Chapter 1

42 3 1
                                    

“Unahin mo muna ang enrollment form, ah, bago ka pumunta sa computer shop.”

Iyon kaagad ang sinabi ni Mama sa akin habang inaayos nang mabuti ang suot kong jumper at t-shirt na white. Siyempre, may sapaw rin ako na cycling shorts para raw komportable ang pag-upo ko at hindi makita ang panty ko. Ito rin ang one of the changes ko simula noong nagdalaga ako. Dati, hindi naman big deal sa akin na walang sapaw na shorts. Pero ngayon, hindi yata kompleto ang araw ko kapag wala ako no'n.

Dahil mabait at masunurin ako na anak ay tumango ako sa sinabi ni Mama sa akin. Siyempre, uunahin ko ang pumunta sa school, magbayad ng enrollment fee, at mag fill-up ng enrollment form. Pagkatapos no'n ay mag-co-computer ako. Mga thirty minutes lang naman, manonood lang ng ukulele chords tutorial. Tsaka diyes pesos lang bigay sa akin ni Mama, kaya ang singko pesos ilalagay ko na lang ito sa baboy kong alkansiya.

“Oh, siya, upo ka para masuklay ko ang buhok mo.”

Kaagad akong sumunod sa utos niya. Umupo ako sa sahig para masuklayan na niya ang maikli kong buhok. Noong nag-summer na ay kaagad kong sinabihan si Kuya na gusto kong putulin ang mahaba kong buhok. Kasabwat ko kasi ‘yon sa tuwing putol ng buhok ang usapan. Tuwang-tuwa naman ito at kaagad kinuha ang gunting sa kusina.

Naalala ko tuloy pagkatapos no'n ay nagalit si Mama nang husto. Nagmukha raw kasi ako ‘yong cartoon sa TV. Sobrang ikli ng ipinutol na buhok ni Kuya, tsaka nilagyan niya pa ako ng bangs na hanggang noo lang ang abot, imbes na kilay.

Bigla na lamang akong napangiti.

Mabuti nga ganito na lang ang buhok ko, eh, para hindi na siya mahirapan suklayin ang buhok ko. Kita mo ngayon, wala pang minuto, tapos na siya sa pagsusuklay ng buhok ko. Ang sabi pa nga ni Kuya, life hacks. Matalino talaga ‘yan si Kuya, valedictorian ‘yan noong elementary. Kaya naman ako ang nasasayangan no’ng huminto siya sa pag-aaral para lang sa akin.

Nakakatuwa sa puso, minsan masakit din. Mahirap maging mahirap, tapos ikaw pa ang panganay. Parang kargang karga mo ang lahat…

“Mama… wala na po ba’ng balak mag-aral si Kuya?”

Naitanong ko ‘yon bigla habang iniipit niya ang mga bulaklaking ipit sa magkabilang hibla ng buhok ko. May biglang curiosity lang ako, kasi gusto ko talaga mag-aral si Kuya. Naalala ko noon, gusto no'n maging isang mekaniko sa mga sasakyan. Kumbaga, mechanical engineering ang gusto niya. Tsaka, sobrang matalino ‘yon pagdating doon, kaya sayang naman kung hanggang panaginip na lamang ang pangarap niya.

“Nako… sinabi ko sa kaniya na mag-aral siya. Huwag kang mag-alala, ang sabi niya sa akin babalik siya sa pag-aaral. Try daw niyang mag-enroll sa TESDA.”

Napangiti ulit ako. Sana nga bumalik siya sa pag-aaral. Isa rin ‘yon sa mga hiling ko.

“Oh, siya, mag-ingat ka, anak, ha?”

Tumango ako sa kaniya bago ako tumayo. Tinignan ko ang sarili sa isang maliit na salamin at natuwa dahil ang ganda ng mga flower clips naka ipit sa buhok ko. Bigay ang mga ito ni Tiya Lany last week, noong naisip niyang malapit na pala ang birthday ko. Mga pinaglumaan na kasi ng mga anak niya ang mga ito noong mga bata pa sila. Imbes na itapon, ibinigay na lamang sa ‘kin. Pati rin itong mga damit na suot ko, tsaka marami pa, bigay din ang lahat ng ‘yon kay Tiya Lany. Pinaglumaan na rin ng mga anak niya.

Ang favorite part ko talaga ‘yong magbibigay ng package ang mga anak nito. Sobrang dami kasi no'n, tapos palagi kaming kasali. Palagi kaming may pasalubong. Nakakatuwa sa puso.

“Mauna na po ako, Ma,” paalam ko kaagad nang masuot na ang puting sapatos.

“Mag-ingat ka, ha?”

𝐅𝐥𝐨𝐫𝐞𝐬𝐜𝐞𝐧𝐜𝐞: 𝐋𝐨𝐯𝐞 𝐁𝐥𝐨𝐬𝐬𝐨𝐦Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon