside. Mauna ka na muna."
"Saan ka pupunta?" takang tanong ni Stephanie noong nasa tapat na sila ng pinto ng VIP room. Bahagya na ring nakalayo ang staff na naghatid sa kanila.
"May kailangan lang akong tawagan. Susunod agad ako." Pinatong pa nito ang kamay sa ulo niya at hinaplos 'yon pababa. "Sige na. Pasok ka na." Hindi ito umalis hangga't hindi siya nakakapasok sa loob kaya sumunod na lamang siya.
At naabutan naman niya roon si Mr & Mrs Vivar—mga magulang ni Carlo. Nakapuwesto na sila sa malaki at magarang mesa na pabilog at mayroon na rin nakahain na iba't-ibang klase ng masasarap na pagkaing sa tingin ni Stephanie ay hindi lamang pang-apat na tao.
Malapad ang ngiti ng mga ito sa kaniya kaya agad siyang lumapit at bumati sa dalawa. "Good evening po." Pero agad din napawi ang ngiti ng matandang babae at napalitan 'yon ng pagtataka.
"Where's Carlo?" tanong nito sa kaniya. Sumenyas naman ang matandang lalaki sa isang upuan para paupuin siya ro'n ngunit ang clutch bag niya lamang ang ipinuwesto roon.
"Nasa labas po. Sandali po at tatawagin ko." Dali-dali siyang lumabas sa VIP room at agad iginala ang paningin upang hanapin ang kaniyang mapapangasawa, ilang linggo na lamang ang nalalabi. Ngunit bigo siyang makita ito kaya napilitan siyang ihakbang ang mga paa upang libutin ang kabuuan ng restaurant.
At hindi pa man siya tuluyang nakakalayo nang agad niya itong nabosesan. Noong lumingon siya sa gawing kanan ay nakita niya ito roon, may kausap na isang lalaki at tila nagtatalo ang dalawa.
Medyo malayo siya sa mga ito kaya kinailangan niya pang lumapit at ikubli ang sarili sa isang mataas at malagong halaman na ginawang dekorasyon sa loob ng restaurant at malapit lamang sa kinatatayuan ng mga ito. Sapat din ang distansya niya para marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.
"Dalawang milyon ang kailangan ko." Hindi pamilyar kay Stephanie ang lalaking kaharap ni Carlo. Mukha rin itong mas matanda nang bahagya kaysa rito.
"Nakalimutan mo na ba'ng matagal nang bayad ang serbisyo mo? Wala na 'kong utang sa'yo."
Bahagyang natawa ang lalaki sa naging sagot nito. "Ginto nga tumataas, serbisyo ko pa kaya? O mas gusto mo na lang na kay Stephanie Tan ako lumapit at humingi ng pera kapalit ng katotohanan sa pagkamatay ng asawa niya?"
Tila nanghina ang buong katawan ni Stephanie nang marinig ang sinabi ng lalaki. Ramdam niya ang panginginig ng tuhod at panlalamig ng mga palad habang si Carlo naman ay hawak na ngayon ang kuwelyo ng lalaking kaharap. "Subukan mong makialam...hindi ako magdadalawang isip na patahimikan ka."
"H'wag mo 'kong yabangan, Carlo Vivar. Dahil kahit gaano pa kalakas ang impluwensya mo, kayang-kaya kong pabagsakin ang pangalan mo. Hindi ako matatakot ipaalam sa buong mundo na ikaw ang nagpapatay sa asawa ng nag-iisang anak ni Marlette Tan."
Daig pa ni Stephanie ang binuhusan ng malamig na tubig sa kinatatayuan. Hindi niya magawang kumilos at parang may kung ano'ng sasabog sa kaniyang dibdib ano man'g oras.
Siya... a-ang nagpapatay sa asawa ko?
BINABASA MO ANG
MY STRICT TEACHER IS MY HUSBAND (Self-Published)
Novela JuvenilHighest rankings: #1 Plottwist, #1 College, #2 loveaftermarriage, #3 teenromance Keycee Dela Vega, a cheerful student who secretly married her strict, math teacher-Ace Lee. Though not academically gifted, Keycee has a bright and compassionate person...